Mensahe
October 1st, 2009
INAAYOS ni aling Ineng ang mga gamit ng anak na si Lizel sa paaralan nang may mapansin itong drawing ng anak sa pad paper nito. Drawing iyon ng isang batang babae at isang lalaki.
Sumilay ang munting ngiti sa mukha ni Aling Ineng. Bata pa kasi ang anak ay nakikitaan na niya ito ng potensyal sa pagdi-dibuho.
Nagpapamalas talaga ito ng interes sa sining. Ang bagay na ito ay labis na ikinasisiya ng kanyang puso. Nasa dugo mo talaga ang pagdi-dibuho, Lizel, aniya sa sarili. Sana ‘y matulad ka rin sa iyong ama na isang mahusay na dibuhista ng komiks.
Ang yumaong asawa ay dating dibuhista sa isang publishing house. Kinikilala ito at nirerespeto ng mga kasamahan nitong dibuhista. Ang asawa rin niya ay paboritong partner ng mahuhusay na nobelista ng komiks dahil nga sa angking kahusayan nito na magbigay buhay sa mga karakter ng bawat istorya. Dangan nga lamang at nagkasakit ito na naging sanhi nang maagang pagkamatay.
Ang yumaong asawa ay dating dibuhista sa isang publishing house. Kinikilala ito at nirerespeto ng mga kasamahan nitong dibuhista. Ang asawa rin niya ay paboritong partner ng mahuhusay na nobelista ng komiks dahil nga sa angking kahusayan nito na magbigay buhay sa mga karakter ng bawat istorya. Dangan nga lamang at nagkasakit ito na naging sanhi nang maagang pagkamatay.
Nagmana nga si Lizel sa talento ng kanyang ama. At si Aling Ineng naman ay todo suporta sa ipinakikitang pagkahilig ng anak sa pagdidibuho.
“Anak, ang ganda ng bago mong drawing, a. ‘Yung tungkol sa batang babae at lalaki,” aniya habang sila ay naghahapunang mag-ina. Ngumiti lang si Lizel sa ina at ipinagpatuloy nito ang pagkain. Sarap na sarap ito sa pagkain nilang mag-ina dahil ang paborito niyang sinigang na baboy ang ulam nila sa gabing iyon.
“Ngayon ko lang kasi nakitang nag-drawing ka ng tao at maganda ang pagkakagawa mo, susog ni Aling Ineng. “Dati kasi di ba panay mga hayop at kapaligiran ang ginagawa mo?”
Isang payak na ngiti lang ang itinugon nito sa mga tinuran ng ina. Si Aling Ineng naman ay hindi na muling nagtanong dahil nasisiyahan siya sa ganang kumain ng anak.
Nang mga sumunod na araw ay napansin ni Aling Ineng na mas dumalas ang pagdo-drawing ng kanyang anak. May mga araw pa nga na hindi halos ito lumalabas ng kanilang bahay galing eskuwelahan upang maglaro.
Ikinatuwa niya iyon nang labis. Sadyang binibigyang panahon ni Lizel na lalo pang mapagbuti ang angking kakayahan nito sa pagdidibuho. Napatingin tuloy siya sa picture frame ng yumaong asawa na nasa ibabaw ng isang tokador.. “Patnubayan mo ang iyong anak, Ohlan. Sana ‘y maging katulad mo siya sa kanyang paglaki. ”
“Anung meron dun, mare?” tanong ni Aling Ineng sa mga nag-uusyoso habang nakamasid sa ilang pulis na nasa harap ng isang tindahan. Galing siya noon sa palengke at sana’y pauwi na nang mapadaan sa tindahan kung saan may mga pulis siyang nakita.
“May hinahanap daw na nawawalang bata,” tugon ng babae. “May nakapagsabi daw kasi na may nakitang lalaki na kahina-hinala ang kilos dito sa ating lugar na may kasamang batang babae.”
“O, may nakakilala ba dun sa lalaki?” tuloy niyang usisa.
“Wala ngang makapagsabi. Kaya siguro nag-iimbestiga pa ang mga pulis.”
“Delikado na talaga ang panahon ngayon. Siguro kinidnap ang batang iyon,” sabat pa ng isang babae.
Noon sumagi sa isip ni Aling Ineng na iniwan nga pala niya sa bahay ang natutulog na anak. Bigla siyang nakaramdam ng kilabot sa narinig na tinuran ng isang babae. Nagdudumali niyang nilisan ang lugar na iyon upang makauwi sa kanyang anak.
Nakahinga siya nang maluwag pagdating sa kanilang bahay. Mahimbing pa sa pagkakatulog ang kanyang si Lizel.
Nakapaghanda na siya ng kanilang tanghaliang mag-ina. Matatapos na rin ang kanyang mga labada sa araw na iyon. Sapaglalabada siya kumikita ng kanilang ikinabubuhay na mag-ina bukod pa sa pagtitinda ng gulay na inaani sa munting taniman niya sa kanilang bakuran.
Naisipan niyang bisitahin ang gamit ng anak. Kasalukuyang tinitingnan niya ang notebook ng anak nang mapansin niya ang mga huling nai-drawing nito. Nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita. Naramdaman niya ang panginginig ng katawan.
“Lizel! Lizel, halikarito, anak!” malakas niyang tawag sa anak habang mabilis na napasugod sa labas ng kanilang bahay.
“Inay, bakit po?” si Lizel na nagtatakang lumapit sa kanyang ina.
“Halika sa loob anak,” halos hilahin niya ang anak papasok ng bahay.
Nang makapasok sila ng bahay ay agad na ipinakita ni Aling Ineng sa anak ang mga nakita niyang drawing nito. “Anak, anong ibig sabihin nitong mga drawing mo? Bakit ganito ang mga nai-drawing mo?” tanong niya?
Bakas sa mukha ni Lizel ang pagkalito sa hindi maunawaang pagtatanong sa kanya ng ina. Naging maagap naman si Aling Ineng sa anak, “Hindi ako nagagalit anak. Nagtataka lang ako sa mga drawing mo. Saan mo nakuha ang mga ideyang ito? Alam mo ba ang ibig sabihin ng mga nai-drawing mo?” sunud-sunod nitong tanong.
“Hindi ko rin po alam Inay. Basta po.. .p-parang inuutusan ako ng lapis na nakuha ko,” sagot ni Lizel.
Lalong naguluhan si Aling Ineng sa sinabi ng anak. “Anong lapis? Inuutusan ka kamo? Hindi kita maintindihan, anak.”
“K-kasi po minsan umihi po ako dun sa isang lugar na dinadaanan ko pauwi. Dun ko po nakuha itong lapis. Maayos pa po kaya iniuwi ko.”
Aywan ni Aling Ineng subalit biglang pinanlamigan siya ng pakiramdam sa pumasok sa kanyang isip. Naalala niyang bigla ang mga pulis at ang hinahanap nitong batang babae na nawawala.
Mabilis ang kanyang naging desisyon. Nag-report siya sa pulisya ukol sa sapantahang nabuo sa kanyang isipan dahil sa mga nai-drawing ng kanyang anak. Maaaring sabihing isa iyong wild goose chase pero ang basehan niya ay ang mga nai-drawing ng anak. Mga drawing ng isang bata na pinatay sa saksak ng isang lalaki at inilibing sa isang remote na lugar.
Hindi man ganap na nanini wala, napapayag nila ang mga alagad ng batas na sumama sa lugar na itinuro ni Lizel kung saan niya nakita ang lapis. Wala rin kasing anumang lead pa na nakukuha ang pulisya sa naturang kaso kaya anumang bagay na makakatulong sa ikalulutas ng kaso ay kanilang binibigyang pag-aaral at panahon.
Sa lugar na iyon ay magkakahiwalay na naghukay ang mga tauhan ng pulisya. Nagbabakasakali silang doon nga inilibing ang batang kinidnap. Ilang oras pa ang lumipas at masangsang na amoy ang nagmula sa isang hinuhukay na lugar. Isang naaagnas na bangkay ng bata ang iniluwal ng lupa.
“Nay, may bata pong nakatingin sa atin. Hayun siya, o!” sabay turo ni Lizel sa lugar kung saan may nahukay na bangkay ng bata.
“Anak, anong bata? Wala akong nakikita?” nagtatakang sagot ni Aling Ineng.
“Hayun siya at paalis na, Inay,” muling turo ni Lizel na walang kamuwang-muwang sa mga nagaganap sa kanyang ‘paligid.
Subalit sadyang walang nakitang bata si Aling Ineng. Sumigid ang kilabot sa buo niyang pagkatao. Niyakap nito nang mahigpit at buong pagmamahal ang anak. Hindi man siya naniniwala sa mga kababalaghan, sa pagkakataong iyon ay matibay ang mga ebidensiya na ginamit ng espiritu ng batang biktima ng krimen ang kanyang anak upang maiparating ang masakit na dinanas nito sa kamay ng kriminal.
Nang lumaon, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na mula paaralan ay kinidnap ang bata ng isang lalaking lulong sa droga. Ni-rape at pinatay ang bata. Saka ito inilibing sa isang masukal na lugar.
Dahil sa pagkakatuklas ng bangkay, at sa malalim na imbestigasyon ng pulisya ay nahuli at naparusahan ang lalaking gumawa ng karumal-dumal na krimen.
Si Lizel, patuloy pa rin ang pagdidibuho nito. Ngayon ay normal na mga dibuho na lamang ang nagagawa nito. Malaki rin ang pasasalamat ni Aling Ineng na kahit sa isang pangyayaring mahiwaga, nakatulong ang kanyang anak sa pagresolba sa krimeng iyon.
Ang Wakas
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento