Miyerkules, Oktubre 5, 2011

Karera


Karera

August 16th, 2009
Speed Racer!!!
Ito ang tawag kay Joel ng mga taong nakakakilala sa kanya. Napakabilis kasi niyang magmaneho ng motorsiklo. Ang karera ang isa sa libangan ni Joel. Mahilig siyang makipaglaban may pusta man o wala. Katuwaan man o hindi, ang mahalaga sa kanya kapag nasa highway na siya ay siya ang dapat na manguna. Walang makakalampas sa kanya.
Katulad ngayon, wala namang dahilan ang ginagawa niyang pakikipagkarera. Gusto lang niyang patunayan sa kanyang sarili at sa lalaking ito na siya ang pinakamagaling sa lahat. Naungusan lang kasi siya pagdating sa traffic lights ng lalaking naka-motor na katapat niya ngayon. Nagkainitan sila hanggang sa magkasundo na magkarera na lamang.
“Tandaan mo pare, kapag nag-go signal, umpisa na ng karera natin!” sinabi ni Joel.
“Sige, nakahanda ako!” sagot naman ng lalake.
Panay-panay ang rebolusyon ng motor ni Joel habang ang kanyang mga mata ay nakatitig sa traffic lights. Nang umilaw nga ang berdeng ilaw ay pinasibad na ni Joel ang motorsiklo niya.
“Sige, habol pa.. .kainin mo ang alikabok ng aking motor!” natutuwang sigaw ni Joel nang lampasan ang motorsiklong nasa unahan niya.” Habol pa!”
“Ang yabang mo, nandiyan na ako…yaaaahhh!” sigaw naman ng humahabol na lalake. Lalo pang pinabilis ang takbo ng motor.
Pero sa malas ay talagang mabilis ang motorsiklo ni Joel kaya naman tuluyan na siyang nakalayo sa lalake. Nang lingunin niya ang kalaban ay hindi na niya iyon nakita pa. Naisip niya na baka sa iba na nagdaan iyon kaya naman tuloy-tuloy na siyang umalis sa lugar na iyon.
Nang sumunod na gabi, isang hamon ang muling natanggap ni Joel mula kay Rommel. Sa gabi nila gagawin ang karera sa isang highway sa gawi ng North Fairview Quezon City. Siyempre, hindi tumatanggi sa hamon si Joel. Para sa kanya ay isa na naman iyong pakikipagsapalaran, kaya excited siya. Gusto niyang ipakita kay Rommel na magagawa din niya itong talunin.
Pagdating ng alas-otso ng gabi ay nasa lugar na si Joel kung saan sila magkakarera ni Rommel. Nagulat siya nang makitang naroon na si Rommel at waring naiinip na rin sa paghihintay sa kanya. Nakasuot ng helmet at jacket na itim.
“Ang tagal mo naman! Kanina pa ako naghihintay sa iyo!” sabi ng lalaki.
“Kung gayon ay simulan na natin ang karera!” hamon ni Joel.
“Sige! Mauna ka na! Kung sino ang unang makarating hanggang sa dulo nitong kalsada sa Lagro, siya ang panalo!”
“Mas mabuti kung sabay tayong aarangkada upang hindi mo sabihing dinayakita!”
Sumang-ayon naman ang lalake kaya naman sabay nilang pinaarangkada ang kani-kanilang motorsiklo. Sinagad agad ni Joel ang rebolusyon ng motor niya. Panay-panay ang kambiyo kaya naman parang hindi na sumasayad sa kalsada ang gulong ng kanyang motorsiklo sa bilis. Ngunit nagtataka si Joel dahil kahit ano ang gawin niya ay hindi niya maiwanan ang kalaban. Nakasabay pa rin iyon sa kanya.
“Ano bang mapapala mo sa karera! Masaya ka ba kapag nananalo ka?” sabi ng lalakeng kaagapay niya pa rin sa pagtakbo. “Oo naman!” tugon ni Joel.
“Pero magiging masaya ka ba kung dahil sa iyo ay mayroon namang nalulungkot! Mayroong mga pusong lumuluha sa pagkawala ng kanilang minamahal. Mga taong nasayang ang buhay dahil lamang sa walang kwentang karera na gaya nito!” mahabang paliwanag ng lalake.
Kinilabutan si Joel sa mga bagay na narinig mula sa kalaban. Pinabagal niya ang takbo ng kanyang motorsiklo at muling nilingon ang lalake kung saan nakita niyang nagdurugo na ang mukha ng lalake nang maalis na ang helmet niyon. Saka niya nakilala na ang lalaking kalaban ngayon ay hindi si Rommel kung hindi ang lalaking nakasabay niya noon sa may traffic lights. Iyong lalaking bigla na lamang nawala.
“Naaksidente ako ng maglaban tayo. Kaya hindi ko na nagawang makasunod sa iyo. Nandito ako hindi para gumanti, kung hindi para bigyan ka ng babala. Katulad mo rin ako noong nabubuhay pa ako…mahilig ako sa karera pero ang kinahantungan ko ay kamatayan. Sana ay huwag lang ang sarili mo ang isipin mo pare, isipin mo din ang mga mahal mo sa buhay na iiyak para sa iyo!” Pagtatapos ng lalake at bigla ay naglaho na ito.
Biglang preno si Joel. Nawalan ng balanse ang kanyang manibela habang ang kanyang mga mata ay nanlalaki at hindi kumukurap. Pinagpapawisan siya ng malapot habang ang dila ay waring naninigas, hindi siya makapaniwalang nakipagkarera pala siya sa isang multo. Saka niya naisip na marami na nga palang naaksidente sa lugar na iyon. Saksi ang lugar na iyon sa mga madudugong karerang naganap doon kung saan ay maraming buhay ang nasayang.
Makalipas ang ilang sandali ay nagulat si Joel nang magdatingan ang mga kalalakihang nakasakay sa mga motorsiklo. Nandito si Rommel at handang-handa na para sa karera nila ni Joel. Nanatiling tahimik si Joel habang ang mga mata ay nakatingin sa kalayuan kung saan ay parang nakikita pa niya ang lalaking nakipagkarera sakanya kani-kanina lang.
“O ano pare nakahanda ka na ba?” tanong ni Rommel.
“Sa karera ba pare?” ani Joel. ” Huwag na kaya nating ituloy!”
“Bakit? Natatakot ka na ba?” muling tanong ni Rommel.
“Oo, natatakot ako para sa mga taong mauulila ko kung sakaling may mangyari sa akin sa walang kwentang pakikipagkarera na ito!”
“Joel! Ikaw ba talaga iyan! Anong nangyari sa iyo!”
“Wala pare, sabihin na lang natin na nakapag-isip-isip na ako. Ayaw ko ng makipagkarera buhat ngayon!” pagtatapos niya, sabay talikod.
Marami sa mga kaibigan ni Joel ang hindi makapaniwala sa ginawa niya.. Marami ang nagtataka sa bigla niyang pagbabago, subalit para kay Joel tama ang multong nagpakita sa kanya. Pero sino nga ba ang maniniwala kung ikukuwento niya ang kanyang naranasan.
Baka pagtawanan pa siya di ba?
Pero ang mahalaga ay ang aral na natutunan niya…
Ang Wakas

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento