Sabado, Pebrero 25, 2012

No rest in peace

No rest in peace

October 15th, 2010
“M-may nakita akong babae na katabi kong nakahiga sa kama. P-putol ang dalawang kamay at paa niya. Sunog din ang kalahati ng mukha niya.”
Muraming nagaganap na trahedya dahil sa sobrang pag-ibig, Hindi natin alam na ang mga lugar na pinangyarihan ng trahedya ay pinamamahayan ng mga kaluluwang hindi pa rin natatahimik sa kabilang buhay.
Istorya ito ng mag-asawang Perry at Maureen na nakasaksi ng reenactment ng naganap na trahedya sa bahay na kanilang inuupahan.
HINDI naman ako magandang lalaki pero nang ligawan ko si Maureen, sa napakarami niyang manliligaw, ako ang sinagot niya. Maraming nagtaka at nagtaas ng kilay. Ano raw ang nakita sa akin ni Maureen at ako ang pinili niya? Maging ako ay nagulat. But Maureen’s decision was final and I was the winner, at ang mga karibal ko ang loser.
Hindi naman sa nai-insecure ako, pero niyaya ko agad siyang pakasal, at sumang-ayon siya. Sa aming honeymoon, inusisa ko siya. Heart-to-heart.

“Bakit ako ang pinili mo sa dami ng suitors mong nakahihigit sa akin?”
Hindi niya ako agad sinagot, sa halip ay isang libro ang dinampot niya. “Sa nilalaman nito ako tumitingin at hindi sa cover, Perry. Nakita kong nakahihigit ka sa kanila sa mga katangiang hindi nakikita ng mga mata pero nadarama ng puso.”
Sa sinabi niyang iyon ay lalo ko siyang minahal. Ayokong masira ang kanyang expectation sa akin. Ipinakita at ipinadama ko na deserving ako sa pag-ibig na ipinagkaloob niya sa akin.
Subalit may mga taong tila sinasadya yatang guluhin ang buhay namin. Mga taong pasaway at gusto pang humirit ng panliligaw sa asawa ko. At tao lang ako naiinis, nagagalit, at nagseselos.
Ang huli ang pinakamatindi. Binura niyon ang katinuan ng isip ko para maging irasyonal. Inalis din niyon ang tiwala at kumpiyansa ko sa aking sarili na magpapaguho sa magandang pagsasama naming mag-asawa. Sa sobrang selos ko, kung maaari lamang ay ibulsa ko na lamang si Maureen o kaya ay ikulong sa isang kahon at bantayan para hindi maagaw sa akin ng iba.
Na-shock si Maureen sa ipinakita kong sobrang selos. Kahit sabihin pa yata niya nang isandaang beses na mahal niya ako at hindi ipagpapalit sa iba, may duda pa rin ako sa aking sarili. Kaya nang madestino ako sa branch office namin sa Baguio, isinama ko ang aking asawa.
Naghanap kami ng bagong matitirahan. Hindi naman kami nahirapan. Isang may kalumaang bungalow ang aming inupahan dahil mababa lang ang renta niyon.
“Siguro naman ay makakabuo na tayo ng baby rito,” sabi ko kay Maureen.
“Sana nga, para hindi ka na nagseselos. Masisira na rin ang figure ko at hindi na ako maliligawan,” pabirong tugon niya.
Pero hindi ko nagustuhan iyon. Para kasing may balak pa siyang magpaligaw sa tono ng kanyang pananalita. Kaya nagtalo kami. Napaiyak ko si Maureen na nagmukmok na lamang sa kuwarto. Ako naman ay labis na nagsisisi. Kung bakit kasi binibigyan ko ng kahulugan ang bawat salitang naririnig ko sa kanya.
Nang gabing iyon, mag-isa siyang natulog sa kuwarto. Hindi naman ako nagpilit pumasok dahil ikinandado niya ang pinto. Nagkasya na lamang ako na sa sala matulog. Doon ay nagmuni-muni ako. Paano ba maaalis ang panibugho sa puso ko? Iyon ang tinik sa pagsasama namin ni Maureen.
Iniisip ko tuloy na baka nagsisisi na ngayon ang asawa ko dahil ako ang pinili niyang pakasalan. Kumbaga sa libro, sa una lang pala maganda ang nabasa niyang istorya at nagustuhan pero nang tumagal ay pumangit na.
Naidlip na ako nang biglang marinig ko ang sigaw ni Maureen sa loob ng silid. Agad na napabalikwas ako ng bangon.
“Maureen! Maureen!” sigaw ko habang kinakatok ang nakakandadong pinto.
Bumukas naman agad ang pinto. Nanginginig sa takot na agad na yumakap siya sa akin.
“Bakit? Ano’ng nangyari?” usisa ko.
“M-may nakita akong babae na katabi kong nakahiga sa kama. P-putol ang dalawang kamay at paa niya. Sunog din ang kalahati ng mukha niya,” naiiyak na tugon niya.
Sinulyapan ko ang kama.
“Wala naman, ah,” naiiling na sabi ko. “Ikaw kasi, patampu-tampo pa sa akin. Tingnan mo, kung anu-ano tuloy ang nai-imagine mo sa pagtulog. Malamang na binabangungot ka lang kanina.”
Nakabuti sa akin ang pagkatakot na iyon ni Maureen dahil ayaw na niyang humiwalay sa aking tabi. Nagkasundo na kami.
Ang akala namin ay matatahimik na kami sa bahay na iyon pero nasundan pa ang mga nakikita ni Maureen. Minsan daw ay may kumakatok sa pinto habang nagluluto siya ng hapunan. Pagbukas niya ng pinto ay isang lalaki ang nakita niyang nakatitig sa kanya nang masama. Tila galit. Bigla ring daw tila usok na naglaho ang lalaki sa kanyang paningin.
“May nagmumulto sa bahay na ito, Perry. Nararamdaman kong hindi ako nag-iisa sa bahay na ito `pag wala ka,” may takot at pangamba sa tinig na sabi ng asawa ko.
“Nakapagpauna na tayo ng renta sa bahay, Maureen. Sayang naman kung iiwan agad natin ito. Tapusin na lang natin ang isang buwan at saka tayo humanap ng iba, okay?”
Napapayag ko naman siya. Ikinuha ko na lamang siya ng katulong na makakasama sa bahay. Isang araw, galing ako ng opisina at gabi na nakauwi. Nag-text si Maureen sa akin na manonood sila ng sine ng kasambahay namin kaya inaasahan kong walang tao sa bahay. Subalit may naaninag ako sa salaming bintana ng bahay. Tila may tao sa loob. Inakala kong baka pinasok na kami ng magnanakaw.
Dahan-dahan akong lumapit sa pinto. Nakakandado naman iyon. Ginamit ko ang aking duplicate key para buksan iyon.
Walang tao sa sala. Nakiramdam ako. Parang sa silid namin ni Maureen naroon ang tao. Hinagilap ko ang baseball bat sa likuran ng pinto at pumuwesto ako sa labas ng aming silid. Talagang hahatawin ko kung sino man ang makikita kong lumabas doon.
May mga tinig akong narinig na nag-uusap sa loob ng silid.
“Patayin mo na lang ako kaysa pahirapan mo habang-buhay,” dinig kong panaghoy ng isang boses-babae.
“Mahal kita at nakalaan akong paglingkuran ka,” tugon ng lalaking kausap ng babae.
“Mahal? Ang putulan mo ako ng mga kamay at paa upang pagkatapos ay subuan mo ng pagkain, paliguan at kargahin para ihiga sa kama, ganoon ba ang sinasabi mong pagmamahal?” hinagpis ng babae.
“Hindi ko gagawin iyon kung hindi mo ako niloko. Sa aking pananahimik, inakit mo ako, pinaibig, pinaasa. Sa kabila ng hitsura kong ito ay sinabi mong mahal mo rin ako. Naging sunud-sunuran ako sa syo. Mistulang alipin na sa isang pitik ng mga daliri mo ay agad akong lalapit. Pero sa kabila niyon ay ginawa mo akong kawawa. Ipinagpalit mo ako sa iba! Ipinamukha mo sa akin na pangit ako. Ganunpaman, mahal na mahal kita at gagawin ko ang lahat para ganap na maangkin ka at hindi maagaw ng iba.”
Natigilan ako sa aking mga narinig. Na-curious ako.
“A-ano’ng gagawin mo sa akin?”
“Kahit wala ka nang mga kamay at paa, maganda ka pa rin. Nadarama kong pinandidirihan mo pa rin ang aking kapangitan kahit asawa na kita. Gusto kong maging magkatulad na tayo kaya kailangang pumangit ka na rin!”
Kasabay ng narinig kong pahayag na iyon ay nakarinig din ako ng malakas na sigaw. Sigaw ng babaeng tila nasaktan at dumaraing. Hawak ang baseball bat, binuksan ko ang pinto. Tumambad sa akin ang isang lalaking may kapangitan ang anyo. Kaharap niya ang isang babaeng nakaupo sa wheelchair na umuusok pa ang mukha sanhi ng asidong isinaboy sa mukha nito. Nakita ko ring putol ang mga paa at kamay ng babae.
Sa isang iglap ay biglang naglaho ang dalawa na tila usok. Para naman akong namalikmata sa nasaksihan ko. Kasabay niyon ay nakadama ako ng pangingilabot. Tumindig ang aking mga balahibo. Tumakbo ako palabas ng bahay, at walang lingon-likod na nilisan ko iyon.
Tumawag ako kay Maureen na magkita na lamang kami sa kainan na madalas naming puntahan. Maging siya ay nagtaka kung bakit ayaw ko na munang umuwi sa bahay namin.
Sa isang hotel kami nagpalipas ng magdamag ni Maureen at kinabukasan na lamang kami bumalik sa bahay. Agad na nag-empake kami at saka umalis. Ayaw kong abutan pa kami ng gabi sa bahay na iyon. Nakituloy muna kami sa bahay ng isang kasamahan ko sa opisina.
Nakakita naman agad kami ng malilipatang apartment. Nang gabing iyon ko na lamang ikinuwento kay Maureen ang nasaksihan ko sa bahay na inalisan namin.
“Di naniwala ka na sa aking may nagmumulto nga sa bahay na iyon,” aniya.
Tumango ako. “Nasabi mo sa akin na nakakita ka ng babaeng katabi mo sa kama noong unang gabi natin sa bahay, `di ba? Putol din `kamo ang mga paa at kamay niya at sunog din ang mukha niya.”
“Oo.”
“At nakakita ka rin ng lalaking kumakatok sa pinto na bigla ring naglaho. Ano’ng hitsura ng lalaking `yon?”
“P-pangit siya at mabalasik ang kanyang mukha. Parang galit.”
“Asawa siya ng babaeng putol ang mga kamay at paa at may sunog sa mukha na nauna mong nakita.”
“Nakakaawa naman iyong babae,” aniya. “Halos nasa kanya na ang lahat ng kapintasan na nakita ko.”
“Kapintasang hindi siya ang may gawa kundi ang kanyang asawa.”
” Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Ang lalaki ang pumutol sa mga paa at kamay ng babae. Siya rin ang nagsaboy ng asido sa magandang mukha ng asawa niya para pumangit ito at hindi na siya pandirihan.”
“Paano mo nalaman?” nagtatakang tanong niya.
“Dahil narinig ko ang kanilang usapan at nasaksihan ko rin ang ginawang pagsaboy ng lalaki ng asido sa mukha ng asawa niya.”
“Bakit niya ginawa iyon sa kanyang asawa?”
“Sa sobrang pagmamahal sa magandang babaeng iniibig niya.”
Nanlaki ang kanyang mga mata sa narinig. Halata ang kaba niya habang nakatingin sa akin.
“M-magagawa mo ba sa akin iyon?” may pagdududang tanong niya.
Pinukol ko siya ng matalim na tingin. “Bakit hindi?” tugon ko, sabay dampot ko sa kutsilyong ipinantatalop ko ng mansanas na kinakain namin nang mga sandaling iyon.
Napatili siya sa takot. Tumakbo siya. Hinabol ko naman siya at nang abutan ko ay agad na niyakap ko siya.
“Binibiro lang kita, naniwala ka naman agad,” sabi ko sa kanya habang tumatawa ako nang malakas. “Hindi naman ako ganoon kabaliw para saktan kita.”
“Talaga? Hindi ka na rin magseselos?”
“Hindi na. Mapalad nga ako dahil ako ang napili mong pakasalan. Napakasira-ulo ko kung hindi pa ako magtitiwala sa “yo.”
Pagkatapos niyon ay hinagkan ko si Maureen. Naglaho na ring lahat ang pagdududa ko sa aking sarili. Nagulat na lamang kami nang makarinig kami ng ingay mula sa isang kuwarto ng apartment na tinutuluyan namin. Agad na tinungo namin iyon, at nagulat kami sa aming nakita. Dalawang bangkay ang nakita naming duguan. Sa kama ay nakahandusay ang babaeng may saksak sa dibdib, at ang lalaki naman ay nakahandusay sa sahig; duguan din at tila nagsaksak din ng sarili. Sa sahig na kinadadapaan ng lalaki ay may nakasulat na dugo ang ipinantitik. “MAMAHALIN KITA HANGGANG LANGIT.”
Biglang naglaho rin ang tagpong iyon sa paningin naming mag-asawa. Pareho kaming nakadama ng kilabot. Diyata’t sa nilipatan namin ay mayroon ding nagmumulto?
Balik-Maynila kami. Ewan kung pagkakataon lamang iyon na sa dalawang bahay na inupahan namin ay naranasan naming pagmultuhan. Ako na lamang ang nagbalik sa Baguio; iniwan ko sa amin si Maureen. Pinilit kong patayin ang selos sa aking kalooban at pinalitan ko iyon ng pagtitiwala. Iyon lamang pala ang lunas.
Naging curious din ako sa dalawang bahay na pinagmumultuhan. Nakibalita ako tungkol sa mga naunang tumira doon. Sa una ay nalaman kong dinakip ng mga pulis ang lalaking pumutol sa mga paa at kamay ng kanyang asawa. Ganap na raw nabaliw siya at sa mental hospital namatay. Ang asawa namang sinabuyan nito ng asido sa mukha ay mas naunang yumao. Ilang buwan lamang pagkatapos madakip ang asawa niya ay namatay na rin siya.
Sa ikalawang bahay ay manliligaw raw pala ng babae ang lalaking pumatay at sumaksak sa kanya. Nang malaman ng lalaking bigo siya sa nililigawan nakatakda na raw itong pakasal sa nobyo ay pinasok daw nito ang babae sa silid at saka sinaksak ito. Nagpakamatay rin daw ang lalaki pagkatapos at naisulat pa bago nalagutan ng hininga ang nabasa naming mga titik na kulay-dugo.
Wakas.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento