Sabado, Pebrero 25, 2012

putol na kamay

Putol na Kamay

November 20th, 2010
Hinila ni Major Manliclic ang kamay subalit hindi man lang ito gumalaw, pagkakapa ni Major sa siko ng kamay, bigla siyang nahindik at kinilabutan…
“Congratulations, Major, for a job well done. You made the army proud.”
“Thank you, sir. It’s my honor to serve. “Si Major Manliclic, na siyang ginawaran ng medalya ngayong araw, ay isang matapang na sundalo.
Maraming labanan ang kanyang naranasan laban rebeldeng NPA at maraming bomba at mga bala ang muntik nang kumitil sa kanyang buhay sa kampanya-militar sa mga Abu Sayyaf at MILF sa Mindanao. Kaya naman siya ay nasabitan ng Medalya ng Kagitingan at Medalya ng Katapangan ng Chief of Staff ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.
Sa mga talumpati niya sa mga pagtitipon at pasiyana na siya ang panauhing pandangal, ipinagtatapat niya na tulad ng ibang mga sundalo sa larangan, siya ay nakakausal din ng dagliang dasal sa harap ng matinding labanan. Sa mga oras ng kagipitan, sinasagihan din siya ng takot.
Pero iba ang takot na kanyang nararamdaman ngayon. Hindi niya kasi nakikita ang kaaway at wala na siya sa digmaan laban sa nga rebelde.

Nasa isang night club sa bayan ang magkaibigang opisyal ng Philippine Army na sina Major Manliclic at Sergeant Punzalan sa kanilang dalawang araw na furlough mula sa kampo. Bisita sila ni Fiscal Israel at sila ay inimbitahang maghapi-hapi sa gabing ito.
“Para naman hindi kayo nababagot dito sa amin,” ani Fiscal. “Mag-gudtaym naman tayo. Tutal, wala na namang gulo dito sa Tarlac.”
“Ang ibig ninyong sabihin lumipat na ang gulo sa ibang lugar,” sabi ni Sgt. Punzalan sabay tawa. “Di tulad noong nakaraang mga taon na talagang dito ang bakbakan, tahimik na ngayon ang Central Luzon dahil hindi na ganoon ka-aktibo ang mga rebeldeng NPA. Marami nang bumaba mula sa mga kabundukan at namuhay nang payapa kapiling ng kanilang mga pamilya.”
“Malaking pasalamat namin, Fiscal,” dagdag ni Maj. Manliclic.
“At natapos na rin ang sigalot dito sa probinsiya ninyo. Kaya pati kami ay kampante na rin.”
“Kaya nga nag-e-enjoy tayo ngayong gabi,” masayang pakli ni Fiscal Israel. “Pasasalamat na rin ito sa inyong masigasig na pangangalaga at pagbabantay sa mga taga-rito sa amin. Pati nga ako ay malaki ang ginhawa sa katawan dahil kakaunti ang mga kaso tungkol sa patayan.”
Maghahating-gabi na nang magpasiyang umuwi ang tatlo. Umakyat sa pangalawang palapag at tinungo ng dalawang sundalo ang kani-kanilang kuwartong inilaan ni Fiscal Israel para pahingahan ngayong gabi.
Maluluwag ang mga kuwarto ng magandang bahay. Malaki ang kama at makapal at malambot ang kutson. Dahil sa matagal na karanasang pakikibaka sa bundok, sanay matulog si Maj. Manliclic na nakasandal lang sa puno o nakadukmo na hawak ang baril. Matagal na panahon nang hindi siya nakahiga sa ganitong klaseng kutson. Hindi rin sanay matulog na may ilaw kaya pati lampshade sa side table ay kanyang pinatay. Dahil sa ginhawang dulot ng kutson sa pagod niyang katawan at konting nainom, madali siyang dinalaw ng antok at kagyat na nakatulog.
Makalipas ang mag-iisang oras, nakaramdam siya ng yugyog sa balikat. Sa una, hindi” niya ito pinansin. Naulit ang yugyog. Buong akala ni Major ay ginigising siya ng katulong. Dumilat siya pero pusikit ang dilim sa kuwarto.
“May problema ba?” tanong niya
Walang sumagot sa kanya. Subalit naramdaman niya ang isa pang yugyog sa kanyang balikat.
“Ano ka ba?” iritadong tanong ng Major. “Magsalita ka nga’t sabihin mo’ng sadya mo at masakit ang ulo ko.”
Subalit wala pa ring sumagot. Nahinuha ni Major Manliclic na muli siyang yuyugyugin kaya inabatan niya ang pagdating ng kamay sa kanyang balikat. Bigla siyang dumukwang sa eksaktong sandaling sa tingin niya’y parating ang yugyog. Nahagilap niya ang isang kamay na malambot, mainit at balingkinitan. Kamay ng isang babae!
“Sino ka?” galit na tanong ni Maj. Manliclic. Wala pa ring sagot.
Hinila ni Major Manliclic ang kamay subalit hindi man lang ito gumalaw o natinag man lang. Parang napakalakas ng may-ari nito. Ngayon ay talagang galit na ang opisyal. Hinawakan niya ng mahigpit ang kamay at kinapa ang braso papuntang balikat at ulo. Mukhang nakadamit pantulog na ito dahil malambot ang tela sa manggas.
Pagkakapa ni Major sa siko ng kamay, bigla siyang nahindik at kinilabutan. Putol ang kamay! Hanggang siko lang ang kamay. Pati na ang damit. Nagugulumihanan niyang biglang binitiwan ang putol na kamay. Nang masanay ang mata niya sa dilim ay naaninag na ni Major Manliclic ang paligid. Mag-isa lamang siya sa kuwarto. Walang ibang tao! Wala rin ang putol na kamay.
Sinindihan ni Major ang ilaw. Hindi na siya nakatulog at nakahinga lang ng mapayapa nang mag-umaga na.
Kinabukasan habang nag-aalmusal, isinalaysay ni Major ang kanyang hindi pangkaraniwang karanasan sa kanyang dalawang kasama. Bagaman hindi makapaniwala si Sarhento, tahimik at kampanteng pinakinggan naman ni Fiscal ang kuwento. Malumanay itong humigop ng kape.
“Si Tita Bettina iyon,” pagkuwa’y sabi ni Fiscal Israel. “Tumira siya rito at ang kuwarto niya ay ang kuwarto mong tinulugan kagabi.” “Pero bakit putol ang kanyang kamay?”
“Ginawang garison ng mga Hapon ang bahay na ito. Matindi iyong tinutulan ni Tita Bettina. Sa galit ng heneral na hapon ay inundayan siya ng sable. Tinangkang salagin ni Tita Bettina ang taga sa kanyang kamay na ikinaputol nito. Tumama rin sa kanyang leeg ang sable na siya niyang ikinamatay.”
“Matatag at matapang pala ang mga babae sa lahi ninyo.”
“Sinabi mo. Hindi nagtagal dito ang mga Hapon. Ginulo sila ni Tita Bettina. Minsan, sinampal ng putol niyang kamay ang heneral. Sa takot nito, nag-alsa balutan sila kinabukasan.”
“Pero ano ang kinalaman ko at ginising niya ako kagabi?”
“Nakauniporme ka kasi at singkit ang mga mata mo. Baka akala niya, isa kang kawal na Hapones. Baka nagtataka siya kung bakit may sundalo sa kuwarto niya. Huwag kang mag-alala, mabait si Tita Bettina. Ngayong alam na niyang hindi ka kalaban hindi na uli dadalaw iyon sa iyo.” At nagtawanan si Sgt. Punzalan at si Fiscal Israel.
“Talagang ayaw ko nang makaenkwentro pa ang putol na kamay,” seryosong sabi ni Maj. Manliclic.
Wakas

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento