Biro
January 27th, 2010
“Hindi pa humuhupa ang takot sa dibdib niya nang bitiwan siya ng manananggal at saluhin naman siya ng kamay ng kapre.”“Hoy, BADONG, maanong tigilan mo na’ng pananakot sa mga pamangkin mo, ha?” anang kanyang ina habang nag-aalmusal sila isang umaga. “Nagsumbong sa “kin ang ate mo. Nilagnat daw kagabi si Let,” tukoy nito sa pamangkin niya.
Napangisi siya. Tinakot kasi niya ang mga pamangkin niya na may tiyanak sa banyo ng bahay ng mga ito. Nakatuwaan kasi niyang kuwentuhan ang tatlong pamangkin niya tungkol sa mga tiyanak.
“Yaan n’yo sila. Para tigilan nila ang paglalaro ng tubig kapag naglilinis sila sa hapon,” katwiran pa niya.
“Basta tigilan mo na. Mamaya ho, eh, magkasakit ang mga “yan sa kakapanakot mo. Malilintikan ka sa “kin.”
Likas na sa kanya ang manakot hindi lang sa mga pamangkin kahit sa mga kabarkada at sa mga bagong kakilala niya. Pero sa totoo lang ay wala naman siyang naranasan isa man sa mga kuwento niya tungkol sa mga aswang, lamanlupa, multo at kung anu-ano pang kababalaghan.
Noong minsan, birthday ng kaibigan niyang si Artemio. Medyo tinamaan na ito sa nainom na alak nang sabihin niyang may kaluluwang nakaakbay rito. Namutla ito sa takot. Gusto na sana niyang matawa ngunit pinigil niya dahil naniwala lahat ng kainuman nila. Kinilabutan umano ang mga ito.
At dahil nga naniwala ang mga ito na nakakakita siya ng mga di-pangkaraniwang nilalang na hindi nakikita ng ibang tao, ang balak niyang pagbawi sa sinabi niya ay hindi niya itinuloy. Sa halip, dinagdagan pa niya ang kabulastugang iyon nang sabihin niyang ilang espiritu ang kasama nila sa umpukan.
Nang minsan namang gabihin sila ni Artemio ay tinakot niya ito na may kapre sa daraanan nilang punong-mangga. Nagkataon namang may bahagyang usok sa itaas ng puno nang ituro niya rito ang kapreng sinasabi niya. Naniwala ito.
Kung anu-ano pang nakakatakot ang ikinu-kuwento niya sa barkada niya kapag nag-iinuman sila. At sa tuwina ay naniniwala ang mga ito sa kanya.
PAUWI na si Badong galing sa inuman isang gabi nang makaramdam siya ng panunubig. Walang pakundangang inihian niya ang punong-mangga na nadaanan niya. Itinataas na niya ang zipper ng kanyang pantalon nang makarinig siya ng maliliit at matitinis na hoses.
Napayuko siya nang maramdamang may humihila sa laylayan ng pantalon niya. Nanlaki ang mga mata niya sa takot nang mapagtanto niyang apat na tiyanak ang humihila sa laylayan ng pantalon niya! Ipinagpag niya ang kanyang mga paa para tumigil ang mga ito ngunit kinagat siya sa binti ng isa sa mga ito. Napahiyaw siya at ipinagpag uli ang kanyang mga paa, ngunit nanatili itong nakakapit sa pantalon niya.
“Bakit, natatakot ka?” anito na tumutulo pa ang dugo sa bibig. “Nananahimik kami pero ginagambala mo kami sa mga kuwento mo.” Galit na galit ito, kagaya ng tatlo pang kasama nito.
Noon niya nabatid na totoo ang mga nilalang na ito. Halos manginig ang buong katawan niya sa takot nang humilera ang apat na tiyanak sa harap niya. Tila susugurin siya ng mga ito. Bago pa makalapit ang mga ito ay iika-ikang tumakbo na siya. Narinig pa niyang naghagikgikan ang mga ito.
Nang sa tantiya niya ay nakalayo na siya ay sumandal siya sa isang puno. Nagtaka pa siya nang matanto na iyon din ang punong-mangga na inihian niya. Napakagat-labi siya dahil sa sakit ng binti niya. Malayu-layo rin ang tinakbo niya. Napapikit siya ngunit mabilis din siyang dumilat dahil nakarinig siya ng sumisingasing. Nanlaki ang mga mata niya sa takot nang makita sa harap niya ang isang tikbalang.
“Kumusta, Badong?” anito. “Nagulat ba kita? Nasaan na nga pala ang buhok na kinuha mo sa ‘kin? Di ba, ipinagyabang mo ‘yon sa umpukan noong nakaraang gabi?”
“H-hindi naman t-totoo na nakakuha ako ng buhok mo, yabang ko lang “yon,” nanginginig na tugon niya.
“Puwes, dahil sa panggagambala mo sa katahimikan ko, ako naman ang kukuha ng buhok sa ‘yo,” anito, saka hinaltak ang ilang hibla ng buhok niya. Sumingasing pa ito na animo tuwang-tuwa.
Pakiramdam niya ay natanggal ang anit niya. Saglit lang ay naramdaman niya na may dumadaloy na likido sa noo niya. Nang pahirin niya iyon ay natanto niya na dumudugo ang anit niya.
“Masakit ba, Badong?” tanong pa nito na may pangungutya sa tinig.
“Patawad. Hindi na ko uulit,” aniya rito, saka kumaripas ng takbo.
Hindi siya makapaniwala sa mga nakita niya. Napagtanto niya na totoo ang mga naturang nilalang na binuhay niya sa mga kuwentong inimbento niya. Nagsisisi siyang kinasangkapan niya ang mga ito sa kanyang mga ikinukuwento para lamang maging bida siya sa umpukan.
Mayamaya ay huminto siya sa pagtakbo. Pakiramdam kasi niya ay parang ang layu-layo na ng natatakbo niya. Subalit ganoon na lang ang pagtataka niya nang mabatid na sa punong-mangga uli siya huminto, kung saan siya sinalakay ng mga tiyanak at tikbalang.
Pinaglalaruan siya ng mga ito kaya hindi siya makaalis doon!
Pagod na si Badong at tumitindi na ang sakit ng binti at anit niya, bunga ng ginawa ng mga tiyanak at tikbalang.
Sumandal uli siya sa punong-mangga. Napapikit siya at pilit na pinagana ang isip para makaisip siya ng paraan kung paano siya makakaalis doon. Ngunit napadilat din kaagad siya nang makarinig siya ng pagaspas ng animo malaking ibon.
Kinakabahang nagpalinga-linga siya sa paligid. Ano na naman kaya ang tatambad sa harap niya? Parang puputok na ang dibdib niya sa takot.
Nasagot kaagad ang katanungan niya nang mapatingala siya at makitang pababa ang lipad ng isang babaeng kalahati ang katawan. Isang mana’nanggal!
Nanlilisik ang mga mata nito nang titigan siya. Walang sabi-sabing kinalmot ng mahahabang kuko nito ang mukha niya. Napasigaw siya sa sakit na dulot niyon.
“Ganyan ang mga napapala ng katulad mo. Nananahimik ako pero binubuhay mo ako sa mga kuwento mo,” galit na sabi nito. “Pag hindi mo kami tinigilan, hindi lang iyan ang aabutin mo,” banta pa nito.
“Utang-na-loob, patawarin mo ako. Para mo nang awa,” pakiusap pa niya rito.
Walang sabi-sabing binitbit siya nito sa magkabilang braso niya at lumipad ito paitaas. Nanlaki ang mga mata niya nang makita niya ang kapre na panay ang hitit ng tabako. Parehong-pareho ito sa deskripsyon na ikinuwento niya sa mga kakilala niya!
Hindi pa humuhupa ang takot sa dibdib niya nang bitiwan siya ng manananggal at saluhin naman siya ng kamay ng kapre.
“Ikaw pala ang pangahas na gumising sa amin. Hindi mo ba alam na ginambala mo kami? Nananahimik na kami. Lapastangan ka!” anang kapre na dumadagundong ang boses sa buong paligid.
“Patawarin n’yo na ‘ko,” pakiusap niya rito. Kung panaginip lang ang lahat ng iyon ay gusto na niyang magising.
Sa halip na sumagot ay hinawakan siya nito nang mahigpit. Nagpapalag siya ngunit lalong humigpit ang pagkakahawak nito sa kanya na animo pipigain siya.
“P-parang a-awa mo na. P-pakawalan mo na ‘ko. Hindi na ‘ko uulit. P-pakiusap.” Hindi na siya makahinga dahil lalo pang humigpit ang pagkaka-hawak nito sa kanya. Hanggang sa magdilim na ang lahat sa kanya.
NAGMULAT ng mga mata si Badong nang maulinigan niyang may mga nagsasalita sa tabi niya.
“Ano ba ang nangyari sa ‘yo, Badong?” tanong ni Artemio. Nasa likuran nito ang ilan pang kabarkada niya at ilang matatanda na tagaroon sa kanila rin. “Hinanap ka namin dahil sabi ng nanay mo ay hindi ka raw umuwi.”
Hindi siya nakasagot dahil naramdaman niya ang hapdi at kirot sa kanyang anit, mukha, at binti.
Nanlaki ang mga mata niya nang kapain niya ang kanyang mukha at madamang may sugat nga siya roon. At nang kapain naman niya ang kanyang ulo ay mamasa-masa pa sa dugo ang kanyang anit. Napatingin din siya sa pantalon niya na may bahid pa ng dugo.
Iisa lang ang ibig sabihin niyon, totoo ang mga naganap sa kanya nang nagdaang gabi, hindi iyon masamang panaginip lang.
Ang Wakas …
Espiritu
June 11th, 2011
Malalakas na paghingi ng tulong ang palahaw ng lalaki. Tila may kinatatakutan itong hindi naman nito masabi kung ano…Hithit-Buga ng sigarilyo si PO1 Nico Estacio.
Ramdam na kasi ang lamig ng simoy ng hangin sa loob ng sub-station ng police ng mga oras na iyon. Malapit nang mag-alas dose ng gabi at kaunti na rin ang mga taong gumagala sa may plaza ng Binangonan.
Sa sub-station na iyon naka-assign si Nico at ibang kasamahang pulis na nagmimintine ng katahimikan at kapayapaan sa lugar. Tahimik na ang kapaligiran ng plaza. Mukhang walang magiging problema, aniya sa sarili habang bumubuga ng usok.
Nag-iisa ng gabing iyon sa station si Nico dahil biglang nagkaroon ng karamdaman ang dapat ay makakasama niyang pulis. Hindi na ito nagawang palitan ng makakasama niya dahil nagkaroon ng mobilization sa kanilang pangunahing tanggapan.
Sakay ng kanyang motorsiklo ay umikot ng bayan si Nico. Partikular niyang pinuntahan ang mga lugar kung saan may potensyal na maganap na krimen.
Inikutan niya ang palengke ng bayan. Tahimik doon at wala siyang nakitang sinumang tao na kahina-hinala ang kilos.
Sumunod niyang pinuntahan ang isang covered court sa isang barangay doon kung saan may mangilan-ngilang na silang nadampot na kabataang humihithit ng marijuana.
Madilim ang lugar na iyon kaya madalas na puntahan ng mga kabataang nalilihis ng landas at nagda-drugs.
Bitbit ang flashlight, bumaba ng motorsiklo si Nico at inilawan ang kapaligiran ng court. Tahimik din ang kapaligiran.
So far so good, aniya sa sarili. Tahimik at mukhang payapang daraan ang buong magdamag.
Nang mula kung saan ay isang palahaw ang kanyang narinig!
Tulungan mo ako! Tulungan mo akooo!!! *
Isang lalaki ang humahangos sa kanyang direksyon. Tila takot na takot ito sa kung saan.
Awtomatikong hinawakan niya ang holster ng kanyang baril at tinanggal ang pagkaka-sara ng butones noon. SOP iyon dahil hindi siya sigurado kung ano ang maaaring papalapit sa kanya. Maaaring may panganib itong kasama at mabuti na ang laging handa.
Isang bagay iyong mahalagang natutunan niya sa akademya ng pulisya. Ang maging laging alisto at handa sa anumang bagay.
Nakita ni Nico na wala namang panganib na maaaring ihatid sa kanya ang lalaking noon ay nakalapit na sa kanya. Bagkus ay nagsusumamo lamang itong tulungan niya.
“Mamang pulis, tulungan mo ako! Hindi na ako tatagal! Tulungan mo ako!” pagmamakaawa nito.
“Huminahon po kayo. Ano po ang problema? May nais po bang manakit sa inyo?” mahinahon niyang tanong sa lalaki.
“Meron! May humahabol sa akin pero hindi ko siya nakikita. Nagpaparamdam lang siya at gusto niya akong saktan! Kaya huwag mo akong iiwan parang awa mo na,” sabay yakap nito sa kanya.
Nalilito man sa sinasabi ng lalaki, naramdaman niya ang panginginig ng buong katawan nito tanda ng matinding takot na bumabalot sapagkatao nito.
“Pare, nakainom ka ba o nagda-drugs ka?” muling tanong niya.
“Hindi. Basta sasama ako sa iyo. Kailangan mo akong proteksyunan sa kanya!!!”
Parang sanggol na nangunyapit sa kanya ang lalaki habang patuloy ito sa pag-iyak. Tila may kinatatakutan itong hindi naman nito masabi kung ano.
Nagpasya si PO1 Estacio na isama na lang sa istasyon ang lalaki. Doon niya ito kakausapin. Nang mga sandaling iyon ay tiyak niyang hindi nagsisinungaling ang lalaki. Hindi ito amoy alak at hindi rin naman mukhang nakatira ito ng droga.
Sa dalawang taon kasi niyang pagiging pulis ay madali na niyang masabi kung ang isang tao ay lasing o naka-droga. Trained sila sa mga ganoong gawain.
Sa istasyon ay ilang personal na detalye lang din ang nakuha niya sa hindi nakikilalang lalaki. Jinggoy Alagro ang pangalan ng lalaki. Binata at walang trabaho. Dayo lang pala ang lalaki sa kanilang bayan.
Hinggil sa kinatatakutan ng lalaki, hindi nagbabago ang deklarasyon nito na may kung anong hindi niya nakikita ang nais manakit sa kanya.
Mental depression, iyon ang naging konklusyon niya na marahil ay siyang nakakaapekto sa isipan ng lalaki. Sa hitsura ng lalaki ay aburido talaga ito sa buhay. Sa ganoong dis-oras ng gabi ay wala naman siyang alam namaaaring mapagdalhan sa lalaki kaya minabuti na lang niyang sa istasyon na ito manatili.
Nagtaka pa si PO 1 Estacio dahil mas gusto ng lalaki na sa loob ito ng selda manatili kahit na wala naman itong ginagawang kasalanan. Doon daw ay mas mababantayan siya ng pulis.
Walang siyang nagawa kungdi ang sumang-ayon sa kagustuhan ng lalaki dahil talagang nagpupumilit itong doon na magpahinga sa gabing iyon. Nang araw na iyon ay wala namang ibang nakakulong sa selda. Ilang minuto ang lumipas at nakita niyang tahimik na nakatulog ang lalaki.
Aniya ay ire-report na lang niya kinabukasan sa kanyang hepe ang tungkol sa lalaki. Hindi naman ito puwedeng manatili nang matagal doon dahil wala naman itong kinakaharap na kaso o ginawang krimen.
Muli ay nagsindi ng sigarilyo si PO1 Estacio, Nasa labas na siya noon ng istasyon. Tahimik na tahimik na ang buong paligid.
Nang biglang isang malakas na palahaw na nagmumula sa loob ng istasyon ang bumasag sa katahimikan ng gabi.
Hangos siya sa loob ng istasyon at laking gulat niya nang makitang namimilipit ang katawan na tila may nananakit sa lalaking nasa loob ng selda.
Malalakas na paghingi ng tulong ang palahaw ng lalaki. Hindi naman iyon ganap na maunawaan ni PO1 Estacio dahil nag-iisa ang lalaki sa selda. Mabilis niyang tinungo ang kinalalagyan ng susi ng selda.
Mabilis na sinusian ni Niko ang kandado ng selda. Subalit hindi na niya iyon nagawang buksan dahil binalot na nang matinding sindak ang buong pagkatao niya nang makitang nakasiksik sa isang sulok ng selda ang lalaki at hindi maipapaliwanag ang takot na nakarehistro sa mukha nito.
Napaatras siya mula sa selda. Ang mga kahiwagaang nasasaksihan ay hindi maipaliwanag ng kanyang isipan. May kung anong elemento, o ispiritu na nananakit sa lalaki. Nararamdaman niya ito sa mga sigaw at palahaw ng lalaki.
Binunot niya ang baril at itinutok iyon sa hangin. Subalit paano niya babarilin ang isang tao o bagay na hindi niya nakikita. Walang magawa si Niko. Hindi niya magawang tulungan ang lalaking patuloy na dumaranas ng tila walang-kaparis na pahirap.
“Patawarin mo ako!! Ako ang pumatay sa *yo!! Inaamin ko na!!! Hu hu hu!” Nagpapalahaw na umamin ang lalaki sa isang krimen.
“Ako ang pumatay sa iyo!! Akooo!!! Hu hu hu,’ paulit-ulit pang palahaw ng lalaki.
Noon tila biglang humupa ang galit ng kung anong ispiritu na nagpapahirap sa lalaki.
Noon lamang din parang nakahuma sa mga kahindik-hindik na kaganapang nasaksihan si PO1 Estacio. Mabilis nitong binuksan ang selda at tinulungan ang lalaking nawalan na ng malay-tao dahil sa matinding hirap na naranasan.
Ipinasya ni PO1 Estacio na dalhin na sa ospital ang lalaking nawalan ng malay-tao. Nang bumalik ang ulirat ay kusa itong umamin sa ginawang pagpatay sa isang babae. Inamin niya na nagawa niya ang krimen dahil nasa impluwensiya siya ng ipinagbabawal na gamot ng mga sandaling iyon. Itinuro rin nito kung saan niya inilibing ang kanyang naging biktima.
Nabigyang hustisya ang sinapit ng biktima dahil na rin sa ispiritu nitong marahil ay hindi matahimik kaya humanap ng paraan upang usigin ang konsensiyang kanyang salarin.
Para kay PO1 Estacio, isang gabi iyong hindi na niya makakalimutan sa buong buhay niya.
Ang pangyayaring iyon ay lalong nagpatibay sa kanyang paniniwala na may iba’t ibang paraan sa paghanap ng katarungan.
Wakas
Gabay
August 16th, 2009
Tuwang-tuwa. ang lahat ng estudyante ng Grade VI section 1 dahil ang araw na ito ay excursion nila kung saan papasyalan nila ang isang zoo. Nakatakda nilang makita noong araw na iyon ang iba’t ibang uri ng hayop na siyang pinapangarap ng bawat isa na makita. Sa mga musmos nilang kaisipan ay kasiyahan na ang makita ng harapan ang mga hayop na sa mga libro pa lamang nila nakikita gaya ng mga leon, tigre, usa, mga agila, sawa, at iba pang hayop na tanging sa mga zoo lamang mata-tagpuan sa kasalu-kuyang panahon.Mabilis na sumakay sa bus ang mga bata matapos na iutos ng kanilang guro na si Mrs. Rosales. Tuwang-tuwa ang lahat ng mga bata, nagtabi-tabi ang mga magkakaibigan gaya nina Glenda, Gina at Grace. Sa kanilang tatlo, si Grace ang pinaka-mausisa at matalino kaya ngayon pa lamang ay naglalaro na sa kanyang isipan ang kaniyang gagawin pagdating nila sa zoo.
“Mga bata, kapag naroon na tayo sa zoo, huwag ninyong kalilimutan ang aking bilin ha! Huwag kayong hihiwalay sa inyong mga kasama para hindi kayo mawala. Maliwanag ba?”
“Opo ma’am!” halos sabay-sabay na sagot ng mga bata.
Makalipas ang ilang sandali ng paghihintay at pag-aayos ay umandar na rin ang bus. Habang daan ay nagkakagulo ang mga bata.. Kanya-kanya sila ng kwento ng mga naging karanasan nila kaya hindi naging kainip-inip ang biyahe dahil maganda naman ang mga lugar na kanilang nadaraanan.
Makalipas ang halos ilang oras na biyahe ay nakarating na sa zoo ang lahat. Nagbabaan ang mga estudyante at sinalubong sila ng zoo keeper na si Mang Esteban at ang namamahala roon na si Mr. Sanchez.
“Mga bata, iwasan ninyo ang lumapit sa mga rehas ng mga mababangis na hayop ha! Makuntento na lamang tayo na panoorin sila, gaya ng mga tigre at leon upang maiwasan natin ang aksidente. Sa mga unggoy, huwag kayong magbibigay ng pagkain dahil baka makalmot nila ang mga kamay ninyo!” paalala ni Mr. Sanchez nang makaharap na ang mga bata.
“Tama si Mr. Sanchez, iwasan ninyo rin na mapahiwalay sa inyong mga kasama. Malawak ang lugar na ito, baka maligaw kayo!” sabi naman ni Mang Esteban.
“Alam napo namin iyan! Naipaliwanag napo ni Mrs. Rosales!” magalang na sabini Grace.
“Oo nga po!” sagot naman ng mga bata.
“Mga bata, kapakanan ninyo lang ang iniisip nila kaya mabuti ang paulit-ulit na paalala!” sabat naman ni Mrs. Rosales.
Sumang-ayon naman kay Mrs. Rosales ang lahat ng mga estudyanteng naroon, kaya sinimulan na nila ang pamamasyal sa zoo. Ang ibang mga estudyante ay talagang nagdala pa ng mga camera upang makunan ng larawan ang mga paborito nilang hayop. Isa sa mga estudyanteng tuwang-tuwa si Grace. Kinunan niya ng larawan ang mga usa na nasa kulungan, ganuon din ang mga parrot. Ngunit mas naakit ang pansin ni Grace ng napakaraming paru-paro na nagliliparan sa malawak na kakahuyang naroon na waring malayang nilalang na paikot-ikot lamang doon. Sinundan niya ang mga paru-paro habang kinukunan iyon ng larawan. Wala sa hinagap ni Grace na napahiwalay na pala siya sa kanyang mga kaklase. Sa muling paglingon niya ay puro kakahuyan na ang kanyang nakita. Puro nagliliparang paru-paro na ang nasa kanyang paligid.
“Nakupo! Nasaan na sila! Paano ako makakabalik sa mga kasama ko!” ito ang nasa isipan ni Grace. Kinakabahan siyang bumalik sa pinanggalingan niya, pero bigla ang naging pagbabago ng panahon. Kumulimlim kaya naman lalong nalito ang bata.
Tuloy-tuloy siyang naglakad ng hindi nalalaman ang patutunguhan ng lugar na iyon hanggang sa makarating siya sa isang matarik na lugar kung saan batuhan ang nasa ibaba. Gulat na gulat si Grace, wala ng tigil ang pagkabog ng kanyang dibdib. Hindi na niya alam ang gagawin, wala na ang kasiyahang nararamdaman niya kanina. Ngayon ay binabalot na ng takot ang buo niyang katawan.
“Ma’am Rosales! Nasaan na kayo! Glenda! Gina!” malakas na sigaw ni Grace. Napaiyak na siya at napaupo habang iginagala ang hilam na mga mata, “tulungan ninyo ako! Naligaw ako!”
Maya-maya lang ay nakarinig siya ng mga kaluskos. Mga yabag na palapit sa kaniyang kinaroroonan. Hindi nagtagal ay tumambad sa kanya ang isang batang lalake. Si Marcelo. Halos kasing-edad lang ni Grace.
“Bakit ka umiiyak!” kaagad na tanong ni Marcelo.
“Natatakot kasi ako! Naligaw ako! Napahiwalay ako sa aking mga kasama!” kaagad na tugon ni Grace.
“Ang dapat kasi ay maging alerto ka kapag nasa ganitong lugar. Dapat ay hindi mo pinaiiral ang pagiging usisera. Tingnan mo na tuloy ang nangyari sa iyo. Paano ngayon kung hindi ka na makabalik sa kanila, tiyak na mag-aalala sila sa iyo!”
“Huwag mo na akong pagalitan bata! Natatakot na nga ako eh! E, ikaw, bakit nandito ka!”
“Kabisado ko ang lugar na ito, ako ang nagiging guide o GABAY ng mga namamasyal dito na naliligaw para makabalik sa kanilang mga kasama. Ako si Marcelo!”
“Talaga Marcelo!” napangiti na si Grace. “Kung gayon ay matutulungan mo ako para makabalik sa aking mga kasama!”
“Oo!”
“Kung gayon ay tayo na Marcelo!”
Sumang-ayon naman si Marcelo sa sinabi ni Grace. Naunang lumakad si Marcelo at sinusundan naman siya ni Grace. Tuluy-tuloy nilang tinahak ang daan pabalik sa karamihan ng mga estudyante. Hanggang sa matanaw na nga ni Grace ang mga kasamahan. Patakbo siyang lumapitkina Mrs. Rosales.
“Diyos ko! Grace! Kanina pa ako nag-aalala sa iyo. Kanina ka pa nawawala! Saan ka ba nagpunta!”
“Pasensiya na po ma’am, napahiwalay ako at naligaw. Mabuti na lang at tinulungan ako ng isang bata.”
Nang lumingon si Grace upang ituro si Marcelo ay nagtaka siya dahil bigla itong nawala.
“Sinong bata?” tanong naman nina Mang Esteban at Mr. Sanchez.
“Marcelo daw po ang pangalan niya. Siya daw po ang guide o gumagabay sa mga batang nawawala dito para makabalik sa kaniyang mga kasama!”
Nagkatinginan sina Mang Esteban at Mr. Sanchez. Sandaling nagpaalam si Mr. Sanchez at pagbalik ay dala-dala na ang isang lumang litrato. Agad nitong ipinakita kay Grace ang nasa larawan.
“Siya ba ang sinasabi mo, Grace?”
“Opo Mr. Sanchez, siya nga po!”
Napabuntung-hininga si Mr. Sanchez.
“Bakit po!” Muling tanong ni Grace.
“Si Marcelo ay kabilang sa mga batang nagpunta rito last year. Isa sa mga kaeskwela niya ang nahulog sa matarik na lugar sa hilagang bahagi nitong zoo. Iniligtas niya ang kaeskuwela niya subalit sa malas ay siya ang nameligro at nahulog sa lugar na iyon. Namatay siya!” malungkot na paliwanag ni Mr. Sanchez.
“Pero ang kaluluwa niya ay nananatiling narito sa lugar na ito hindi upang manggulo kung hindi para tulungan ang mga batang kagaya mo. Hindi lang ikaw ang unang nakakita at tinulungan niya. Tama ka, siya nga ang nagsisilbing gabay ng mga batang katulad mo na naliligaw dito sa lugar na ito.”
Nanlaki ang mga mata ni Grace pagkarinig sa kwento ng matanda. Tumindig ang mga balahibo sa katawan niya dahil ngayon lang niya na-realize na ang kasama niya kanina ay isa na palang multo. Yumuko siya at taimtim na nanalangin bilang pasasalamat kay Marcelo sa tulong na ginawa nito sa kanya. Naging memorable talaga sa kanya ang excursion na iyon at hinding-hindi niya makakalimutan ang naging karanasan niya ng araw na iyon hanggang sa kanyang pagtanda.
Ang Wakas…
Ghost Talk
August 16th, 2009
Ang ghost story na ito ay personal experience ng isa kong co-teacher sa Bulacan. Personal nilang naranasang mag-asawa na takutin ng isang posibleng “ghost caller”.Buwan ng October noon, panahon ng fieldtrips sa school na pinapasukan ni Annie, kung saan siya ay isang English teacher. Kung si Annie ay high school teacher, ang asawang si Roger naman ay isang highway patrol officer.
Nang araw na iyon ay nasa Manila si Annie, nasa fieldtrip, kasama ng kaniyang mga estudyante. Lunch time noon kaya naisipan nitong tawagan sa cellphone ang asawa. Ang totoo, gawi na ni Annie na tawagan ang asawa from time to time upang masigurong ligtas ito sa trabaho.
Sa unang trial ay busy ang linya ng asawang si Roger. Ipinasya ni Annie na mag-try ulit after ten minutes.
“Hello? Pa.. .oo, nasa Ayala kami ngayon. Nag la-lunch ang mga bata, e. Nag-lunch ka na ba?”
“Hindi pa nga, e. Mga anong oras ka ba makakauwi?”
“By seven siguro nasa school na kami. Ikaw?”
“Hindi ko sure, Ma.”
“Wag kang magpa-late walang kasama ang mga bata.. .si Tita lang.”
“Pag hindi dumating ang kapalit ko paano ko makakaalis dito?”
“Hello? Hello, Pa.. .choppy ang dating mo.. .hello?”
“Try ko pa rin makauwi ng maaga.”
“Hello.. .hello, Pa, hindi kita marinig .. .hello?”
“Sabi ko try ko makauwi ng maaga.”
“Okay. Ano’ng gusto mong pasalubong”
“Kahit wala.”
“Buko pie?”
“Ano ka ba? Alam mo namang hindi ako kumakain no’n. Ma, s’ige na.. .on duty ako baka marinig ako ng amo ko .”
“Okay. Ingat ka d’yan.”
“Ingat din.”
“Pa…”
“O…?”
“Mahal kita…”
Sa kinaroroonan ni Roger ay bahagya itong napakunot-noo.
“Okay. Bye-bye na.”
“Hindi ka naniniwalang mahal kita?”
“Oo na. Sige na, ‘Ma. Bye.”
“Okay. See you later. Be faithful.”
Lalong kumunot-noo si Roger sa huling tinuran ng asawa bago naputol ang linya.
“Pare, sino ‘yon? Si Misis ba? Chinecheck ka agad? Aga naman?” pabirong komento ng kasamahan ni Roger.
Nangiti lang si Roger at muli nang lumulan sa patrol car.
Kinagabihan ay nauna pa ring makauwi ng bahay si Annie kaysa sa asawa. Tulog na ang kanilang mga anak nang dumating si Annie. Hinintay pa ang asawa saka sabay silang kumain.
“Ano’ng nakain mo kanina ha?” tatawa-tawang tanong ni Roger habang sila’y kumakain.
“Ano?” kunot-noo si Annie. “Ikaw nga ang sisitahin ko, e. Bakit mo ako pinagpatayan ng cellphone ha?”
Si Roger naman ang kumunot-noo. “Hindi kita pinagpatayan ng cellphone ano ka?”
“Ano’ng hindi? Pinagpatayan mo ko! Noong una choppy ka.. .ang labo ng dating mo. Tapos pinagpatayan mo na ‘ko.”
Sumeryoso na ang anyo ni Roger.
“Swear talaga.. .hindi ko ginawa ‘yon. Nagtaka nga ‘ko sa mga pinagsasabi mo kanina, e.”
“Pinagsasabi? Wala nga…”
“Sabi mo mahal mo ‘ko,” bahagya pang natawa si Roger. “Kelan ka pa naging corny? Mas prefer mo ang ‘love you’ kesa do’n ‘di ba? Tapos kanina may pamahal-mahal ka pang nalalaman d’yan.”
Tuluyang sumimangot si Annie sa harap ng asawa.
“Ano ba’ng pinagsasasabi mo d’yan? Wala akong sinabing gano’n. Ni hindi nga ako nakapag-goodbye sa ‘yo dahil pinagpatayan mo ‘ko ng cellphone buwisit ka! Pasalamat ka nga at kinausap pa kita at hinintay kumain ngayon.”
Napalis ang pilyong ngiti ni Roger. Waring saglit itong nag-isip.
“Teka lang.. .ano ang huling tanda mo na nasabi mo sa ‘kin kanina?”
“Na hindi kita madinig,” mabilis na sagot ni Annie.
Muling binalikan sa isip ni Roger ang konbersasyong naganap kanina.
“Hindi mo ba itinanong sa ‘kin kung.. .ano’ng gusto kong pasalubong?”
“Paano ko masasabi ‘yon pinagpatayan…”
“Hindi mo tinanong kung gusto ko ng buko pie? Hindi mo rin sinabing mahal mo ‘ko? Hindi ka ‘kamo nakapag-goodbye.. .hindi mo sinabing ingat ako at.. .lalong hindi mo sinabing maging faithful ako?”
“Hindi! Teka lang.. .ako ba’ng kausap mo?”
Nang maging choppy na ang reception sa konbersasyon sa cellphone ng mag-asawa ay totoong naputol na ang linya ni Roger. Iyon ang pagkakaalam ni Annie. Ngunit ang hindi alam ni Annie at ni Roger mismo ay hindi na ang asawa ang kausap sa cellphone. May “ligaw” na boses na nag butt-in na siyang nakausap ni Roger.
Iyon ang dahilan kung bakit may mga salitang sinabi ang “ligaw” na boses na pinagtakhan ni Roger. Dahil hindi gawing sabihin iyon ng asawa.
Nang ikuwento iyon ni Roger sa kasamahan ay waring hindi na ito nagtaka pa o nagulat man lang. Sa halip ay sinabi nitong: ‘Narinig ko na ang kuwentong ‘yon. Kailan lamang natuklasan ni Roger na ilan na sa kanilang kasamahan ang nakaranas ng katulad na eksperyensiya.
Ang ganoong pangyayari ay naganap sa iisang “spot” ng highway patungong Norte. May ligaw na boses na sumisingit sa phone conversation ng dalawang tao. Ayon sa mga nakaalam ng kuwento, posible raw na iyon ay ligaw na kaluluwang nanghihingi ng pansin at dasal.
Ang Wakas…
Ginto
January 17th, 2010
BUMILIS ang kabog sa dibdib ni Rex nang makababa siya ng jeep. Ewan niya kung bakit, pero bago siya umalis ng bahay buo na ang desisyon niyang makipaghiwalay sa kanyang girlfriend ng isang taon na si Josie. Ngayon nga ay patungo siya sa inuupahang apartment nito upang gawing pormal pakikipaghiwalay rito.Ibang babae ang dahilan kung bakit makikipaghiwalay si Rex sa nobya. Hindi ang kasintahan niya ang may problema, bagkus ay ang puso niya. Natuto itong magmahal ng iba sa kabila ng katotohanang silapa rin ni Josie. Isang bagong kaopisina ang bumihag ng kanyang damdamin. Noong una ay pinigilan niya ang sarili na ipagpatuloy ang nararamdaman sa babae, dahil na rin sa pagmamahal niya kay Josie at sa pag-iwas niyang magkasala rito. Subalit sa kalaunan, naging mahina siya at nagmahal ng iba. Ngayon nga ay mas pahahalagahan niya ang pagmamahal sa babaing bagong itinitibok ng kanyang puso.
Ni sa hinagap, hindi alam ni Josie na nakabuo na pala si Rex nang malaking desisyong maaaring dumurog sapagkatao niya. Hindi rin batid ng binata kung ano ang magiging reaksyon ng kasintahan sa animo’y bomba niyang pasasabugin sa harap nito. Kung magkakaroon ba ng komprontasyon o magwawala ito at kasusuklaman siya sa sandaling malaman ang dahilan ng kanyang pagpunta roon.
Alam ni Rex na siya ang unang lalaking minahal ni Josie. Ipinagkaloob nito nang buung-buo sa kanya ang puso at kaluluwa upang maging maligaya sila sa kanilang relasyon. Marami na itong binuong pangarap na kasama siya. Natatandaan pa niya ang minsang binanggit nito sa kanya, “Ikaw na ang lalaking gusto kong makasama hanggang sa aking pagtanda.”
Subalit ngayon ay nakatakdang wasakin niya ang lahat ng iyon, ang kanilang mga pangarap…ang puso at kaluluwa ni Josie.
Habang papalapit si Rex sa apartment ng kasintahan ay lalong bumibilis ang tibok ng kanyang puso. Sa palagay niya, hindi niya basta kakayaning ihayag ang damdamin kay Josie nang ganoon na lang. Kailangan niyang pag-isipan kung paanong kahit papaano ay magiging magaan at matatanggap ng dalaga ang gagawin niyang pakikipag-break dito.
Kailangan niyang magkaroon ng sapat na lakas ng loob at nakakita siya ng paraan kung paano niya iyon magagawa. Huminto siya sa isang tindahan. Umorder ng isang beer. Magpapalakas muna siya ng loob sapamamagitan ng alkohol.
Alam kong masasaktan si Josie pero kailangan ko itong gawin para sa kanya at para sa sarili ko. Hindi ko na kayang lokohin pa siya.
Kahit hindi sanay sa pag-inom ng alkohol, sunud-sunod niyang tinungga ang hawak na bote ng beer. Kailangan niyang madaliin ang sarili na maramdaman ang init na dulot ng ispiritu ng alak. Aniya, kapag tumama na ang epekto ng alak sa kanya ay mas lalakas na ang loob niyang makapagsalita sa harap ni Josie.
“Pare, malalim yata ang iniisip mo.”
“Huh?!” nagulat siyang napatingin sa pinanggalingan ng boses. “H-hindi ko kayo kilala, ano ba ang sa atin?” tanong niya sa mamang sa tantiya niya ay nasa early 50s na ang edad.
“Wala naman.. .nakilala kita kaya ako lumapit. Hindi ba ikaw ‘yung boyfriend ni Josie, ‘yung magandang dalaga na nakatira sa may kanto?” sagot-tanong ng lalaki.
“O-oo,” maikli at may pag-aatubili niyang sagot.
“Ang suwerte mo sa kanya, pare,” sabi ng lalaki.
Pinagmasdan ni Rex ang lalaki. Hindi niya talaga ito kilala.
“Ano hong ibig n’yong sabihin?”
“Bukod sa maganda, mabait, at masipag.. .nirerespeto ‘yan ng mga tao rito. Alam mo bang marami ang kumursunada sa iyong kalalakihan dito nang malaman nilang sinagot kana pala ni Josie. Pero nang kausapin sila ni Josie, nanahimik na lang silang lahat,” kuwento ng lalaki.
“T-talaga ho,” tanong ni Rex na nasa mukha ang pagtataka.
“Nakakatawa nga, e. Pero siguro kaya napasunod ni Josie ang mga ‘yon sa pakiusap, malaki kasi ang utang na loob nila sa dalaga. Sa lugar kasi nina Josie ay natulungan niya ang halos lahat ng mga tagaroon,” patuloy ng lalaki.
“Bilib talaga ako sa dalagang iyon. Napakabait na tao. Kahit may mga kapatid na pinag-aaral sa ngayon sa probinsya nila, bukas-palad pa rin sa pagtulong sa kaniyang mga kalugar.”
“Paano n’yo ho nalaman ang mga bagay na ‘yan kay Josie. Hindi n’ya ho ‘yan kinukuwento sa akin?” tanong ni Rex.
“D’yan ka lalong bibilib sa girlfriend mo, hindi n’yan ipinagkakalat ang kusang-loob na pagtulong. Hindi ‘yon katulad ng mga pulitiko na ibinabandera ang mga diumanoy pagtulong sa kapwa.”
“Paalala lang… ‘wag mo sanang sasaktan si Josie. Nakatagpo ka nang walang kaparis na ginto sa lugar na ito.”
Ewan ni Rex kung bakit pakiramdam niya ay nagsisikip ang kanyang dibdib sa mga naririnig na kuwento ng lalaki. Napakasama ba niyang tao para saktan pa ang isang tulad ni Josie na ayon nga sa lalaki ay mistulang walang kaparis na ginto.
Tinungga niyang muli ang nalalabi pang beer sa bote.
“Syanga ho pala Huh?! Nasaan na ‘yon?”
Nakalayo na ang lalaki kay Rex nang muli niya itong masulyapan. Tuluyan itong naglaho sa kanyang paningin nang humalo sa kadiliman ng gabi.
Napabuntung-hininga nang malalim si Rex bago tuluyang lumakad patungo sa apartment ni Josie. Dulot nang pakikipag-usap sa hindi nakikilalang lalaki, pakiramdam niya ay gumulo ang kanyang pag-iisip. Tumimo sa kanyang isipan ang mga sinabi ng lalaki.
Bahala na! Basta makikipagkita ako ngayon kay Josie. Kailangan naming mag-usap. Kailangan na niyang malaman ang aking saloobin.
Nagulat si Josie nang mabungaran ang nobyo sa harap ng kanilang pintuan. Agad niya itong pinapasok.
“Bakit hindi ka man lang nagpasabi na pupunta ka pala rito. Paalis pa naman ako,” tanong nito kay Rex. “Teka.. .parang amoy alak ka… uminom ka ba?”
“Isang bote lang… alam mo naman hindi talaga ako umiinom.”
‘”Yon na nga. Uminom ka. Kakaiba ‘yon sa ‘yo. May problema ka ba?” masuyong hinawakan ni Josie ang kamay ni Rex.
“Wala. Maupo muna tayo,” yaya nito sa dalaga.
“Halika…”
“Teka.. .paalis ka kamo.. .saan ang puntamo?” si Rex.
“Kamatayan ng Tiyo Paolo ko. Naikuwento ko na siya sa iyo minsan. S’ya ‘yung nagpaaral sa akin sa kolehiyo. Teka…”
Tumayo si Josie at may kinuhang photo album.
“Eto siya…,” ani Josie habang papalapit kay Rex hawak-hawak ang nakabukas na photo album. “Ang pogi ng Tiyo Paolo ko ‘no. Super bait ‘yan.”
Hindi nagawang makapagsalita ni Rex nang mapagmasdan ang larawan ng tiyuhin ng kasintahan. Nakaramdam siya nang panlalamig ng buong katawan.
D-diyos ko…! S’ya ang lalaking kausap ko kanina. Hindi ako maaaring magkamali!
Napansin naman agad iyon ni Josie.
“Rex, bakit nanlalamig ka? Namumutla ka pa!” pag-aalala nito sa kasintahan.
“Tubig.. .pahingi munang tubig, Josie.”
Nagdudumaling kumuha ng isang basong tubig si Josie sa kusina at agad na ipinainom iyon kay Rex.
“Nagsikip bigla ang dibdib ko. Marahil ay sa nainom kong beer,” paliwanag ni Rex habang hinihimas pa nito ang bahagi ng dibdib.” Ayoko sanang sabihin sa ‘yo pero napatagay ako habang papunta sa inyo.”
“Hay, naku.. .hindi ka kasi sanay uminom, e,” sita ni Josie sa kanya. “Kaya sa susunod ay tatanggi ka. Puwede naman ‘yon, e.”
“O-oo. Gagawin ko ‘yon,” sabi ni Rex.
Ewan ni Rex kung paanong nangyari na nakalimutan na niya ang orihinal na pakay sa pagpunta sa apartment ng kasintahan. Ang pakikipag-break rito. Namalayan na lang niya na paalis na sila ni Josie upang tumungo sa sementeryo at dalawin ang puntod ng tiyuhin nito.
“Salamat ha, kahit hindi mo nakilala nang personal si Tiyo Paolo, mamaya ay ipakikilala kita sa kanya. Matutuwa tiyak ‘yon dahil alam niyang mabait at mapagmahal ang pinili kong maging nobyo… at balang araw.. .asawa ko. Hi hi.”
Isang maluwang na ngiti ang naging tugon ni Rex sa kasintahan.
At sa harap ng puntod ng tiyuhin ni Josie, tuluyan nang iwinaksi ni Rex ang balak na pakikipaghiwalay sa kasintahan. Taimtim niyang pinagsisihan sa sarili ang mga nagawang pagkakasala sa dalaga.
Salamatpo, Tiyo Paolo. Kailangan n ‘yo pa hong magpakita sa akin para magising ako sa aking kahibangan. Totoo po ang paalala ninyo sa akin…natagpuan ko na nga ang tunay na ginto sa pagkatao ng babaing pakamamahalin ko habambuhay.
Ang Wakas…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento