Miyerkules, Oktubre 5, 2011

Musika ng lagim


Musika ng lagim

October 1st, 2011
Napatda si Mau at ang mag-asawang Ben at Hilda sa napakinggang backmaskedmessages sa komposisyon ni Zoren. Napahumindig lalo si Mau nang marinig ang pangalang Beelzebub sa liriko ng musika. Dahil ang ibig sabihin ng Beelzebub ay “prinsipe ngmgademonyo”
NATAGPUAN nina Ben at Hilda na patay na ang kanilang nag-iisang anak na si Joepet sa sariling silid.
Overdosed sa droga.
Hindi makapaniwala ang mag-asawa dahil napakabait ni Joepet at ang alam nila ay wala itong bisyo. Isang matinding shock para sa kanila ang nangyari at alam nilang hindi matatahimik ang kanilang isip at damdamin hangga’t hindi nabibigyang linaw ang dahilan kung bakit.
Pagkatapos ng libing, kinausap nang masinsinan nina Ben at Hilda si Mau, ang nobya ng yumaong anak.

“Hindi po kami nag-away, Tita Hilda. Pero nitong mga nakaraang araw, napuna kong laging tulala at parang lumilipad ang isip ni Joepet,” pahikbing salaysay ng dalaga.
“Iyon siguro ang mga araw na natuto na siyang mag-drugs,” tiimbagang na wika ni Ben.
“May nabanggit noon sa akin si Joepet… sumali raw siya sa isang banda. Di ko lang nabigyan ng pansin dahil busy ako sa nalalapit naming business tour abroad.”
Napakunot ang noo ng mag-asawa. Wala silang kaalam-alam tungkol doon.
“Rock band ho ‘yon ni Zoren Silvestre, tita!”
‘”Yung dating DJ sa isang FM radio station!” bulalas ni Ben na halata ang pagkabigla.
“Opo, tito… ayon sa balita ay napaalis siya sa trabaho dahil may magulang na nagreklamo dahil muntik nang magpakamatay ng kanilang teenager na anak dahil sa brand ng music niya!”
Nakatinginan ang mag-asawa.
“Paiimbestigahan ko’ng Zoren na ‘yan!” Puno ng galit ang tinig ni Ben.
TINANGGAL ng management si Zoren dahil sa reklamo ng mga magulang sa panghihikayat nito sa mga listeners na subukan ang backmasking. Nagbigay pa raw ito ng titles ng mga sikat na kantang mayroong backmasked o hidden messages.
Ang backmasking ay isang teknik ng pagri-record ng isang tunog o mensahe sa isang kanta ng pabaligtad sa halip na pasulong tulad ng tradisyunal na musical recording. Kung patutugtugin ang isang kanta ng pasulong (forward manner) ay maganda ang mensahe. Kung patutugtugin naman ng pabaligtad (reverse manner), ay dito na maririnig ang nakatagong negatibong mensahe na kadalasan ay mga demonic messages pa.
Nadiskubre ito ng isang miyembro ng pinakasikat na banda noong Dekada 60. Hindi sinasadya ay napatugtog ng isang miyembro ng banda na noon ay nasa ilalim ng impluwensiya ng marijuana, ang isang kanta nila na pabaligtad. Nagustuhan nito at ng mga kasamahan ang melodiyang nabuo. Kaya magmula noon, pinauso na ng kanilang grupo ang backmasking.
Maraming kanta nila ang nagtataglay ng mga negatibong mensahe kung patutugtugin ng pabaligtad.
Gumaya na rin sa kanila ang marami pang mga singing artists lalo na ang mga rock bands na sa kasamaang palad, maituturing na ring mga satanista.
MAY ibinigay na MP3 player si Hilda kay Mau. “Nakakabit pa ang headphone niyan sa tenga ni Joepet nang matagpuan namin ang kanyang bangkay.”
Pinakinggan ng dalaga ang posibleng kantang pinapakinggan ni Joepet bago ito namatay.
Bakit ka nananamlay? Halina’t magsaya
Dalahin ay limutin dahil may bukas pa
“Palagay ko ho, sariling komposisyon ito ni Zoren. Kung ipinu-promote niya noon ang backmasking sa kanyang radio program, malamang dito rin sa kanyang mga kanta!”
“Sige, iha… tulungan mo kaming mabigyan ng linaw ang nangyari sa anak namin,” mangiyak-ngiyak na pakiusap ni Hilda.
Hinanap ni Mau sa music files sa computer ng yumaong nobyo ang kantang nasa MP3 player nito. Nang makita ang hinahanap ay binuksan niya ang sound recorder utility sa program at pumunta sa audio reverse features. Pagkatapos ay kinlik ang audio reverse at pinakinggan ang mensahe:
Beelzebub ang pangalan ko, ang saya sa mundo ko
Walang hanggan ang tawa, langhap na, langhap pa!
Huwag ipagbukas, lumipad ka!. Ngayon na!
Napatda ang tatlo sa napakinggang backmasked messages sa komposisyong iyon ni Zoren. Napahumindig lalo si Mau dahil ang ibig sabihin ng pangalang Beelzebub ay “prinsipe ng mga demonyo.”
“Ididemanda ko’ng Zoren na ‘yon!” galit na galit na wika ni Ben.
“Dahil sa pakikinig ni Joepet sa sikretong mensahe ng kanta nahikayat siyang gumamitng droga na naging dahilan ng pagkamatay niya!”
Napapailing ang kaibigan nilang abogado nang i-refer nila rito ang kaso ni Joepet.
“Suntok sa buwan ang gagawin natin. Merong British heavy metal band na kinasuhan noong 1990 dahil sa suicide pact ng dalawang school boys pagkatapos makinig ang mga ito sa sikretong mensahe ng kanilang kanta. Pero idinismis ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya,” kuwento ng abogado.
“Siyanga po,” susog ni Mau. Nakapag-research na rin siya tungkol sa impormasyong iyon sa internet. “Hindi raw sapat ang mga negatibong mensahe ng kanta upang magtulak sa isang taong magpakamatay. May malalim pa raw itong dahilan kaya sinunod ng taong iyon ang mensahe ng kanta.”
“Tama at kadalasan, emotional problems ang sanhi,” pagtatapos ng abogado.
Tinamaan ang mag-asawa. Naalaala ang grabe nilang pag-aaway dalawang linggo na ang nakararaan. Napaamin din sa wakas ni Hilda si Ben na may kinalolokohan itong babae. Kaya lang daw nagawa iyon ng lalaki dahil nagsiselos ito kay Hilda sa madalas na out-of-town business trip nito kasama ang amo.
Nauwi sa hiwalayan ang away nila na kaya lang hindi natuloy dahil noon unang naglayas si Joepet.
Sinikap nilang amuin uli ang anak. Nagkunwari silang nagkabalikan na. Ngunit palagi pa ring wala sila sa bahay dahil na rin sa mga commitments sa trabaho at personal nilang buhay.
IBINIGAY ng mag-asawa kay Mau ang MP3 player ni Joepet bilang remembrance. Napaiyak na niyakap iyon ni Mau. Mas madali para sa mag-asawa ang makalimot sa nangyari kay Joepet dahil may kanya-kanyang buhay na.
Siya, hindi niya alam kung papaano. Mahal na mahal niya ang nobyo. Ilang beses siyang niyayang magtanan ng binata na tinanggihan naman niya dahil nag-aaral pa lang sila. Siguro kung pinaunlakan niya iyon, buhay pa si Joepet.
Pero masisisi ba siya kung mataas ang magpapahalaga niya sa moralidad?
Inilipat ni Mau sa kanyang laptop ang lahat ng komposisyon ni Zoren na nasa MP3 player ni Joepet. Pagkatapos ay pinakinggan ang mga iyon ng pabaligtad.
Lahat ng mga awit ay nagtataglay ng mga negatibong mensahe. Mayroong nanghihikayat ng premarital sex, pumatay at sumamba sa alagad ng dilim.
Ipinagtapat iyon ni Mau at ipinarinig sa kaibigan niyang si Sofia. Pati ang dalaga ay nangilabot na rin.
“Ayon sa nabasa ko, lima sa walong komposisyon ni Zoren ay bibilhin ng isang recording studio.
Ang matitira ay dadagdagan na lang daw nila upang makabuo ng isang album na sila rin ang kakanta,” sambit ni Sofia.
“Piano kong isisiwalat ang sikretong ito sa recording studio na ‘yon, Sofia, nang hindi na lumaganap pa ang kabuktutan sa mga kantang ito!”
“Teka, Mau, malalagay sa panganib ang buhay mo kasi sisirain mo’ng mag-uumpisa pa lang na career ng frustrated DJ na ‘yon! At ang mga tulad daw nila ay may koneksyon at proteksyon sa mga satanista dahil nakikipag-cooperate sila roon sa pagpapalaganap ng kasamaan sa mundo!”
Pinagpawisan din nang malapot ang dalaga. Ayon pa sa nalalaman niya, ang mga satanista ay may demonic powers. Anupa’t makagawa ito ng kasamaan na walang kalaban-laban ang tulad nilang mga normal.
Takipsilim na nang lisanin ni Mau ang bahay ng kaibigan.
Mula Quiapo ay mag-e-LRT na siya para mabilis na makauwi sa Paranaque. Nagmamadali ang kanyang mga hakbang patungo sa pinakamalapit na LRTstation. Panay pa ang lingon niya dahil kanina pa niya napupunang siya ang sinusundan ng isang lalaking naka-jacket. Ang sombrero ay halos nakatakip na sa mukha nito.
Napakurap lang siya ay bigla itong nawala sa kanyang paningin.
Nakipaggitgitan na siya sa mga pasaherong umaakyat ng hagdan. Bigla siyang natigil nang makitang naroroon na sa itaas at naghihintay sa kanya ang lalaki.
Nagtaka siya. Paano ito nakarating doon nang ganoon kabilis samantalang malayo pa ito kanina sa likuran niya at halos di mahulugang karayom ang mga taong sinusundan nila?
Nagpasya siyang bumalik na lang. Napagibik na siya nang may humablot ng kanyang shoulder bag.
Ang mahiwagang lalaki!
Napatulala na lamang ang dalaga sa magkahalong takot at pagkabiglang naramdaman.
Napakurap lang siya ay parang bulang naglaho na naman ang lalaki sa gitna ng nagulantang na mga tao.
Anong klaseng tao iyon? Bakit bigla na lamang itong lumilitaw at nawawala?
Gustong himatayin ni Mau.
Nasa kanyang bag pa naman ang kanyang cellphone, wallet at mga mahalagang IDs.
Wala siyang nagawa kundi ang bumalik kina Sofia.
Ganoon na lang ang pagtataka niya nang madatnang patay na lahat ang mga ilaw sa bahay ng kaibigan. Alas sais pa lang at halos kaaalis lang niya roon.
Kumatok siya nang kumatok sa pinto nina Sofia ngunit walang sumasagot.
Naghinala na siya. Patakbo niyang tinungo ang tindahang may payphone sa di kalayuan
“Makikitawag langpo. Importanteng-i mportante lang. Naagawan ako ng bag at kailangang-kailangang kong makausap ang kaibigan ko. Wala po akong pera,” pakiusap niya sa matandang tindera.
Naawa sa kanya ang tindera at iniabot ang telepono.
Tinawagan niya sa landline ang’kaibigan. Ngunit walang sumasagot. Lalo siyang kinabahan kaya nagtanong na siya sa tindera ng numero ng police station.
“Bakit, ineng?”
“Kuwan ho… baka may masamang nangyari diyan sa bahay ng kaibigan ko!” Itinuro niya ang bahay nina Sofia.
Nagdadayal na siya nang lumitaw na naman sa di kalayuan ang mahiwagang lalaki. Nanginig na ang mga daliri niya nang makitang papalapit ito sa kanya.
Binitawan na niya ang telepono at walang paalam, nagtatakbo siyang lumayo roon. Nagtataka na lang napatingin sa kanya ang matandang tindera.
Hindi tumigil sapaglakad at pagtakbo si Mau para makalayo agad sa lugar na iyon. Tumigil lang siya nang mapadaan sa isang tindahang may payphone.
“M-Miss, p-puwede bang makitawag?” humahangos niyang pakiusap. “M-mamaya na lang ang bayad! Please, emergency lang!” halos mapaiyak na siya sa pag-aalala at nerbiyos.
Kinabahang napatango ang dalagita nang makita ang takot na nakarehistro mukha ng dalaga.
Ang roommate nya sa boarding house ang unang tinawagan ni Mau. Ngunit tunog lang nang tunog ang telepono ng mga ito. Nagtataka na siya. Kahit ba ang landlord at iba pang boarders ay wala rin sa boarding house?
Ang mga magulang naman ni Joepet ang tinawagan niya. Ganoon din ang nangyari. Nataranta na si Mau. Ano’ng nangyayari at lahat yata ng mga taong may koneksyon sa kanya ay may hindi kanais-nais na nangyari?
Nabuhayan siya ng loob nang may makita sa di kalayuan. Iyon ang karatula ng Barangay Hall. May mga tao sa loob. Maaari siyang humingi ng tulong doon.
Nakakailang hakbang pa lang si Mau nang biglang may humila sa kanya papasok sa nadaanang maliit na iskinitang nasa pagitan ng dalawang lumang building.
Nasindak siya nang mapagtantong ang mahiwagang lalaki ang may hawak sa kanya. Kumislap sa nag-aagaw na dilim at liwanag ang talim na hawak nitong patalim.
Agad pinutol ng lalaki sa pamamagitan ng hawak na patalim ang tali ng ikinuwintas niyang USB flash drive kung saan naka-saved lahat ang mga komposisyon ni Zoren.
At bago pa siya makabawi sa pagkasindak at makasigaw nang inundayan na siya ng saksak ng lalaki sa tagiliran.
OSPITAL. Si Sofia ang unang nasilayan ni Mau nang manumbalik ang kanyang malay. Nasa anyo ng kaibigan na halos wala itong tulog dahil sa pagbabantay sa kanya.
“Nasa loob pa ng bahay ang tatlong lalaki nang kumatok ka, Mau… Hindi lang kami makasagot dahil may mga armas sila,” ang sabi ng dalaga.
“A-anong ginawa nila sa iyo?” tanong niya na panay pa rin ang kabog ng dibdib.
Kinuha nila ang laptop ko at pinagsisira pa’ng computer ng kapatid ko. Binantaan din nila kami na papatayin kapag nagsumbong sa mga alagad ng batas.”
“Paano’ng… m-mabuti at hindi kayo sinaktan,” bulalas niya.
” Ang tindera sa tindahan ang tumawag ng mga pulis. May nakitawag daw na isang babae roon pero umalis agad dahil hinahabol ng isang lalaki. Nagkaideya ako na ikaw ‘yon kaya pinaghahanap ka namin sa pali-paligid. Salamat sa Diyos, natagpuan ka namin bago ka pa maubusan ng dugo,” kuwento ni Sofia.
Napapikit si Mau. Umaalon ang dibdib niya sa nabubuong malaking takot.
KAPAREHONG pangyayari ang naganap sa boarding house nina Mau. Ibinalita ito ng roommates niya na dumalaw sa dalaga sa ospital.
“May dalawang lalaking puwersahang pumasok sa boarding house. Kinuha ang laptop mo at ang MPS player. Wala kaming nagawa dahil armado sila,” sumbong ng isa.
“Takot na takot nga kami,” sabi naman ng isa.
“Sino kaya ang mga iyon?” pakli naman ng pangatlo.
Ibig nang manlaki ang ulo ni Mau. Ibig nang sumabog.
Nadagdagan ang takot sa puso niya nang pagkaalis ng mga ka-boardmate ay dumating at dumalaw sa kanya sa ospital sina Ben at Hilda.
Ganoon din ang kuwento ng mag-asawa. May mga lalaking pumasok sa kanilang bahay at pinagsisira ang lahat ng computer sa bahay nila kasama na ang kay Joepet.
Ikinuwento niya sa mga ito ang nangyari sa bahay ng kaibigang si Sofia at sa tinitirhang boardmate.
Iisa ang konklusyon nila: Gustong burahin nina Zoren ang kopya ng mga komposisyon nito na maaaring magamit na ebidensya sakali mang isiwalat niya ang backmasked messages na taglay ng mga ito.
Pero hindi nila puwedeng idemanda si Zoren at ang tatlo pang kasamahan ng robbery at attempted murder dahil walang kahawig ang mga iyon sa mga lalaking umatake sa kanila.
At iyon ang nakatatakot.
Malaki ang takot ng dalaga dahil malinaw na may ibang tumutulong kina Zoren na kung hindi sila magkakamali ay ang mga Satanista.
Agad namang naglaho ang nasabing pangamba ni Mau dahil hindi na itinuloy ni Zoren ang pagbibenta ng komposisyon nito sa kumontratang recording studio at nagdesisyong mangibang-bansa na lamang ang mga ito.
ILANG taon ang nagdaan. Manager na si Mau sa isang call center. Naka-get over na rin siya sa pagkawala ni Joepet. Ang totoo ay may napupusuan na siya sa isa sa kanyang mga manliligaw.
Pero madalas pa rin niyang maalaala ang mahiwagang lalaking iyon na sumaksak sa kanya. Iniisip pa rin niya kung sino ito at kung tama ba ang hinala na kabilang ito sa kulto ng mga Satanista.
Tinapakan ni Mau ang break ng kanyang kotse nang makitang umilaw ang pulang kulay sa stoplight.
Beelzebub ang pangalan ko, ang saya sa mundo ko
Walang hanggan ang tawa, langhap na, langhap pa!
Huwag ipagbukas, lumipad ka! Ngayon na!
Pamilyar na rap. Tinumbok ang dibdib ni Mau pagkarinig noon mula sa stereo ng katabing kotse na nakahinto rin. Marahan siyang lumingon. At muntik na siyang mapasigaw dahil…
Kahit nakatagilid, namukhaan niya ang nasa driver’s seat-ang mahiwagang lalaki!
At nakangisi ito habang nakatingin sa kanya!
Wakas

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento