MRM
April 21st, 2010
Metaphysical Radionics Machine (MRM)
NAPAKISLOT si Josie nang makarinig ng mga kaluskos sa labas ng dingding ng kanyang kuwarto. May tila matutulis na mga bagay na kumakayod sa tablang dingding noon. Naghalo ang kaba, tensiyon at galit niya.
“Pepoy, ikaw ba ‘yan?” tanong niya.
Nang walang marinig na sagot ay dali-dali niyang binuksan ang bintanang capiz at dumungaw. Pilit niyang inaninag ang bunsong kapatid sa ilalim. Nasa gilid kasi ng hagdanan ang bintana ng kanyang silid.
Bigla siyang napaatras nang mula sa ilalim ay lumipad paitaas ang tila isang malaking ibon.
Napahiyaw siya nang may dumantay na kamay sa kanyang balikat.
“Ate Josie, ako ito!” ani Pepoy.
Pabalyang isinara ng dalaga ang bintana at binatukan ang nagulat na kapatid.
“Kanina ka pa ba dumating? Paano mo nabuksan ang main door’? At ano ‘yung lumipad na muntik na akong dagitin? Tinakot mo ako, ah.”
“Kararating ko lang, ate. May duplicate key ako at siguro’y ang manok kong pansabong iyon.”
Nanlaki ang mga mata ni Josie. “Kitam? Hindi lang pala lakwatsa ang inaatupag mo! Pati na rin ang pagsasabong! Tama nga ang sumbong sa akin ng mga ate mo noon! Kaya sa halip na matapos agad, ang tagal bago mo natapos ang Marine Engineering!”
Nanlaki ang mga mata ni Josie. “Kitam? Hindi lang pala lakwatsa ang inaatupag mo! Pati na rin ang pagsasabong! Tama nga ang sumbong sa akin ng mga ate mo noon! Kaya sa halip na matapos agad, ang tagal bago mo natapos ang Marine Engineering!”
Wala sa loob ng binata ang sermon ng kapatid. Bigla kasi niyang naalaala na ibinenta na ang pansabong na manok noon pang makalawa bago umuwi ng Pilipinas ang nakatatandang kapatid. Umiikot ang utak niya sa pagtataka.
Kung ganoon, ano pala ‘yung muntik nang dumagit sa ate niya?
ISANG guro si Josie ngunit pinili niyang mag-domestic helper sa ibang bansa para mapagtapos ng pag-aaral ang tatlong nakababatang kapatid. Maganda na ang trabaho ng dalawa niyang kapatid na babae at pareho na rin itong may mga pamilya.
Ipinasya ng dalaga na huwag nang bumalik pa ng ibang bansa. Ulilang lubos na sila samagulang. Tapos na rin ang bunsong si Pepoy. At higit sa lahat, may edad na siya. Kailangan na niyang mag-asawa bago pa siya mapag-iwanan ng huling biyahe. Gusto rin naman niya na magkaroon ng sariling pamilya. May kanya-kanyang buhay na ang dalawang kapatid na babae at si Pepoy ay posibleng lumagay na rin sa tahimik ilang panahon mula noon. Ayaw niyang maiwang mag-isa dahil hindi niya pinangarap na tumandang dalaga.
“May nakuha na akong puwesto sa palengke para sa bubuksan kong mini-grocery store. Isang tindera lang ang kukunin ko para makatipid tayo sa gastos. Tumulong ka muna roon sa akin, Pepoy, habang inaantay mo ang tawag ng shipping company na inaplayan mo.”
“Sige, ate…” palihim na napangiwi ang sumang-ayong binata na hindi makatanggi sa kapatid.
PATOK agad sa mamimili ang grocery store ni Josie. Sa araw-araw ay karaniwan na ang pag-agaw ng pahinga sa matagal na pagtayo. Dahil hindi sanay sa aniya ay nakababagot na gawain. umeskapo si Pepoy at pasimpleng pumasok sa munting silid ng tindahan. Hihiga na sana ang binata sa single bed na naroon nang maispatan sa ilalim nito ang isang maliit na black attache case. Nakuryoso siya. Kinuha niya iyon at binuksan. Na frustrate siya. Hindi naman pala maliit na laptop tulad nang inaasahan niya ang laman noon. At hindi rin radio transistor-dahil kahit maraming volume adjustments ay wala namang FM at AM. Parang bagong model ng amplifier.
Binasa niya ang nakasulat sa gilid ng aparato: Metaphysical Radionics Machine (MRM). Kinuha niya at binasa ang maliit na brochure na nakapatong sa ibabaw ng MRM.
These powerful metaphysical radionics machines are the latest in New Age technology With these instruments, we finally have an easy way to connect with those higher planes such as the spiritual plane or astral plane. What you can do with these advanced MRM:
- magnetize the auric energy system to attract the opposite sex
- spirit communication
- remote view and astral travel…
- spirit communication
- remote view and astral travel…
“Pepoy!”
Naisara ng binata ang attache case sa sobrang pagkabigla.
“Kuu, kahit kelan, pakialamero ka talaga! “Kinuha ni Josie ang MRM at muling inilagay sa ilalim ng kama. “Hala, lumabas ka’t tulungan mo kami ro’n!”
Palihim na ibinulsa ni Pepoy ang maliit na brochure.
GABI. Inaantok na si Josie nang muli ay gambalain siya nang kaluskos sa dingding. Kinabahan naang dalaga. Naikuwento kasi sa kanya ni Pepoy na naibenta na nito ang pansabong na manok bago paman siya dumating. Malaking palaisipan tuloy kung saan nanggagaling ang mga kaluskos sa bintana.
Palakas nang palakas ang pagkayod nang matutulis na bagay sa dingding. Nakakairita iyon. Masakit sa tenga. Parang kinakayod pati ang kanyang utak. Maya-maya lang, narinig na ni Josie ang tila huni ng inahing manok.
“Pepoy! Pepoy!” sumisigaw na si Josie. Umakyat na siya sa kama niya at nagsisiksik sa headboard nito habang tinatakpan ng mga kamay ang dalawang tenga.
Kasabay sa pagbukas ni Pepoy ng pintuan ay awtomatikong nawala rin ang huni ng inahing manok. Ang naka on na MRM ang agad na nakita ng binata pagpasok niya ng silid. Nasa ibabaw ito ng kama ng ate niya.
“P-Pepoy, narinig mo ba ‘yon? D-di ba sabi ng matatanda, iyon ang huni ng aswang?!”
Alanganing matakot o matawa ang binata sa sinabi ng panganay na kapatid.
“Ate, akala ko hindi ka na naniniwala sa aswang dahil computer age na! Katunayan ay bumili ka pa nga nitong MRM na ayon sa iyo ay pinaka-latest sa New Age technology!”
Natampal ni Josie ang kamay ng kapatid nangakma nitong buhatin ang MRM.
“Hindi ako nakipaglokohan sa ‘yo, Pepito! Sagutin mo ako kung narinig mo rin ang huning iyon!” inis pero halata ang takot sa anyo ng babae.
“Hindi, ate. Nakikinig ako ng music sa pasalubong mong iPod.” Kinuha ng binata ang isa pang headphone na nakapasak sa isang tenga. “Pero kung iyon nga ang narinig mo, malamang ay dahil diyan sa MRM mo! Nabasa ko kasi sa brochure niyan na puwede ka raw makipag-communicate o maka-attract sa anumang espiritu!” ang paliwanag niya.
Hinablot ng dalaga sa kamay ng kapatid ang akala niya ay nawawalang brochure ng MRM.
“Mali ka ng interpretasyon. Ang sabi rito, makakapag-attract ako ng opposite sex at hindi ng masamang espiritu!” diin ni Josie na inirapan ang bunsong kapatid.
Napipilan ang binata. Malinaw na kaya binili ng kapatid ang naturang machine ay upang matiyak na makaa-attract ito ng lalaki at nang mag ka tsansang makapag-asawa.
Kunsabagay, sa tatlo niyang kapatid na babae, si Josie ang hindi kagandahan. Balingkinitan nga pero ang katawan ay halatang pinorma nang mahihirap na trabaho.
Pero para sa kanya, ang Ate Josie niya ang pinakamabait, pinakamaganda at pinakadakilang ate sa balat ng lupa. Patunay ang pitong taong pagtitiis nito sa ibang bansa maiahon lang sila sa kahirapan at mapagtapos ng pag-aaral.
“O, ba’t napatulala ka na riyan? ‘Wag mong sabihing mas takot ka kesa sa akin kung sakaling may aswang nga!”
“Hindi, ha! Saka walang aswang! Baka mga ibong naghahabulan lang iyon, ate.”
KAPAG alas dose na ng tanghali ay walang gaanong namimili sa grocery store. Ganoong oras kumakain ng pananghalian ang tindera ni Josie. Iyon din lagi ang oras na dumadaan si Rolando, ang dati niyang manliligaw noong hindi pa siya nangingibang bansa. Kababayan niya ang lalaki. Hindi pa rin ito nag-aasawa. Tila siya talaga ang hinihintay.
Kilala ang pamilya ng lalaki sa bayan nila dahil pinaghihinalaang may lahi ng aswang ang angkan nito.
“Mabuti at natiyempuhan kita, Jos. Kumusta ka na?” Malagkit ang tingin ng lalaki sa kanya.
“Mabuti naman,” matabang niyang sagot
Nag-report sa inaaplayang shipping company si Pepoy kaya hindi na niya mapagtaguan ang masugid na manliligaw tulad ng dating ginagawa.
“Balak ko sanang dumalaw sa iyo mamayang gabi…” nahihiyang sabi ng binata.
“Ay, naku! Sorry, ha? Pero may natanguan na akong panauhin mamayang gabi, e!” pagdadahilan niya.
Tumalon sa takot ang puso ni Josie nang magkasalubong ang kanilang paningin ng lalaki. Nakita kasi niya roon ang sama ng loob at tila isang nakaambang panganib.
PABILING-BILING sa higaan ng gabing iyon si Josie. Naiinis na siyang natatawa rin sa sarili. Tila hindi naman umuubra ang sinasabing power ng MRM na binili pa niya ng pagkamahal-mahal sa isang sikat daw na Master Radionics Practitioner sa bansang pinanggalingan.
Binasa niya uli ang isa sa mga katangian daw ng MRM sa pamamagitan ng energy wave nito kapag itina-turn-on na: Maaari raw nitong ma-attract ang opposite sex.
Iyon ang dahilan kung bakit lagi niyang dala ang MRM sa grocery store at tinu-turn on ito. Marami ngang mga kabinataang namimili at nakikipag-usap sa kanya pero ang nasasabi lang ay hanggang Hi! at Okey ang store mo, kumpleto na ay mura pa!
Tanging si Rolando lang ang nagkainteres na dalawin siya sa bahay. Sa totoo lang, may kilig naman siyang nadarama pag kaharap ang manliligaw. Guwapo naman kasi ito at makisig pa. Mahusay manamit at maginoo rin naman. May stable job din ito bilang electrician sa munisipyo ng kanilang bayan.
Iyon nga lang, isang malaking hadlang ang haka-hakang may lahi itong aswang.
Napakislot siya nang muling marinig ang huni ng inahing manok. Palakas nang palakas iyon. Parang mula sa tenga niya ay pumapasok ang tunog noon hanggang sa kahuli-hulihang hibla ng kanyang utak. Maya-maya lang ay humuni na ang tiktik at binunggu-bunggo ang nakasarang bintana ng kanyang silid.
Puno ng kilabot ang buong katawan, tarantang tumakbo palabas ng kanyang silid ang dalaga. Walang pasabing pumasok sa kuwarto ng kapatid.
Napabalikwas ng bangon si Pepoy. Agad na tinanggal ang headphone sa magkabilang tenga.
“M-may tiktik! Gustong pumasok sa bintana! Inaaswang ako, Pepoy!”
Sagsag sa kuwarto ni Josie ang binata pero tahimik na ang labas ng bintana ng silid nang dumating ito.
“Ate, relaks! Ang tiktik ay isang ibong panggabi at hindi aswang!” paliwanag ni Pepoy.
Napabuntong hininga si Josie. Pinahiran ng likod ng kamay ang pawis sa mga noo. Pagkatapos ay lupaypay na naupo sa kama.
Hindi sinasadya ay nasagi ni Josie ang MRM na naka-on pa. “Alam mo, ate.. .fake ang MRM na ‘yan! Naniniwala kaba namang puwedeng makipag-communicate ‘yan sa espiritu and so on!” Biglang napaawang ang labi ng dalaga.
“Teka, Pepoy.. .di ba may lahing aswang daw sina Rolando at masugid ko pa siyang manliligaw?… So, gumagana nga itong MRM! Si Rolando ang opposite sex na na-attract ko at siya ang evil spirit na gustong makipag-communicate sa akin!”
Napakamot ng ulo at napapailing si Pepoy. Sa kuwarto na ni Josie ito natulog. Naglatag ito ng banig sa tabi ng kama ng kapatid. Dahil pagod sa maghapong pagtao sa kanilang tindahan, agad nakatulog ang binata.
Hatinggabi nang magising si Pepoy sa kaluskos na nagmumula sa labas ng bintana. Napabangon ang binata nang makitang dahan-dahang bumukas iyon. Nakalimutan pala niya itong itrangka kanina nang sumilip siya sa labas. Kinakabahan pero tinatagan ng binata ang dibdib. Nagpasalamat siya dahil tulog na tulog si Josie.
Hindi gaanong maliwanag ang lampshade ngunit tiyak ni Pepoy na kamay ng lalaki ang nakikita niyang nangungunyapit sa pasimano para makaakyat.
Saglit lang ang pagkabigla niya. Patakbong hinaltak niya ang kamay papasok. Lumagabog ang ulo ng lalaki sa nakaharang pang takip ng bintana. Muntik pang mahulog si Pepoy sa bintana kung hindi agad binitawan ang kamay nang nagpapapalag na ang lalaki.
Nang makahulagpos ay agad itong tumalilis palayo.
Naalimpungatan si Josie. Nangatal ang buong katawan niya nang malaman ang buong pangyayari.
Napagbalingan ni Pepoy ang naka-on pang MRM na nasa ibabaw lang ng kama ng kapatid. Kinuha niya iyon at pinagsisira ang mga volume adjustments.
“Stop it, Pepoy! Ang mahal ng bili ko niyan! Akala ko ba’y hindi kananiniwalang gumagana ‘yan!”
“Mabuti na ang maging playing safe, ate!”
KINABUKASAN, lampas alas dose na ay wala pa rin kahit anino ni Rolando na sumilip sa grocery store na ugali na nitong gawin.
Oras kasi iyon ng lunch break sa munisipyo.
“P-palagay mo kaya ay siya ‘yong lalaki kagabi, Pepoy?”
“Ewan ko, ate. Pero kung siya nga, tiyak kong hindi agad siya magpapakita dito dahil tiyak na may mga bukol at mga pasa siya sa ulo at mukha. Ang lakas ng pagtama ng mukha niya sa bintana.”
Nakipabalita si Josie sa ilang kakilala sa munisipyo. Nang nagdaang hapon pa raw nag-file ng indefinite leave si Rolando. Kaninang umaga raw ang alis papuntang Maynila para magbakasyon muna.
Nakaramdam ng konting panghihinayang ang dalaga. Si Rolando na nga lang ang nanliligaw sa kanya ay malaking palaisipan pa ang pagkatao.
“Hayaan mo, ate, may darating para sa ‘yo,” pang-aalo ni Pepoy. “Next week na ang sakay ko. Ang chief engineer ng barkong sasakyan ko ay matandang binata. Mas guwapo kesa kay Rolando! Naghahanap din daw siya ng mapapangasawa. Irereto kita!”
Nakalabing hinampas ni Josie ang braso ng kapatid. “Guwapo na’y may mataas pa’ng posisyon… forget it, Pepoy. Hindi ako papansinin nu’n!”
“Ate, kaya nga raw siya tumanda ay dahil ang tulad mong may magandang kalooban ang hinahanap niya!”
May kumislap na ngiti sa mga mata ng dalaga.
Pumasok siya sa munting silid at kinuha sa ilalim ng kama ang sirang MRM. Lumabas siya at inilagay iyon sa basurahang nasa labas ng grocery store. Kumakanta pa siya nang pumasok uli sa tindahan para harapin ang mga mamimili.
Hindi na niya nakita ang muling pag-ilaw ng MRM at ang pagdampot dito ng isang basurero.
Wakas
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento