Miyerkules, Oktubre 5, 2011

Pangga


Pangga

May 24th, 2011
Pangga ang katawagang pinili ni Benjie na itawag kay Marivic, ang kaisa-isang babae na matagal ng pinapangarap ni Benjie na mapasa-kanya…
Ang “pangga” ay salitang Bisaya na ang kahulugan ay “mahal”. Ito ang endearment word na ginagamit ng ilang magkasintahan bukod sa hon, love, dear, babe at iba pa. At Pangga ang katawagang pinili ni Benjie na itawag kay Marivic, ang kaisa-isang babae na matagal ng pinapangarap ni Benjie na mapasa-kanya.
Ngunit sa kasamaang palad, sa tinagal-tagal ng panliligaw ng binata kay Marivic ay bigo pa rin itong mapasagot ang kanyang “Pangga”.
Simpleng babae lang si Marivic. Ngunit taglay nito ang kasimplehang natipuhan agad ni Benjie sa una pa lang pagdadaop ng kanilang mga mata.

Sa birthday party sila unang nagkita. Hindi nag-aksaya ng panahon si Benjie at sa tulong ng isang kaibigan ay nakilala nito si Marivic. Ngunit sa sandali ding iyon ay hindi mapasisinungalingan na hindi nakuha ni Benjie ang atensyon ng dalaga. In other words, hindi nito type si Benjie.
Gano’n pa man, hindi nasiraan ng loob ang binata. Nang makuha nito ang cell number ni Marivic ay naging regular na itong texter ng dalaga.
Sa umpisa’y pasimple pa ang ginawang pagpapahaging ni Benjie sa text. Ngunit nang makaipon ng lakas ng loob, tuluyan itong nagpunta sa bahay ni Marivic para pormal itong manligaw.
Sa kasamaang palad ulit ay naging prangka agad si Marivic sa umpisa pa lang.
“Ayokong isipin mo na masyado akong rude sa iyo. Pero hindi ko rin gusto na paasahin ka o kahit na ang sino pa man. Prangka ako dahil ayo kong pahirapan pa ang kapwa ko… huwag mo sanang ikagalit pero.. . maging friends na lang tayo.”
Hindi ipinahalata ni Benjie ang nadamang panlulumo dahil sa sinabing iyon ni Marivic. Nagawa pa nga nitong ngumiti.
“Naiintindihan ko. Pero maghihintay pa rin ako, Marivic. Dahil.. .dahil.. .m-mahal talaga kita…’”
Hindi naging hadlang ang kaprangkahan ni Marivic. Patuloy pa ring nanuyo ang binata bagay na ikinairita na ng dalaga.
Minsa’y naikuwento ni Marivic sa kanyang bestfriend ang tungkol sa makulit na manliligaw.
“Hindi ko na nga alam kung ano ng effective na salita ang sasabihin ko sa kanya. Nakakainis na kasi ang kakulitan, e.”
Galing sa kani-kanilang trabaho ang magkaibigan. Naisipan nilang magkita at kumain sa labas. Suweldo kasi nang araw na iyon.
“Isa lang ang ibig sabihin no`n, friend. Gano`n siya kahibang sa beauty mo. O, ayaw mo no`n? Bongga ka!”
Napangiwi si Marivic.
“Ayoko nga, e. Nakukulitan na ‘ko. Kung minsan nga pinagtataguan ko na talaga siya. Pero pag gano’n naman ang ginagawa ko, nagagalit sa ‘kin si Daddy. Hindi raw tama ‘yon.”
“Oo naman. Hindi naman kasi kasalanan nung tao na ma-in love sa’yo, e.”
“Nando’n na ‘ko.. .kaso hindi ko nga mapigilang hindi mainis. At heto pa ang isa.. .naiirita talaga ko sa endeannent word na itinatawag niya sa ‘kin. Kainis!”
“Bakit ano ba’ng tawag niya sa’ yo?”
“Pangga! O, ‘di ba kainis!”
Napahagikgik nang mahina ang kaibigan nito.
“Sweet nga, e. ‘Di ba ibig sabihin no’n…mahal? Wow ha.. .talagang super in love ang mokong na ‘yon sa ‘yo.”
“Kainis ‘ka mo. Ano ang suggestion mo? Ano ang puwede kong gawin para tigilan na niya ‘ko? Ano?”
“Isa lang ang naiisip ko… dapat magkaroon ka na ng boyfriend para tumigil na siya.”
“Gano’n? E, wala pa nga akong boyfriend paano ‘yon?”
“Puwes maghanap ka na at sagutin mo agad.”
Kung sana nga ay ganoon kadaling gawin ang suhestiyon ng kaibigan. Ngunit hindi ang tipo ni Marivic ang madaling pumasok sa isang relasyon. Isa pa, minsan na itong nabigo sa unang boyfriend kaya marahil nadala na si Marivic. At totoong hindi pa nito gustong pumasok sa panibagong relasyon.
Kaya ganoon na lang ang pagtanggap ni Marivic sa kanyang manliligaw. Tumatanggap siya ng suitor ngunit wala sa isip niya na sagutin ang sino man sa mga ito. Lalo na si Benjie, ang pinakaaayawan ni Marivic sa lahat ng kanyang manliligaw.
Umabot sapunto na tumindi na ang inis at iritasyon ni Marivic sa pangungulit ni Benjie. Kaya isang gabing dumalaw ito ay hindi na nakontrol pa ng dalaga ang sarili.
“Kung puwede lang, ito na ang huling pagpunta mo rito. Tama na.. .huwag mo ng pahirapan ang sarili mo… dahil wala ka talagang aasahan sa akin.. .ngayon at kahit kailan pa.”
Bagsak ang mga balikat at lulugu-lugong umalis si Benjie ng gabing iyon. Pagkaraan lang ng ilang oras, nang gabi ring iyon ay isang text message ang natanggap ni Marivic mula kay Benjie.
Tanggap ko na ang pagkatalo ko. Pro man2tili ka pa rn s puso ko. Kw p rn ang nag-iisang Pangga ng buhay ko.
Mensaheng ni hindi pinagkaabalahang suklian ng sagot ni Marivic. Sa halip ay ikinairita pa nitong lalo ang text message na iyon.
Inisip ni Marivic na nakawala na siya sa pangungulit ni Benjie. Ngunit nagkamali siya. Dahil ng mga sumunod na araw, hindi siya tinantanan ng kung anu-anong text messages mula sa binata. Halos hindi nabinabasa man lang ni Marivic ang mga text messages dahil sa nadaramang inis.
Isang umaga ay tinanghali ng gising si Marivic. Ginahol siya sa paliligo at pagbibihis. Nagkukumahog halos ang dalaga sa pag-alis upang hindi ma-late sa opisina.
Nang sapitin ang sakayan ng jeep ay parang tuksong punuan ang bawat magdaang jeep. Kung kailan pa naman siya nagmamadali.
Nasa ganoong paghihintay si Marivic nang makarinig siya ng isang boses. Isang pamilyar na katawagang iisang tao lang ang alam niyang tumatawag sa kanya.
“Pangga!”
Awtomatikong napalingon sa gawing likuran si Marivic. Bahagya siyang napaatras sa kinatatayuan. Ngunit hindi niya nakita ang inaasahang tao na tumawag ng gano`n sa kanya.
Sa eksaktong segundo ng paglinggon at bahagyang pag-atras ni Marivic ay eksakto ring rumagasa sa kanyang harapan ang isang kotse na ubod ng tulin ang takbo.
Napahugot ng malalim na hininga si Marivic.
Susmaryosep! Kamuntik na akong mahagip ng kotseng iyon, a?Sinong herodes kaya iyon na akala mo nabili ang daan!
Late reaction ang nangyari kay Marivic. Kung kailan sakay na ng jeep ay saka pa siya binundol ng kaba. Naalala niya ang nangyari. Muntik na siyang mabundol o masagi ng humahagibis na kotse kung hindi siya napalingon at napaatras.
Nang nasa opisina na ay nawala na iyon sa isip ni Marivic. Pagdating ng bahay kinagabihan ay nagulat ito sa isang balitang hindi nito agad mapaniwalaan.
“Paano n`yo nalaman?”
“Tumawag dito ang isang kapatid niya… nagpakilalang kapatid daw siya ni Benj ie. Iyon nga… ipapaalam lang daw sa iyo na patay na ang kuya niya. Kaninang umaga lang daw. Patay na nang makita sa kuwarto. Parang binangungot daw yata.”
Hindi kaagad nakapag-react si Marivic. Bigla nitong naalala ang nangyari sa abangan ng sasakyan nang umagang iyon bago siya pumasok.
May tumawag sa akin ng Pangga kaya ako lumingon. Kung hindi ako lumingon at umatras, tiyak na nahagip ako ng kotseng iyon. Iisa lang ang tumatawag sa akin ng Pangga …si Benjie lang. Pero…kaninang umaga namatay si Benjie?
Nang ikuwento ni Marivic sa ina ang pangyayari ay isa lang ang agad nitong sinabi. Marahil daw ay iniligtas siya talaga ni Benjie sa kapahamakan. O ng kaluluwa nito dahil ganoon siya kamahal ng binata.
Nang dumalaw sa burol ni Benjie si Marivic kasama ang bestfriend, hindi napigil ni Marivic na mapaluha. Habang nakatitig siya sa walang buhay na katawan ng dating manliligaw ay taimtim siyang humingi ng kapatawaran kay Benjie.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento