Theodora
December 26th, 2010
Maririnig niya pero wala siyang nakikita. At muli, narinig niya ang minsang sinabi nito. “Hinding-hindi kita titigilan”, maitim ang mga mata parang pagod na pagod…
Mula sa pagkakasilip sa nakaawang na bintana, nakita ni Renato ang mga tuyong dahon sa kanilang bakuran. Sobrang dami na ng mga iyon at halos matabunan na ang buong bakuran.
Saglit na nagtalo ang kanyang isip kung kukunin ang kalaykay at tuluyan ng iipunin ang mga iyon para masilaban. Maganda kasi ang laban ng basketball sa t.v. Parehong paborito
Niya ang dalawang team na naglalaban noon para niyang narinig ang high-pitched na boses ni Theodora.
Niya ang dalawang team na naglalaban noon para niyang narinig ang high-pitched na boses ni Theodora.
“Ano pa’ng hinihintay mo Renato? Bakit, uunahin mo pa ba ang buwisit na basketball na iyan? Magtatag-ulan na naman…alam mo naman na kapag nabasa ang mga dahon tiyak didikit ang mga ‘yun sa lupa, mahirap ng alisin! At saka ‘yung butas sa bubong sa kusina hanggang ngayon ‘di mo pa rin naaayos! At ‘yung…. blah blah blah…”
Ipinilig-pilig ni Renato ang ulo. Bakit parang totoong-totoo na narin’nig niya ang boses ng asawa? Lalo na kapag nakikita niya ang mga bagay na matagal ng ipinagagawa nito pero hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nagagawa? Tumitining sa ulo niya ang matinis na taginting ng boses ng babae.
Ipinilig-pilig ni Renato ang ulo. Bakit parang totoong-totoo na narin’nig niya ang boses ng asawa? Lalo na kapag nakikita niya ang mga bagay na matagal ng ipinagagawa nito pero hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nagagawa? Tumitining sa ulo niya ang matinis na taginting ng boses ng babae.
Sumulyap siya sa nakabukas na t.v., nasa kainitan na ang labanan ng basketball. Dali-dali itong umalis sa tabi ng bintana at dumiretso sa monoblock na recliner na nasa tapat ng t.v.. Mas masarap manood ng basketball kesa magkalaykay ng mga tuyong dahon o umakyat sa itaas ng bubong.
“Hoy Renatoo!” muntik ng mahulog sa recliner ang lalaki. Boses ba iyon ni Theodora? Si Theodora ba iyon?
Muling ipinilig ni Renato ang ulo. Dinig na dinig talaga niya ang bose’s ni Theodora. Parang kalapit lang niya. Wala sa loob na nagpalinga-linga siya. Narito ba ang asawa niya? Pero paano! Wala na si Theodora. Magda-dalawang buwan ng patay!
May pitong taon din si lang nagsama ni Theodora bago ito namatay. O sa mas tamang termino, pinatay.
Pinakasalan ni Renato si Theodora hindi lang dahil sa pag-ibig. Mas lamang ang kadahilanang secured ang buhay ng babae kahit pareho silang hindi magtrabaho. Si Theodora kasi ang beneficiary ng namatay na ama nito na isang Vietnam veteran. Naka-insured ito ng malaking halaga. Naka-arranged na buwan-buwan ang magiging pag-tanggap ng babae ng pera sa loob ng limampung taon. Twenty three pa lang noon si Theodora kaya kung tutuusin pang-habang buhay ang magiging pension nito.
Likas naman ang pagiging tamad ni Renato. Parang ilaw na on and off ang mga nagiging trabaho nito. Pero nagawa niyang mapaibig si Theodora. Wala naman kasing partido si Theodora na maaaring tumutol sa kanya kung sakali. Patay na ang mga magulang nito, at nag-iisa itong anak.
Sa simula ay ayos lang ang pagsasama nila. Pero habang tumatagal ay nakikita na nila ang ugali ng bawa’t isa. Natuklasan ni Renato na bungangera si Theodora. At natuklasan naman ng babae na sagad sa buto ang katamaran ng lalaki kaya lalong nadagdagan ang pagbubunganga nito. Mabuti na nga lang at hindi sila nagkaroon ng anak.
“Habang buhay ka na lang ba’ng aasa sa tinatanggap ko? Aba, matuto ka namang magbanat ng buto!” madalas sabihin ito ng babae kay Renato. Pero wala ngang trabahong tinatagalan ang lalaki. Namimili kasi ito ng trabaho. At sa totoo lang, pati mga gawaing-bahay na panglalaki tulad ng pagkukumpuni ng mga sirang gamit. pag-aayos ng bubong at kahit pagkakalaykay ng mga dahong tuyo ay kinatatamaran na niya.
Sa tuwing magbubunganga si Theodora dahil sa katamaran niya. hinahayaan na lang niya. Hindi siya puwedeng pumalag dito dahil baka tuluyan siyang palayasin ng asawa. Hindi conjugal ang bahay na tinitirhan nila. Namana ito ng babae sa mga magulang. Mas lalo siyang mahihirapan kung lalayas siya at hihiwalayan ang asawa. Mapipilitan siyang magbanat ng buto. At iyon ang ayaw na ayaw niya. Kaya nga si Theodora ang pinili niya. Para kahit wala siyang trabaho ay mabubuhay pa rin siya ng maginhawa.
Nitong mga huling taon ay napansin niyang isa-isang dinispatsa ni Theodora ang mga katulong sa bahay. Pati ang kanilang boy na naroon na kahit noong nabubuhay pa ang mga magulang ng babae. Katwiran nito, kapag siguro walang ibang gagawa ay mapipilitang kumilos ang lalaki. Pero hindi rin ito nangyari. Kung gumawa man ng isang bagay si Renato ay hindi naman tinatapos. At pinag-aralan na rin nito na ‘wag pansinin at dedmahin na lang ang pagbubunganga ng asawa. At napuna naman ito ng babae.
“Gago ka talaga Renato, akala mo siguro pag hindi mo ako pinapansin e, titigilan kita ano? P’wes, nagkakamali ka, dahil hinding-hindi kita titigilan ng kabubunganga hangga’t hindi mo inaalis ‘yang sobrang katamaran mo!”
At hindi nga siya nito tinigilan. Araw-araw ay tinatalakan siya nito.
“E kung gawin mo na kasi iyong mga pinagagawa sa ‘yo, tulad nung pagkukumpuni ng bubong sa kusina? Siguro naman titigil ang bunganga nun!” sabi ng kanyang kumpare minsang pumasyal siya dito at maihinga niya ang problema.
“At pagkatapos nun? Naku pare, hahanap na naman ‘yan ng ibang bagay na ipapagawa para mapraktis na naman ang bunganga!” naiinis niyang sagot.
“Pare, sadya naman yatang maraming gagawin na hindi mo ginagawa, e! Gawin mo na lahat para matahimik na ang buhay mo pare!” sabi ng kumpare niya. Alam din nito ang katamaran niya.
Pero iniisip pa lang ni Renato ang lahat ng mga gawaing naghihintay ay parang nanghihina na siya. Hindi talaga niya kayang gawin lahat iyon. Magtitiis na lang siyang makarinig ng pagtatalak ni Theodora. Sasawa rin siguro iyon at tiyak hindi rin iyon makakatiis at kukuha ito ng mga taong magkukumpuni ng mga sira sa kanilang bahay.
Pero hindi dumating ang inaasahan niya. Hindi kumuha ng mga taong gagawa si Theodora. At patuloy siya nitong binungangaan. Kahit nga sa gabi ay parang sinasadya nitong magdadaldal ng kung anu-ano.
Tuluyan ng naging miserable ang buhay ni Renato. Pero dahil sagad nga sa buto ang katamaran nito, mas gusto pa niyang maging ganon ang buhay niya kesa sa sundin ang mga ipinagagawa ng asawa.
Paminsan-minsan ay naiisip niya, gaano kaya kasarap ang buhay kung walang nagbubunganga sa kanya? Iyong wala siyang maririnig na uutos o pupuna sa mga ginagawa niya? Iyong kahit mag-relax siya maghapon ay wala siyang maririnig na kahit ano? Pumikit siya at nakita niya, ang sarili na walang ibang ginagawa kundi magrelax at i-enjoy ang buhay. At naisip niya, bakit nga ba siya halos ipagtulakan ni Theodora para magbanat ng buto? May pera naman sila, wala silang anak. Kung magtrabaho naman siya at kumita ng konti, hindi rin naman kailangan ng babae ang magiging kita niya. Bakit nga ba? Unti-unti, nakaramdam ng galit at pagrerebelde ang lalaki.
Hindi rin niya talaga plinano ang lahat. Isang gabi iyon na sige pa ring nagbubunganga ang asawa. Nagsimula na kasi ang ulan. At tumutulo ang bubong sa kusina. Hanggang doon na lang ang paninisi nito sa kanya. Itinalaga na ni Renato ang sarili na hindi siya makakatulog ng maayos sa gabing iyon.”
“Hoy lalaki… inilagay mo ba ‘yung malaking palanggana sa tapat ng butas?” malakas na tanong nito at bahagyang itinulak pa ang likod niya. Nakahiga na siya noon at nakatalikod sa asawa.
Sumagot siya at sinabing nailagay na niya.
“Kundangan kasi… inabot na tuloy ng tag-ulan! Bukas na bukas, kukuha na talaga ako ng magkukumpuni! Wala talaga’ng aasahan sa ‘yo. At bukas din, kung gusto mo, magbalot-balot ka na!”
Tumayo ang babae para pumunta sa kusina. Tiyak makakakita na naman ito ng iba pang bagay na ipag-iingay sa asawa.
Nang lumabas si Theodora ay bumaling si Renato. Noon niya nasulyapan ang baso ng tubig sa lamesita. Katabi nito ang maliit na bote ng sleeping pills ng babae. May mga gabi kasing nakikita niyang umiinom ng sleeping pills ang asawa. Nahihirapan daw kasing makatulog at sabi pa’y sa kakaisip sa kanyang naging kapalaran, kung bakit siya nagka-asawa ng napakatamad. Nakagawian na nitong ihulog ang pill sa baso ng tubig hanggang matunaw, saka nito iyon iinumin.
Bigla ang pagkislap ng ideya sa isipan ni Renato. Dali-daling kumuha ito ng apat na sleeping pills at inihulog iyon sa baso ng tubig. Naririnig niyang nag-iingay na naman ang asawa sa kusina. Nang bumalik ito ay nagkunwari siyang natutulog na. Patuloy pa rin ang pagbubunganga nito. Maya-maya’y narinig niyang binuksan nito ang bote ng sleeping pills. Naglagay pa ito ng isa pa sa baso ng tubig bago narinig niya ang pag-inom nito habang inuubos ang laman ng baso.
Hindi na nagising si Theodora ng gabing iyon. Tumigil ang pagtibok ng puso nito dahil sa overdose. Lumabas naman sa pagsusuri ng tinawag na doctor na biglaang atake sa puso ang ikinamatay nito.
Sa umpisa ay naging langit ang daigdig ni Renato. May naiwang kabuhayan ang asawa at mabubuhay siya ng maayos. Ilang panahon ding naging tahimik ang buhay niya. Lagi siyang nagre-relax kung kaya pati ang pagkuha ng mga taong gagawa ng mga sira sa bahay nila ay lagi niyang nakakalimutan.
Muling napapitlag si Renato. Bigla ang paglakas ng kanina lang ay mahinang ulan. Tamang-tama naman na oras na ng pagbabalita sa t.v., ibinabalita doon ang tungkol sa dumating na bagyo.
Humaginit ang napakalakas na hangin. At noon niya napansin na may sira na rin pala ang kanilang bintana. Ipinasya niyang bukas na bukas din ay kukuha na siya ng karpintero.
“Ayan! Ano ngayon? Nakita mo na? Noon ko pa ‘yan sinasabi sa ‘yo!” Muntik ng mapalundag si Renato. Boses na naman iyon ni Theodora!
Buhay na buhay ang boses. Pero bakit… paano…?
Tinungo niya ang ref. Kailangan niya ng pampainit. May pinalalamig siya doong imported na alak. Hindi siya tumigil sa pag-inom hangga’t hindi siya nahihilo.
Nagising siya sa malakas na paghugong ng hangin. At madilim na madilim. Brownout. Kinapa niya ang flashlight at nagtungo siya sa sala. Malakas na hangin at ampiyas ng bagyo ang sumalubong sa kanya. At nakita niyang bumigay na ang isang salamin ng bintana doon. Naghagilap siya ng maipantatakip. Basang-basa na siya bago naayos na matakpan ang sirang bahagi ng bintana.
Nagtungo siya sa kusina. Basang-basa na rin doon, dahil sa butas sa bubong na ngayo’y malaki na. Umaapaw na rin ang palanggana na nakasahod doon.
At noon muli niyang narinig ang boses ni Theodora. Sa pagkakataong ito, humihiyaw ito. Nagmumura. Tinungo niya ang sala pero hinahabol pa rin siya ng boses nito. Pulos paninisi.
Medyo lasing pa si Renato. Hinarap niya ang naririnig na boses.
“Theodoraa! Nasa’n ka? Bakit ayaw mo akong tigilan? Patay ka naa! Patay ka naa! Tumigil ka na sa katatalak mooo!” at ipinagbabato nito ang kahit anong mahagilap sa pinanggagalingan ng boses ng babae.
Pero talagang ayaw siyang tigilan ng boses nito. Maririnig niya pero wala siyang nakikita. At muli, narinig niya ang minsang sinabi nito. “Hinding-hindi kita titigilan hangga’t hindi mo inaalis yang katamaran moo!”
Maitim ang mga mata, parang pagod na pagod, finally ay tumayo si Renato.
“Oo naa, oo na. Gagawin ko na. Tumigil ka na!” sabi nito. Dala ang flashlight, may kinuha ito sandali sa isang kuwarto at lumabas ng bahay.
Tumigil na ang bagyo kinabukasan ng tanghali ng makita ng mga kapitbahay ang bangkay ni Renato na nakalawit ang kalahati ng katawan sa bubong ng kanilang bahay. Sa tabi nito ay naroon ang mga kagamitan para sa pagkukumpuni ng butas sa bubong. May malaking sugat ito sa ulo. Nahampas ito ng lumilipad na yero.
Hanggang ngayon, hindi lubos-maisip ng mga kapitbahay kung bakit ang isang tamad na taong tulad ni Renato ay biglang makakaisip magkumpuni ng sirang bubong kung kailan kalakasan ng bagyo sa kalaliman ng gabi.
Wakas
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento