Mga Tiyanak Sa Balon
June 25th, 2010
Ang kuwento ng kababalaghang ito ay isinalaysay sa akin ng isang kaibigan na siyang personal na nakakakilala kay Rhodora, ang bida sa kuwentong ito…
NAMASUKAN ako bilang katulong kay Doktora Precy, isang matandang doktora na naninirahan sa isang barangay na sakop ng San Rafael. Bagaman luma na, malaki ang bahay para sa tatatlong tao na naninirahan doon. Stay in ako sa kanilang bahay at ako ang nakatokang magluto ng pagkain, maglaba ng damit, at maglinis ng bahay. Ang isang kasama namin sa bahay ay si Hilda, ang pamangking matandang dalaga ni Doktora Precy.
Noong una, ang alam ko ay retirado na sa pagpa-practice ng kanyang propesyon si Doktora Precy bilang isang obstetrician-gynecologist dahil seventy-five years old na siya. Hindi pa pala. May mga pasyente akong nakikita na naghahanap sa kanya na ini-entertain namin sa isang silid na nakikita kong palaging nakakandado. Nagsisilbing assistant niya rito si Hilda.
Isang araw, nagpaalam si Hilda kay Doktora Precy na uuwi muna siya sa Bacolod at dadalaw sa mga kaanak niya roon. Pinayagan naman siya ni Doktora subalit pagkalipas ng dalawang linggo ay hindi pa siya nagbabalik. Kaya ako ang pansamantalang inatasan ni Doktora na tumanggap ng mga pasyenteng nagpupunta sa kanya. Dahil doon, nagawa kong marinig ang mga pinag-uusapan ng mga ito, tulad ng lalaki at babaeng naging bisita niya isang umaga.
Isang araw, nagpaalam si Hilda kay Doktora Precy na uuwi muna siya sa Bacolod at dadalaw sa mga kaanak niya roon. Pinayagan naman siya ni Doktora subalit pagkalipas ng dalawang linggo ay hindi pa siya nagbabalik. Kaya ako ang pansamantalang inatasan ni Doktora na tumanggap ng mga pasyenteng nagpupunta sa kanya. Dahil doon, nagawa kong marinig ang mga pinag-uusapan ng mga ito, tulad ng lalaki at babaeng naging bisita niya isang umaga.
“Itutuloy pa ba natin ang balak mo? Natatakot ako, Dennis,” dinig kong sabi ng babae sa kasama niyang lalaki.
“Hindi pa ako handa. Patitigilin ako sa pag-aaral ng mga parents ko kapag nalaman nila ang tungkol diyan.”
May kasamang dalagita ang dalawa. Madalas ko siyang nakikita na nagpupunta roon na may kasamang mga pasyente na sa wari ko ay siya ring guide at nagtururo sa bahay ni Doktora. Nang lumabas si Doktora ay pinaalis na ako. Agad naman akong tumalima para magtungo kunwari sa kusina pero ang totoo, nagkubli lang ako sa gilid ng pinto at nakinig sa kanilang pag-uusap.
“Magkano ho ba?” dinig kong tanong ng lalaki kay Doktora.
“Kung tatlong buwan na, bale nuwebe mil.”
“Ang mahal ho pala.”
“Tatlong libo kasi ang singil ko kada buwan ng ipinagbubuntis ng babae. Nagbibigay pa ako ng porsiyento sa ahente.”
Nasilip ko na nagbayad ang lalaki kay Doktora bago pinapasok ang dalawa sa silid. Pagkalipas ng mahaba-haba ring oras, lumabas ang babae na kasama ang lalaki. Kasunod ng mga ito si Doktora. Parang wala namang nangyari sa babae.
Noong naroon pa si Hilda, siya ang nakikita kong naglilinis at nagbibitbit ng mga basura na gating sa loob ng silid na pinapasok ng mga pasyente. Itinatapon niya iyon sa isang lumang balon sa likod ng bahay. Kapag nagagawi ako roon, ni hindi ko malapitan ang balon dahil pinaninindigan ako ng balahibo kahit hindi naman ako nag-iisip ng maaari kong katakutan sa lugar na iyon. Kakatwa at iba ang pakiramdam ko sa paligid niyon na may mga nakatanim na malalaking puno. Pakiramdam ko ay hindi ako nag-iisa kapag gumagawi ako roon. Tila may mga matang nagmamasid sa akin at pinanonood ako. Maski nga galaw ng mga dahon sa sanga ng mga puno ay nakakatakot dahil gumagawa iyon ng pag-ingit kapag nahihipan ng hangin. Nakakarinig din ako ng parang sutsot sa akin kapag ako ay paalis na gayong wala namang tao sa paligid.
Nang gabing iyon, bigla akong nagising sa aking naulinigang ingay na tila tinatangay ng hangin mula sa bintana. Mga matitinis at maliliit na tinig ang mga iyon na naghahagikgikan. Parang mga bata iyon na naglalaro at nagkakatuwaan.
Bumangon ako at dumungaw sa labas ng bintana. Pinakinggan kong mabuti kung saan nagmumula ang mga tinig. Inisip kong baka may mga batang nakapasok sa aming bakuran at naglalaro. Pero ako na rin ang kumontra sa aking naisip dahil imposibleng mangyari iyon. Sinong bata ang maglalaro sa ganoong oras ng hatinggabi? Baka naman may nagaganap na children’s party sa isang kapitbahay namin sa di-kalayuan. Pero imposible ring mangyari iyon. Hindi ordinaryo na nagkakaroon ng children’s party sa hatinggabi.
Kalahating oras ko ring narinig ang mga hagikgikang iyon bago unti-unting naglaho iyon sa aking pandinig. Nakatulog naman na ako pagkatapos niyon. Kinabukasan, tinanong ko si Doktora Precy tungkol sa aking narinig nang nagdaang gabi.
“Wala akong naulinigan,” sabi niya. “Sa katunayan, masarap nga ang tulog ko kagabi.”
Kinalimutan ko na ang mga tinig na iyon na narinig ko. Pero pagkalipas ng ilang araw ay narinig ko na naman iyon. Ngayon ay mas malakas at malinaw sa aking pandinig, tila nasa loob lamang ng bahay.
Lumabas ako ng servants’ quarter at sumilip ako sa sala. Wala akong nakitang anuman doon. Hinanap ko kung saan iyon nagmumula. Dinala ako ng mga paa ko sa nakasarang silid na pinakatanggapan ng pasyente ni Doktora. Idinikit ko ang aking tainga sa pinto. Hindi ako nagkakamali, sa loob galing ang matitinis na hagikgikang naririnig ko.
Biglang lumukob ang kilabot sa aking buong katawan. Napatakbo ako pabalik sa loob ng aking silid at nagkulong doon. Nagtalukbong din ako ng kumot sa labis na pagkatakot ko.
Mayamaya, nagulat ako nang marinig ko ang boses ni Doktora Precy. “Huwag! Layuan ninyo ako!” sigaw niya. Kasabay niyon ay naulinigan ko ang mga yabag ng paa sa labas.
Biglang nawala ang takot ko. Binuksan ko ang pinto ng aking silid para alamin kung ano ang nangyayari sa amo ko. Nakita ko siyang papalabas ng pinto ng bahay.
“Doktora!” tawag ko pero tila hindi niya iyon narinig.
Sinundan ko siya sa labas. Nakita kong sa gawing likod ng bahay siya papunta. Parang wala sa sariling naglalakad siya. Nakapaa lang siya at parang bulag na kakapa-kapa sa madilim na kapaligiran. Muli kong tinawag si Doktora pero hindi niya ako pinapansin. Mistulang bingi siya.
Bumalik ako sa bahay para kumuha ng flashlight. Dinampot ko rin ang tsinelas ni Doktora para ibigay iyon sa kanya. Sumagi sa aking isip na baka may ugali na naglalakad sa kanyang pagtulog si Doktora. May mga taong ganoon kapag nananaginip.
Tumatakbo ako papunta sa kanya nang masulyapan ko siyang palapit sa lumang balon. Pero bago ako nakalapit sa amo ko, may natisod ako sa damuhan na ikinadapa ko. Inapuhap ko ang flashlight na nabitiwan ko pero sa pagkapa ko, isang maliit at matigas na bagay ang nakapa ko. Pabilog ang hugis niyon. Nang matanglawan ko iyon ng liwanag ng flashlight, nanghilakbot ako.
Bungo ng isang sanggol ang nakita ko!
Nagmamadaling bumangon ako. Naaninaw kong nasa tabi na ng bunganga ng balon si Doktora. Nakarinig na rin ako ng matitinis na hagikgikan ng mga bata. Nang itanglaw ko ang aking flashlight sa balon, napaatras ako dahil sa matinding takot. May mga tiyanak na nag-ahunan mula sa ilalim ng balon. Hindi lang isa, kundi marami sila. Patalun-talon, palukso-lukso ang mga ito. Nakita ko rin nang lundagin si Doktora Precy ng mga ito. May umukyabit sa kanyang leeg, sa kamay sa balikat at sa ulo.
Napasigaw ako nang malakas dahil sa pagkasindak pero walang lumabas na tinig sa aking bibig. Tumakbo ako palayo.
Hindi ko na alam kung ano ang nangyari kay Doktora Precy, pero nang makalabas ako ng bakuran ay may nakasalubong akong tatlong barangay tanod na nagpapatrolya sa di-kalayuan. Nakita rin nila ako kaya inusisa nila ako.
Sa paputol-putol na pagsasalita ay ikinuwento ko sa kanila ang aking nakita sa likod ng bahay ni Doktora Precy. Nagkatinginan ang tatlong tanod. Pero dahil nakita nilang nanginginig pa ako sa takot, sinamahan nila ako pabalik sa bahay.
Inabutan namin na nakahandusay sa tabi ng balon si Doktora Precy, pero wala na ang mga tiyanak na ikinuwento ko sa kanila na nakita kong sumalakay sa doktora.
Dinala namin sa ospital ang doktora pero dead on arrival na siya. Ayon sa mga sumuring doktor sa kanya, atake sa puso ang sanhi ng pagkamatay ng amo ko .Ang ibinigay kong statement sa pulisya ang naging sanhi para magsagawa sila ng imbestigasyon sa balon. Kakaiba kasi ang masangsang na amoy na nagmumula roon.
Sa ilalim ng balon natuklasan at nakuha ang napakaraming buto ng fetus. Iyon din ang matibay na ebidensiyang gumagawa ng labag sa batas si Doktora Precy ang abortion. Pero patay na si Doktora Precy. Marahil, ang mga biktima nitong fetus ang nakita kong mga tiyanak na sumalakay sa kanya. Sa kanila rin marahil nagmumula ang tinig na nauulinigan ko noong naunang gabi.
Sa ngayon, naaalala ko pa rin ang naganap na pangyayaring iyon sa akin. Nalaman ko rin na nagmistulang haunted house na ang bahay ni Doktora Precy mula nang mawalan na ng nakatira doon. May mga residente ring napaparaan doon sa gabi na nagsasabing nakakarinig sila ng maliliit na tinig na naglalaro sa loob ng bakuran kaya kinatatakutan na nilang dumaan sa bahay.
Ang Wakas
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento