Ang Ulo
September 12th, 2010
Pagbukas niyang refrigerator upang kumuha ng malamig na tubig ay napahiyaw siya. Parang mababaliw siya sa takot pagkakita sa pugot na ulo ng tao.NAGTITILI si Audree nang mabuksan niya ang refrigerator. Parang babaligtad ang kanyang sikmura sa nakita niya sa loob niyon. Agad naman siyang dinaluhan ng asawang si Marco.
“Napaano ka?” ang nag-aalalang tanong nito.
Hindi agad siya makasagot. Parang kinakapos siya ng hininga sa tindi ng pagkasindak na nadarama. “M-may ulo ng tao sa… sa ref.”
Namilog ang mga mata nito.
“T-totoo. Tingnan mo.” Humagulhol siya ng iyak para mailabas ang matinding takot.
Tiningnan nito ang loob ng refrigerator. Pagkatapos ay pumapalatak na bumaling ito sa kanya. “Audree, walang ulo ng tao rito.” Iniharap pa nito ang mukha niya sa loob ng refrigerator. “Hayan, o. Tingnan mong mabuti. Nasaan ang ulo ng taong sinasabi mo?”
Napatitig siya rito. “Pero kanina lang ay kitang-kita ko. Ulo ng lalaki, Marco. Dilat na dilat pa nga ang mga mata niya at nakanganga kaya kita ko ang dila. Nakakatakot talaga.” Niyakap niya ang sarili.
“Imahinasyon mo lang iyon, Audree.” Niyakap siya nito at hinalikan sa noo.
Kalilipat lamang nila sa bahay na iyon na regalo ng mga magulang nito. Noong nakaraang buwan lang sila ikinasal at ang honeymoon nila ay ginawa nila sa Hong Kong. Kararating lang nila nang nagdaang araw.
“Pagod ka pa sa biyahe, Audree, kaya nagkaka-ganyan ka. Ang mabuti pa’y magpahinga ka muna.” Inihatid siya nito sa kanilang silid, inihiga sa kama, at kinumutan pa hanggang dibdib.
“Dito ka lang. Huwag kang umalis sa tabi ko,” hiling niya. Hindi makatkat sa kanyang isip ang ulo ng taong nakita niya sa loob ng refrigerator.
“Oo, hindi ako aalis,” malumanay na wika nito. “Sige, matulog ka na.” Kinantahan pa siya nito hanggang sa makatulog siya.
Paggising niya ay tulog na tulog ito sa tabi niya. Nauhaw siya kaya lumabas siya ng silid at nagtungo sa kusina. Pagbukas niya ng refrigerator upang kumuha ng malamig na tubig ay napahiyaw siya. Naroon na naman ang ulo ng tao dilat na dilat ang mga mata at nakabuka ang bibig kaya nakita niya ang sugatang dila. Tumutulo pa ang sariwang dugo mula roon. Bumagsak siya sa sahig sa tindi ng takot. Marahil ay narinig ni Marco ang malakas na sigaw niya kaya mabilis siyang dinaluhan nito.
“Umalis na tayo sa bahay na ito,” humahagulhol na sabi niya. “‘Andiyan na naman ang ulo ng tao. Nasa loob ng ref.” Nangunyapit siya sa magkabilang braso nito.
Tiningnan uli nito ang loob ng refrigerator. “Walang ulo ng tao rito, Audree. Ano ka ba naman? Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari sa iyo.” May matinding pag-aalala sa mukha nito.
“May multo rito, Marco. Umalis na tayo.” Iyak siya nang iyak.
Hindi ito nagsalita, niyakap lang siya nang mahigpit.
“Please, Marco, umalis na tayo rito. Ngayon na,” paulit-ulit na pakiusap niya.
“Sige, sige,” wika nito. Halatang napipilitan lamang itong pumayag sa gusto niya. “Doon muna tayo sa amin.”
“Kahit saan mo ako dalhin basta makaalis lang tayo rito.”
Nang mga sumunod na sandali ay nag-empake sila ng mga personal na gamit. Ang sabi nito ay pansamantala silang makikipisan sa mga magulang nito. Pabebendisyunan daw nito ang kanilang bahay at pagkatapos ay babalik din sila roon. Hindi siya tumutol pero hindi rin sumang-ayon. Walang ibang laman ang isip niya nang mga sandaling iyon kundi makaalis agad sa bahay na iyon.
“Huwag mong sasabihin kina Mama at Papa ang tungkol sa nakita mo, okay? Sa atin lang iyon. Baka kasi mag-isip sila ng kung anu-ano sa iyo.”
Tumango siya. Batid niyang hindi siya paniniwalaan ng ibang tao kapag ikinuwento niya ang nakita niya. Kahit nga ang sariling asawa niya ay mukhang hindi naniniwala sa kanya.
PAGKATAPOS mabendisyunan ang bahay nina Audree at Marco ay bumalik sila roon. Subalit pagpasok pa lamang sa front door ay nakadama na agad siya ng kakaiba. Nasilip agad niya ang refrigerator sa dining area. Sariwang-sariwa pa rin sa balintataw niya ang hitsura ng pugot na ulo. Biglang nagtayuan ang mga balahibo niya. Napaatras siya sa dibdib ng kanyang asawa.
“Napapaano ka?” tanong nito sa kanya.
“Natatakot ako,” pag-amin niya. Iniiwas niya ang tingin sa direksiyon ng refrigerator.
“Ano pa ba ang dapat mong ikatakot? Napabendisyunan na ang bahay na ito. Tara na sa kuwarto.” Sabay silang nagtungo sa kuwarto. Ipinasok nito roon ang kanilang mga gamit at pagkatapos ay hinila siya nito pahiga sa kama. “Nahirapan ako noong nasa poder tayo nina Mama at Papa. Iba na talaga ang feeling ko magmula nang ikasal tayo. Ang gusto ko ay iyong tayong dalawa lang lagi ang magkasama.” Hinagkan siya nito sa mga labi.
Nang mga sumunod na sandali ay nagtalik sila at pagkatapos ay kapwa nahulog sa malalim na pagtulog. Hatinggabi nang magising siya. Nauuhaw siya ngunit natatakot siyang bumangon upang kumuha ng tubig. Gusto sana niyang gisingin ang kanyang asawa ngunit mahimbing na mahimbing ang pagtulog nito. Nilakasan na lamang niya ang kanyang loob. Bumaba siya sa dining room. Hindi pa rin niya magawang tingnan ang refrigerator kaya sa gripo siya kumuha ng tubig na iinumin.
Nakaharap siya sa lababo nang maramdaman niyang may bumukas na pinto. Paglingon niya ay para siyang mababaliw sa takot nang makitang nakabukas ang pinto ng refrigerator. Nakita na naman niya ang pugot na ulo, ang dilat na mga mata at sugatang dila niyon.
“Marco!” malakas na tawag niya sa kanyang asawa. Pakiramdam niya ay hindi siya tumatapak sa sahig habang tumatakbo siya pabalik sa silid nilang mag-asawa. Bumagsak siya sa ibabaw ng katawan nito habang nanginginig sa takot.
“Napaano ka?” tanong nito.
“Nakita ko na naman Nyong ulo, Marco!” Umiyak siya nang malakas na para bang sa pamamagitan niyon ay magiging normal ang paggana ng bawat bahagi ng katawan niya. “Hindi ko na ito kakayanin. Ibenta na natin itong bahay.”
Tumayo ito mula sa kama. Akmang lalabas ng silid ito nang pigilan niya ito sa braso.
“Huwag mo akong iiwan. Dito ka lang sa tabi ko.” Nangunyapit siya rito at hindi ito pinakawalan.
“Tatawag ako sa bahay,” wika nito na tuliro na ang hitsura. “Tahan na. Tatawagan ko sina Mama at Papa.” Inalis nito ang kamay niyang nakahawak dito at saka ito lumapit sa telepono. Pagkatapos makipag-usap sa nasa kabilang linya ay bumalik ito sa tabi niya. Nagpasya silang maghintay sa sala.
Wala pang treinta minutos ay dumating na ang mga magulang nito. Napilitan silang ipagtapat sa mga ito ang tungkol sa nakikita niya. Mukhang hindi naniniwala ang mga biyenan niya. Nag-alala tuloy siya na baka mapag-isipan siya ng mga ito na nasisiraan ng ulo.
“Totoo po talaga ang sinasabi ko,” giit niya.
“Tingnan ko nga,” wika ng biyenan niyang babae. Tiningnan nga nito ang refrigerator. Nakasimangol ito nang bumalik sa harap nila. “Wala naman akong nakitang pugot na ulo roon. Wala ngang kalaman-laman ang ref n’yo, eh.”
“Imahinasyon mo lang ang lahat, hija,” wika naman ng biyenan niyang lalaki. “Ang mabuti pa siguro ay magpa-check up ka bukas,” suhestiyon pa nito at saka binigyan ng makahulugang sulyap ang kanyang asawa.
“Hindi ako nababaliw,” mariing sabi niya. Sa tindi ng takot ay tumawag siya sa kanyang mga magulang at nagpasundo siya sa mga ito.
“Alam mo ba, hija, na ang refrigerator na iyan na iniregalo namin sa inyo ay galing sa kasama ko sa trabaho na pinaslang? Napanalunan niya sa raffle ang ref na iyan at ipinagbili sa akin. Ayon sa imbestigasyon, ang katawan lang niya ang natagpuan sa loob ng basurahan at ang ulo ay hindi pa rin nakikita. Baka nga ang nakikita mong ulo ay ulo niya. Baka nagmumulto siya dahil hindi naibalik sa katawan niya ang ulo niya,” wika ng itay niya nang dumating ito mag-isa. Sa telepono pa lang ay ikinuwento na niya rito ang kinatatakutan niyang pugot na ulo.
“Bakit sa akin siya nagpapakita, Tay?” nanghihilakbot pa ring tanong niya.
“H-hindi ko alam, hija,” sagot nito. Namumutla ito. “Dadalhin ko na lang sa bahay ang ref na iyan kung papayag kayong mag-asawa.”
“Baka naman may third eye ka at ngayon lang na-trigger kaya ikaw lang ang nakakakita ng kababalaghang iyon,” sapantaha ng kanyang biyenang babae.
“Itapon na ninyo `yon, “Tay,” suhestiyon niya.
“Oo,” sabi nito. “Dadalhin ko ang ref at umasa kang hindi ka na mumultuhin pa ng pugot na ulo. Huwag ka nang umalis dito.”
Tumango siya.
Kinabukasan ay nabasa niya sa diyaryo ang pagsuko ng isa sa mga pumaslang kay Alfredo Balwig na regular employee ng Handy Plastic Product, Incorporated. “Si Itay ito, Marco,” anas niya na kinakapos ng hininga. “At itong biktima niya… Si Alfredo ang siyang may-ari ng pugot na ulo na nakikita ko sa loob ng ref.”
May mga sinabi ang asawa niya pero hindi na iyon rumehistro sa kanyang isip. Nakatuon ang buong konsentrasyon niya sa napagtantong katotohanan sa pagpapakita sa kanya ng pugot na ulo. Nais ng taong pinatay ng kanyang ama na sa pamamagitan niya na anak nito ay makonsiyensiya ito at sumuko sa kasalanang ginawa nito.
Wakas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento