Orasyon
May 14th, 2010
MATALIK na magkaibigan sina Justin at Gory. Nakapagtrabaho sa lungsod ang ama ng una kaya doon na sila tumira. Samantala ay nanatili sa baryo nila ang ama ni Gory. Pinagyaman nito ang mahigit sampung ektaryang palayang minana pa sa mga ninuno.
Ugali na ni Justin ang mamalagi kina Gory tuwing bakasyon lalo na kung Mahal na Araw.
“Isang buwan nang patay ang Lolo Gorio mo… bakit nakasara at nakakandado pa rin iyang silid niya, Gory?” usisa ni Justin.
“May mga gamit pa kasi riyan ang lolo na hindi pa nagawang iligpit ng itay at inay dahil abala pa sila sa palayan, Just.” Just ang tawag ni Gory sa kaibigan.
Si Lolo Gorio ay lolo na sa tuhod ni Gory. Nauna pang namatay ang tatlo nitong mga anak sa kanya. Kaya raw inabot ito ng isang daan at labing dalawang taong gulang bago namatay ay dahil may agimat daw ito. Hindi raw ito nagkakasakit. Hindi rin daw ito tinatablan ng bala at matatalas na bagay lalo na nang lumaban sa mga Hapones noong World War II.
“Hindi kaya ipinamana ng lolo mo ang agimat niya sa iyong itay?” ang sabi ni Justin.
“Hindi totoo ang mga pinagsasabi ng mga tagarito, Just. Ang sabi ng lolo, kaya raw hindi siya nagkakasakit dahil laging isda, gulay at prutas ang kinakain niya. Wala rin siyang bisyo kaya inabot siya nang ganoon katanda. Kumbaga, malaki talaga ang nagagawa ng clean living para tumagal ang buhay ng isang tao,” paliwanag ni Gory sa kaibigan.
“Hindi totoo ang mga pinagsasabi ng mga tagarito, Just. Ang sabi ng lolo, kaya raw hindi siya nagkakasakit dahil laging isda, gulay at prutas ang kinakain niya. Wala rin siyang bisyo kaya inabot siya nang ganoon katanda. Kumbaga, malaki talaga ang nagagawa ng clean living para tumagal ang buhay ng isang tao,” paliwanag ni Gory sa kaibigan.
“A, basta… palagay ko, kung di niya ipinamana, nariyan lang sa loob ang agimat niya!”
Nagkibit-balikat lang si Gory. Pero sa likod ng isipan, naroon pa rin ang pagdududang may katotohanan ang haka-hakang kasintanda na yata niya. Marami siyang tanong na hindi nabigyan ng sagot at nanatiling tanong ang mga iyon kahit wala na ang lolo niya.
Tulad na lang halimbawa kung bakit laging nakakandado noon ang lumang baul ng lolo niya sa ilalim ng higaan nito. Lagi ring iniiba ng lolo niya ang usapan kapag nagtatanong na siya ng anumang tungkol sa agimat
At nang bata pa siya, lagi niyang naririnig na nagdadasal ng orasyong Latin ang Lolo Gorio niya tuwing kabilugan ng buwan at lalo na kung Mahal na Araw!
Minsan, pahapyaw na tinalakay ng propesor nila sa literatura ang paniniwala ng matatanda tungkol sa anting-anting o agimat.
Para raw mapanatili ang kapangyarihan ng isang agimat dapat ay dadasalan daw ito ng orasyon palagi. Iyon daw ang pinakapagkain nito para mananatiling buhay.
At bakit laging ipinaalaala ng kanyang itay na huwag galawin ang lumang baul ng kanyang lolo?
Ano ang nasa loob niyon?
“SIGURADO ka bang dito rin sa amin magma-Mahal na Araw ang pinsan mong si Aira, Just?” Ilang ulit nang tanong iyon ni Gory sa kaibigan.
“Oo naman! Eksayted ‘yon na makarating sa lugar n’yo! Lagi ko kasing ibinibida na marami kayong tanim na mga prutas, lagi tayong namimingwit sa malinis na batis, naliligo sa talon at higit sa lahat.. .tall, dark and handsome ang bestfriend ko!”
Yan ang gusto ko sa ‘yo, pards!” Masayang nag-appear pa ang magkaibigan.
Nakita na ni Gory sa camera ng cellphone ni Justin ang dalaga. Agad na tinamaan ni Kupido ang kanyang puso.
BAGO dumating si Aira, inutusan si Gory ng ina na linisin ang kuwarto ng Lolo Gorio niya. Ito ang kuwartong ipapagamit sa dalagang bisita.
Tumulong na rin si Justin sa mag-ama sa paghahakot ng mga gamit ng yumaong matanda palabas ng bahay.
Sinunog lahat ang mga ito kasama ang lumang baul.
Napapailing na lamang si Gory nang makitang hindi maalis-alis ang tingin ng kaibigan sa nasusunog na baul.
“Lumaki ka naman sa lungsod, bakit interesado ka sa mga pamahiin o bagay na nilumaan na ng panahon?” pasarkastikong sabi ni Gory sa kaibigan.
“Manong ka talaga, Gregory! Mahilig kaming mag laro nina Aira ng Spirit of the Glass at kung anu-ano pang may kinalaman sa mundo ng mga espiritu! Just for fun!” pagmamayabang na tugon ni Justin. “Alam mo naman ang mga kabataan ngayon… tulad ko! Gusto’y thrilling na buhay! Hindi tulad ng sa iyo… boring! Bahay-eskwela-simbahan and vice versa!. Wow, pare, mamamatay agad ako pag ginaya kita!” Tinampal-tampal pa ni Justin ang noo sabay halakhak nang malakas.
LALONG sumaya ang bakasyon para kay Gory nang dumating si Aira. Ang ipinagtataka lang niya ay hindi na sumasama sa kanilang pamamasyal si Justin.
“Wala kang kasama rito sa bahay dahil buong araw na nasa palayan ang inay at itay…”
“C ‘mon, Gregory…walang puwang ang lungkot sa akin. Marami akong pagkakaabalahan dito. Dala ko’ng MP3 ko at may sinasaulo pa akong tula na very, very interesting!” Masayang ipinakita ni Justin ang dalawang lumang maninipis na libro.
Pinabayaan na lamang ni Gory ang kaibigan. Pabor nga sa kanya ang hindi pagsama nito para walang istorbo sa kanilang pag-uusap ni Aira.
Pero may napapansin siya sa kaibigan. Parang nagiging mailap ang mga tingin nito na para bang may itinatago sa kanya.
Nasagot ang kuryosidad niya nang minsa’y nagisnan niyang nakaupo sa sahig si Justin at may nakasinding kandila sa gitna nito.
May kung ano itong sinasabi na hindi niya mawawaan.
Nanayuan ang balahibo ng binata nang makitang may unti-unting namumuong kulay abuhing usok na nanggagaling sa tablang sahig.
“Justin!” malakas niyang tawag sa kaibigan. “Ano’ng ginagawa mo?”
Napatayong bigla ang tila naalimpungatang kaibigan.
“H-ha? Um, a…e… nagdadasal. May panata kasi akong pag malapit na’ng Biyemes Santo ay magdadasal ako tuwing hatinggabi.”
Dama ng binata na nagsisinungaling ang kaibigan. Naninibago na siya sa inaasal nito ngayon. May inililihim ito sa kanya.
Nasagot ang mga katanungan niya ng isang gabi ay nagisnan niyang wala sa kanyang tabi ang kaibigan. May narinig siyang parang may nagbubulungan sa kuwartong inuokupa ni Aira.
Patiyad niyang tinungo ang kabilang kuwarto. Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan ng silid at sumilip.
Nagitla siya nang makitang magkaharap na nakaupo sa sahig ang magpinsan. Nakatungo at tipong nagdadasal. Sa gitna nila ay may isang kandilang nakasindi. Si Justin ay may hawak na kuwintas na ang pendant ay hugis tatsulok na metal.
Nagsasalita ito nang hindi niya mauunawaang lengguwahe.
Latinl Iyon ang lengguwaheng naririnig niya noon sa kanyang Lolo Gorio!
Nanghilakbot ang binata nang mula sa gitna ng magpinsan ay lumitaw ang isang kulay abu-abuhing usok. Unti-unti itong naging kulay itim. Umikut-ikot sa bandang itaas ng magpinsan. At kasabay ng pag-alimbukay ng usok ay narinig ang nakakapangilabot na mga boses. Agad ding naglaho ang usok.
Napamulagat ang magpinsan at hintakot na napatayo.
Nang makita siya ni Aira ay nanginginig ang katawang yumakap ito sa kanya.
“Anong ginawa mo, Just?” usisa niya sa magkahalong galit, takot at pag-aalala.
Umamin si Justin na kaya sinadyang magpaiwan nang sunugin ang baul ay para maapula ang pagkasunog ng lumang baul ni Lolo Gorio. Dalawang maninipis na libro na lang daw ang naisalba niya at isang kuwintas na palagay niya ay ang agimat ng matanda.
“Hindi mo dapat pinakialaman ang alaalang isang yumao, Justin!” galit na wika ng ama ni Gory.
Kinuha ng lalaki kay Justin ang mga libro at kuwintas at tuluyang sinunog.
Humingi ng paumanhin sa matatanda sina Justin at Aira.
Napaaga ang pag-uwi ng magpinsan sa lungsod.
“KUNG ganoon, itay… totoo ang tungkol sa agimat ni lolo.” May hinanakit sa tono ng binata. Kaytagal na pinapaniwala siyang isang alamat lang iyon.
“Pinagsikapan naming ilihim iyon sa ‘yo dahil ayaw naming magkakainteres ka pa na mapasaiyo ‘yon.” pang-aalo ng ina ni Gory.
“Minana pa raw iyon ng Lolo Gorio sa ating mga ninuno, anak,” pagpapatuloy ng lalaki. “Pero matagal na niyang tinigilan ang pag-oorasyon sa agimat. Hindi rin niya ito ipinasa sa tatlo niyang mga anak. Gusto raw niyang sa kanya matapos ang maling gawain ng angkan natin. Bago siya namatay ay inihingi niya ng patawad iyon sa Diyos. Nagbilin siya sa akin na sunugin ko lahat ang mga gamit niya… na sa malas ay hinadlangan ng kaibigan mo.”
Napatiim-bagang ang lalaki bago ito nagpatuloy sa pagpapaliwanag.
“Kahit paulit-ulit pang orasyunan ni Justin ang kuwintas ay hindi na magkakaroon pa ng kapangyarihan dahil ang agimat daw na ninakaw lang ay nawawala ang bisa.”
“P-pero, itay… nasaksihan kong nagkabisa ng orasyon si Justin…”
“Ang orasyong ginamit ni Justin ay hindi orasyon para sa agimat. Isang uri iyon ng orasyon na nag-aalay ng kaluluwa sa hari ng kadiliman na ang kapalit ay kapangyarihan ding hindi tatablan ng bala o tabak. Pero ayon sa kuwento noon ng lolo mo, hindi raw niya sinubukan ang pangalawang orasyong iyon. Delikado raw iyon sabi ng itay niya dahil kung hindi raw makayanan ng isang tao ang presensya ng demonyo ay agad daw na kukunin nito ang kaluluwa ng taong iyon.”
SA tatlong araw na pagpapaiwan sa bahay nina Gory, walang ginawa si Justin kundi ang sauluhin ang mga orasyong Latin. Doon sa pangalawang orasyon siya nakadama ng reaksiyon. Patunay ang kakaibang boses na narinig nila noon ni Aira na nauntol lang nang pumasok ng kuwarto si Gory.
Tumunog ang kanyang CP, nakita niya sa monitor ang pangalan ni Gory. Muli niyang in-off ang tawag ng kaibigan. Ayaw muna niyang makipag-usap kay Gory at baka sumbatan lang siya nito.
Si Aira ang tinawagan niya. Hinimok niya ang pinsan na muli nilang gawin ang nauntol na ritwal kasama ng mga kaibigan nila.
“Nag-research ako tungkol sa agimat, ‘insan! Lalo raw lumalakas ang kapangyarihan nito pag inorasyunan ng alas tres ng hapon ng Biyernes Santo! Ngayon ang araw na iyon!”
“Ayoko na, Justin! Tigilan mo na rin ang mga kalokohang ‘yan! Mapapahamak ka lang!” payo ng dalaga.” Teka.. .tumawag si Gory sa akin. Ba’t daw hindi mo sinasagot ang mga tawag niya? May sinabi siya sa akin na dapat ko rin daw sabihin sa ‘yo! Justin, ang orasyong…”
Tinurn-off na ni Justin ang kanyang CP. Nakilala lang ng pinsan niya si Gory ay naging killjoy na ito ngayon. Magsama silang manong at manang!
“Justin! Ano ba? Ba’t ang tagal mo?”
“Oo nga! Mag-aalas tres nang hapon! Mamamatay na ang diyos natin!”
Nagkatawanan ang mga kaibigan ni Justin na nasa sala. Mga kabataan ito na tulad ni Justin ay mahilig mag-explore ng mga bagong karanasan.
Dali-daling lumabas ng kanyang silid si Justin at tinungo ang sala kung saan naghihintay na ang mga inimbita niyang barkada para sa isang bagong adventure na n-introduce niya sa mga ito.
Kahit sinunog na, saulado pa rin niya ang lahat ng mga nakasulat sa dalawang libro ni Lolo Gorio.
Excited na umupo nang pabilog at naghawak-kamay ang magkabarkada. May nakasinding kandila sa gitna nila.
Tumunog ang antique na orasan sa dingding. Inihudyat niyon ang alas tres ng hapon.
Huminga muna nang malalim si Justin bago niya inumpisahang sambitin ang pangalawang orasyon!
NAPASIGAW ang ina ni Justin nang dumating ito bandang alas singko ng hapon. Bumulaga sa paningin ng babae ang nakabulagtang anak kasama ang mga kaibigan nito. Luwa ang kanilang mga mata, nangingitim ang buong katawan…
At wala nang buhay!
Wakas
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento