Ilog
June 20th, 2009
Likas sa magkaeskwela na sina Rolan at Benjie ang pagiging pasaway at makulit, mga grade IV student kung kaya palaging napapagalitan ng kanilang guro na si Mrs. Adela Manlapaz. At kalimitan ay nadadamay sa kanilang kalokohan si Jean, kaya kapag pinapagalitan ng guro ang dalawang bata ay nakakasama si Jean.
“All of you three! Go to the right side of this room… dapat kayong parusahan sa kakulitan ninyo!” galit na sabi ni Mrs. Adela nang sitahin sina Jean, Rolan at Benjie.
“Hayan! Ang kukulit ninyo kasi kaya pati ako ay nadadamay sa inyo!” inis na sabi ni Jean.
“Halika na! Huwag ka ng magreklamo! Tumayo na tayo!” yaya naman ni Benjie.
“Oo nga! Baka lalong magalit si ma’am!” sang-ayon naman ni Rolan.
Kahit masama ang loob ay napilitang tumayo si Jean sa isang sulok ng kuwarto kasama ang dalawang kaibigan. Nanatili silang nakatayo roon hanggang sa matapos ang klase. Panay ang angal ni Jean sa dalawang kaibigan habang naglalakad pauwi ng bahay. Hanggang sa makarating ang magkakaibigan sa tulay kung saan tumigil sila sa gitna ng lugar na iyon. Pinagmasdan ng mga ito ang ilog.
“Rolan! Parang ang sarap maligo sa ilog ‘no!” sabi ni Benjie.
“Oo nga!”
Napansin ni Jean ang dalawa. “Hoy! Ano ba naman kayong dalawa, ano pang ginagawa ninyo diyan! Umuwi na tayo..hapon na! Malapit ng kumalat ang dilim.”
“Benjie! Tingnan mo… may mga batang naliligo sa ilog!” Natutuwang sigaw ni Rolan nang makita ang dalawang bata.
“Oo nga ‘no! Maligo din tayo!” naeengganyong sagot naman ni Benjie.
“Huwag na kayong gumaya sa kanila! Tayo ng umuwi!” muling yaya ni Jean.
Nagulat ang tatlo nang mula sa kung saan ay lumapit sa kanila ang isa pang batang lalake na kasing-edad din nila. Nakasuot din iyon ng uniporme ng estudyante.
“Parang masarap maligo ano! Halikayo… sumali tayo sa kanila!” sabi ng bata. “Siyanga pala, ako si Miguel!”
“Sige! Tayo na!” halos magkasabay na sagot nina Rolan at Benjie.
“Ikaw!” baling ni Miguel kay Jean. “Gusto mo bang suniama sa amin!”
“Hindi ah! Ayaw ko nga! Babae ako! Hindi ako pwedeng maligo ng nakahubad!” tanggi ni Jean.
“Ikaw ang bahala! Magsisisi ka dahil hindi masaya ang nag-iisa!”
Di nga nagtagal ay umalis na sa tulay sina Rolan at Benjie. Inilagay ng mga ito sa pampang ang bag at naghubad ng mga damit. Tanging ang mga brief lamang ang itinira sa katawan. Matapos ay nagsimulang lumusong sa ilog ang dalawa, lumapit sila sa mga batang naroon na naliligo na rin. Tuwang-tuwa sina Rolan at Benjie. Sumang-ayon pa nga sila sa suhestiyon ni Miguel na maghabulan sila sa tubig habang naglalangoy.
Panay naman ang sigaw ni Jean na hanggang ngayon ay nasa ibabaw pa rin ng tulay.Pilit na pinapaahon ang mga kaibigan sa ilog. Pero waring bingi na ang mga iyon. Patuloy lang ang ginagawang paglangoy sa tubig. Hanggang sa magulat sina Rolan at Benjie nang hawakan sila ni Miguel sa kanilang mga paa at hatakin sa ilalim ng tubig.
“Miguel, bitiwan mo kami! Malulunod kami. AAAAHH!” sigaw ni Rolan habang nagpupumiglas.
“Mas masarap dito! Kaya hindi ko na kayo papayagan pang makaalis dito. Makakasama na namin kayo dito sa paglalaro sa ilog,” natutuwang sinabi ni Miguel.
Ang lalo pang ikinagulat nina Rolan at Benjie ay nang lumapit ang dalawa pang bata na naroon at tulungan si Miguel na ilublob sila sa tubig. Kaya naman pilit na nagpumiglas sina Rolan at Benjie. Sa tuwing mailulutang nila ang kanilang mga ulo ay sinisigawan nila si Jean.
“Jean! Tulungan mo kami! Malulunod kami!” sigaw ni Rolan.
“Humingi ka ng saklolo.. .dali!” sigaw din ni Benjie.
Kinabahan si Jean. Nalito. Hindi niya mawari kung bakit ang kasiyahan ng mga kaibigan ay napalitan ng sindak. Ganuon pa man ay nagsisigaw siya upang makakuha ng atensiyon.
“Tulong! Tulungan ninyo ang aking mga kaibigan! Nalulunod sila!” sigaw ni Jean.
Nagkagulo naman ang mga kalalakihan nang marinig ang sigaw ni Jean, lalo na ang mga nagdaraan sa tulay ng pagkakataong iyon. Nagmamadali ang mga ito na sumisid sa ilog at sa awa naman ng Diyos ay nasagip ang dalawang bata. Naiahon sina Benjie at Rolan bago pa man tuluyang malunod. Nagmamadaling nilapitan ni Jean ang mga kaibigan na ng mga sandaling iyon ay umiiyak na sa takot.
“Manong! Mayroon pang tatlong bata na kasama sila kanina! Tulungan ninyo rin sila baka sila malunod!” nalilitong sabi ni Jean.
“Wala na silang kasamang bata! Dalawa lang silang nalulunod kanina. Pinulikat lang silang dalawa,” paliwanag ng isang lalaking sumagip.
“Pero manong, lima sila kanina!” ulit ni Jean. Binalingan ang mga kaibigan. “Hindi ba mayroon kayong mga kasama kanina!”
“Oo, pero silang tatlo ay mga multo na. Nanghihikayat sila ng mga batang maliligo dito para lunurin nila, para makasama na nila dito sa ilog!” natatakot na paliwanag ni Benjie.
“Kung nagkataon pala ay kayo ang sumunod na nalunod kay Miguel! Noong nakaraang taon, ganitong petsa rin ng malunod dito ang batang iyon. Nangyari iyon dahil sa sobrang kakulitan niya. Kaya minsan ay mahirap sa bata ang sobrang tigas ng ulo!” sabi ni Mrs. Adela Manlapaz nang lumapit sa dalawa.
Napaiyak nang malakas sina Rolan at Benjie nang makita ang guro. Walang tigil sa pagtulo ang luha nila habang nangangako sa guro na magbabago na sila at hindi na magiging makulit at pasaway. Si Jean naman ay puno pa rin ng kilabot ang buong katawan. Hindi makapaniwalang nakakita siya ng.. .MULTO!!!
Ang Wakas…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento