Miyerkules, Pebrero 22, 2012

Ang Nilalang

Ang Nilalang

October 8th, 2011
Walang tigil sa pagwawala si Merlinda. Halos sumabog ang mga litid ng leeg niya sa pagtatangkang gumawa ng ingay mula sa bibig na may busal. Hanggang maramdaman niya ang paghablot sa katawan niya ng isang nilalang. Mababalahibo ang mga kamay niyon at matutulis ang mga kuko na agad tumusok sa magkabilang tagiliran at nagpasirit sa dugo sa kanyang katawan…
NAPALINGON si Merlinda nang marinig ang lagaslas ng tubig mula sa palikuran. Kagagaling lang niya sa banyo at tiyak niyang walang ibang tao roon. At bakit nga magkakaroon ng tao gayong nag-iisa lang siya sa bahay. Mamaya pa ang dating ng boyfriend niyang si Andrew.
Pumapagpag ang dibdib na naupo siya sa malambot na sofa. Hindi niya maalis ang mga mata sa gawing kinaroroonan ng comfort room. Nagtataka siya pero natatakot namang silipin iyon para bigyang sagot ang kuryosidad sa isip.
Nagitla pa siya nang marinig ang lagitik ng seradura. May nagbukas ng pinto.

“Sweetheart!” gulat na gulat si Andrew nang makita siya na biglang tumayo mula sa kinauupuan. “Ginulat mo ako, ah. Kanina ka pa?”
Lumapit sa kanya si Andrew at ginawaran siya ng halik sa labi. Hindi na rin nagtaka ang lalaki na nakapasok siya sa apartment nito kahit wala ang binata. Binigyan kasi siya ng duplicate key ng nobyo para maaari siyang makapasok doon na hindi na ito hihintayin pa.
“May dala akong cake. Nasa refrigerator. Pinakialaman ko na ang gamit mo,” medyo nahihiya pa niyang sabi.
“I’ll guess. Blackforestcake…”nakangiti si Andrew Iyong klase ng ngiti na nakakalimutan niya ang lahat.
Ngumiti si Merlinda. Tumango.
Muli siyang hinalikan ng nobyo. Pagkatapos ay inakbayan. “Let’s go. Iti-treat kita,” yaya nito.
Hindi na siya nakatanggi. Ilang sandali pa ay lulan na sila ng kotse nito at binabaybay ang kahabaan ng mga kainan sa Makati.
ILANG buwan pa lang nagkakakilala sina Merlinda at Andrew pero hindi naging hadlang iyon para ibigin ng dalaga ang binata. Every inch a gentleman, iyan ang tingin niya sa nobyo sa unang pagkikita pa lang.
Ang totoo ay hindi niya alam ang background ni Andrew. Nakilala niya ito nang dumalo sa isang product demonstration ng kompanyang pinapasukan. Ganun lang. ‘Na-hook agad siya nito.
Masayang kasama si Andrew at iyon ang dahilan kung bakit nalimutan niyang sabihin ang tungkol sa naramdaman niyang kakaiba habang hinihintay ang lalaki sa apartment nito. Hanggang maging siya, sa dami ng hinarap na trabaho sa opisina ay nalimutan nang banggitin pa iyon.
Minsan, habang nanonood ng panggabing newscast ay nabaling ang atensiyon niya tungkol sa isang nawawalang magandang babae. Ayon sa mga magulang ay may nobyo ang anak sa Maynila pero hindi nila kilala at pinangangambahan ding maaaring may kinalaman sa pagkawala ng dalaga.
Naalala niya ang sariling ama at ina. Nasa probinsiya rin ang mga ito. Mag-isa siyang naninirahan sa Maynila mula pa nang dito siya magkolehiyo. Nang magkatrabaho ay lalo na siyang nawalang panahon na umuwi. Ang pinakakomunikasyon niya sa mga pamilya ay ang tawag sa telepono at cellphone. Hindi pa rin niya nababanggit sa mga ito na may nobyo na siya. Ibig niyang sorpresahin ang ama’t ina. Ang balak niya ay umuwi ng probinsiya kasama si Andrew para personal itong makilala ng mga magulang.
Tunog ng cellphone ang gumulantang kay Merlina.
“Sweetheart, bakit? It’s past eleven” aniya na nakatingin sa wall clock na nakasabit sa dingding ng sala.
“M-may problema ako,” sabi ni Andrew.
Naalarma si Merlinda. Ngayon lang naiba ang boses ni Andrew mula sa masigla at puno ng buhay na tinig nito tuwing magkasama sila.
“Problema?” sabi niya. “How can I help? ”
“Please, puntahan mo ako,” may samo sa tinig ng binata.
Nagdalawang-isip siya. Gabing-gabi na. Baka mahirapan na siyang makauwi lalo’t hindi siya maihahatid ni Andrew sa kalagayan nito. Pero naalala rin niya ang nobyo. Nag-iisa ito at kailangan siya.
Sa huli, natagpuan ni Merlinda ang sarili na pumapara ng taksi at nagpapahatid sa apartment ng binata.
Madilim ang apartment. Tila walang tao sa loob. Kumatok siya. Walang sagot. Tinawag niya ang pangalan ni Andrew. Isang beses. Dalawa. Tatlo. Wala ni galaw mula sa loob ng kabahayan.
Kinabahan si Merlinda. Baka kung ano ang nangyari kay Andrew. Binuksan niya ang shoulder bag at kinuha ang susi ng apartment sa side pocket ng bag.
Kinapa ni Merlinda ang switch ng ilaw sa tabi ng pinto. Lumiwanag ang buong sala.
“Andrew!” tawag niya sa pangalan ng nobyo. “Andrew!”
Natutok ang mata niya sa silid ng binata. Dumiretso siya roon.
Marahan niyang binuksan ang pinto ng saradong silid.
Napasigaw siya nang biglang may humaltak sa kanya. Pero saglit lang ang sigaw na iyon dahil napalitan iyon ng isang impit na igik at pagbulusok ng malay niya sa kawalang malay, makaraang tumanggap siya ng malakas na suntok sa panga..
Matagal na matagal ang karimlang kinaroonan ni Merlinda. Hindi niya alam kung gaano katagal bago siya nagising. Ang tanging alam niya ay nakatali siya sa gilid ng paa ng kama nang pagsaulian ng malay. May busal ang kanyang bibig. May takip rin ang kanyang mga mata.
Natakot siyang umungol.
Natakot siyang baka pag gumawa ng ingay ay lalo siyang mapasama.
Nangangatog ang buo niyang kalamnan.
Parang sasabog ang kanyang utak.
Nasaan si Andrew?
Sino ang lalaking nasa silid ni Andrew?
Ito ba ang problemang sinasabi ni Andrew?
NARAMDAMAN ni Merlinda na may tumabi sa kanya.
Si Andrew!
“I’m sorry,” bulong ni Andrew.
Gusto sana niyang iparamdam kay Andrew na may malay na siya pero naunahan siya ng takot. Paano kung katabi nito ang lalaking nagtali sa kanya? Kailangan muna niyang makiramdam.
“I’m sorry!” sabi uli ni Andrew at waring nayanig ang kama sa pagkakasandal nito dahil sa hindi mapigilang pag-iyak.
May narinig siyang ungol. Sigurado siyang wala iyon sa loob ng silid pero nasa loob ng bahay. Ang ungol ay nagdulot sa kanya ng isang libo at isang kilabot.
Naramdaman niya ang pagtayo ni Andrew. Pagkatapos, tinanggal nito ang pagkakatali ng katawan niya sa kama pero hindi ang pagkakatali ng kanyang mga paa at kamay.
Bigla siyang hinablot ni Andrew. Kinarga.
Nakadama siya ng panganib.
Umigtad siya. Nagwala siya.
Nanlalaki ang ulo niya.
Lumakad si Andrew palabas ng silid at palapit sa ungol na una niyang narinig.
Wala siyang tigil ng pagwawala. Halos sumabog ang mga litid ng leeg niya sa pagtatangkang gumawa ng ingay mula sa bibig na may busal.
Naramdaman ni Merlinda ang paghablot sa katawan niya mula sa pagkakakarga ni Andrew. Mababalahibong mga kamay ang mga iyon na may matutulis na mga kuko. Agad tumusok sa magkabila niyang tagiliran ang tila kutsilyong mga kuko atnagpasiritsadugosakanyang katawan.
Halos mapugto ang kanyang hininga.
Ang sumunod ay impiyernong walang pangalang sakit.
Naramdaman pa niya ang pagkabali ng kanyang mga braso, ang lagutok ng mga binti niyang nilingkis ng malansa at mahabang katawan ng nilalang na hindi niya alam kung ano.
MARAHANG lumagitik ang seradurang nabuksan. Pumasok ang isang babae. May sarili siyang susi sa apartment dahil ibinigay iyon sa kanya ni Andrew, ang nobyo niya na ilang buwan pa lang nakikilala. Ibinababa ng babae ang dalang pagkain na binili sa isang restoran nang magulat siya.
Tila may marinig siyang labusaw ng tubig mula sa comfort room. Parang may nanggaling sa ibabaw ng toilet bowl at bumalik sa ilalim patungo sa septic tank.
Walang ibang tao sa apartment. Nag-iisang nakatira roon si Andrew at kaya nga siya nagpunta roon ay dahil balak niyang sorpresahin ang boyfriend.
Kinabahan siya at nakiramdam.
Sa comfort room, muling lumabusaw ang tubig mula sa toilet bowl. Isang mabalahibong nilalang na may matutulis na kuko, matutulis na pangil at anas na katawan ang unti-unting pumasok sa loob noon.
Ang nilalang, na isang halimaw, ay kakambal ni Andrew.
Tao ang pagkain ng halimaw at iyon ang ibinibigay ni Andrew sa kapatid.
Wakas

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento