Huwebes, Pebrero 23, 2012

kunsensya

Kunsensiya

May 3rd, 2010
SI Aling Freda ay isang biyuda. May dalawa siyang anak na babae. Si Liza ay labimpitong taong gulang at ang limang taong gulang na si Sara. Pumasok silang mag-iina bilang tagapagluto at kasambahay ng biyudong negosyanteng si Felipe.
Isang araw ay iniwan ni Aling Freda ang mga anak para umuwi ng probinsiya.Unang taong anibersaryo kasi ng kamatayan ng asawa at ibig niyang dalawin ang puntod nito. Gusto man niyang isama ang mga anak ay hindi maaari dahil walang maiiwang magtatrabaho sa bahay.
Pero nang gabing iyon na umalis siya ay nilooban ng mga hindi kilalang tao ang bahay ni Felipe. Maliban sa cash na kinuha, tinangay din ng mga ito si Liza.
Walang saksi sa naganap maliban kay Sara. Ayon sa bata, nasa sala pa sila ng Ate Liza niya nang lumabas ng kuwarto si Felipe. Naglalakad daw ito na parang zombie at dumiretso sa main door ng bahay. Binuksan daw nito iyon. Nagulat na lang daw ang dalawa nang pumasok ang mga lalaking may takip ang mukha. Nakadamit lahat ang mga ito ng kulay puti. Sapilitang tinangay ng mga lalaki ang ate niya. Tinakpan daw ni Felipe ang kanyang bibig upang matigil siya sa kahihingi ng tulong. Matapos ang lahat, parang wala raw nangyaring bumalik uli ng kuwarto na parang zombie si Felipe.

Para namang bulang naglaho si Liza. Wala ni bakas ng anino ng dalaga. Ayaw namang maniwala si Aling Freda sa deklarasyon ng amo na baka napagtripan ng isang gang si Liza kaya ito kinidnap. Nagsampa ng kaso si Aling Freda laban kay Felipe. Kidnapping case.
Dahil sikat na abogado ng mahihirap, hinawakan ni Madel ang kaso laban sa mayamang biyudo.
“MAHIHIRAPAN kang ipanalo ang kaso ni Liza. Madz! Maimpluwensya at mapanganib na tao si Felipe! Hindi matibay na saksi ang isang limang taong gulang na si Sara! Bitawan mo na ang kaso at magpakasal na tayo!” ilang beses nang giit ni Ram, nobyo ni Madel.
“Tama si Ram, Madz!” susog ni Franklin, kaibigan nilang binatang psychotherapist.
“Listen, guys… natilit lang kay Liza ang nangyari noon sa unang kasambahay ni Felipe. Remember Conchita? Ang pagkakaiba ay nakatakas si Conchita sa mga kidnaper at nakapagsumbong sa mga alagad ng batas. Ayon sa sinumpaang salaysay noon ng dalagita, si Felipe rin daw ang nagbukas ng pintuan para makapasok ang mga kidnaper. Ibig sabihin, kakutsaba nila ang biyudo!” pakli ng matapang na abogada.
“Madel, naabsuwelto na sa kasong ‘yan si Felipe. Napatunayan ng mga doktor na mayroon siyang parasomnia o sleep disorder. Ibig sabihin, si Felipe ay naglalakad ng tulog!. Ang taong may ganitong sakit ay hindi alam kung ano ang ginagawa dahil nga tulog. Maliban na lamang kung sadya siyang gisingin!” ani Ram.
AYAW sumuko ni Madel. Pakiramdam niya ay personal niyang krusada na bigyang katarungan ang pagkawala ni Liza. May kopya siya ng naging salaysay ni Conchita. Ayon sa dalagita, dinala raw siya sa isang gubat ng mga kumidnap sa kanya. Hindi raw niya alam kung saan iyon dahil piniringan ang mga mata niya. Isa raw ang napansin ng dalagita at iyon ay ang pagkakaroon ng isang maliit na komunidad sa loob ng gubat. Mapalalaki man o mapababae ay nakadamit ng puti ang lahat.
Ayon pa sa salaysay ay iginapos daw si Conchita sa pinag-ekis na mga haligi at pinaikutan ng kahoy na panggatong. Narinig daw niya ang pag-uusap ng mga matatanda na siya ang susunod na iaalay sa panginoon ng mga ito. Magiging mabangong insenso raw ang usok na magmumula sa kanyang katawan dahil siya ay birhen pa. Sa sobrang takot ay nagwala raw ang dalagita.
Mabuti na lang daw at dahil sa ginawang pagwawala ay lumuwag ang pagkakagapos kay Conchita. Nakatakas siya bago pa sumapit ang hatinggabi.
Bukod sa pahayag ni Conchita ay nag-imbestiga rin si Madel tungkol sapagkatao ni Felipe. Natuklasan niya na isang dayo lang sa bayang iyon ang biyudo. May haka-hakang miyembro raw ang lalaki ng isang secret society ng mga businessmen sa pinanggalingang probinsiya.
Napaglimi ni Madel na maaaring ang komunidad na tinutukoy ni Conchita ay ang kinaaaniban ni Felipe na isang kultong sosyedad. May napabalita nang katulad nito noon.
NAGPASAMA si Madel kay Ram patungong Quezon. Doon kasi nakatira sina Conchita. Balak niyang himukin ang dalagita na tumestigo laban kay Felipe.
“Nagsasayang ka lang ng panahon, Madz! Binayaran na ni Felipe nang malaking halaga sina Conchita kaya nga iniurong na niya ang demanda laban sa biyudo!” ani Ram na lumingon sa nobya habang nagmamaneho.
” Watch out, Ram!” sigaw ng dalaga na awtomatikong pinag-ekis ang dalawang braso upang takpan ang mukha.
Umusok ang mga gulong ng RAV Toyota ni Ram nang sagarin nito ang preno. Malakas na sumalpok ang sasakyan sa katutumba lang na puno ng mahogany.
Mabuti na lang at naikabit ni Madel ang sariling seatbelt. Agad niya itong kinalas at mabilis na dinaluhan ang walang malay na nobyong nakasubsob sa manibela. Hindi pala naikabit ni Ram ang seatbelt kaya humampas ang noo sa manibela.
Napatili ang dalaga nang biglang may dumakma sa kanyang mga balikat at sapilitan siyang inilabas ng sasakyan. Nagpapapalag siya pero nagawa pa rin siyang mailabas ng lalaking may hawak sa kanya. Agad siyang sinikmuraan nito na nagpadilim sa kanyang paningin. Sa ikalawang suntok, tuluyan na siyang lumungayngay.
Kinaladkad ng dalawang lalaking parehong naka Long sleeve at pantalong puti ang habol-hiningang si Madel palayo sa sasakyan. Pakiramdam ni Madel ay katapusan na niya kaya gayon na lang ang dasal na may maligaw roon at makakita sa kanya. Ngunit kung magsisigaw man ay walang makakarinig dahil walang kabahay-bahay ang naturang highway. Inipon na lang ng dalaga ang natitirang lakas at dinagdagan ang lakas ng loob.
Dahan-dahan silang dumausdos sa gilid ng highway papasok sa masukal na gubat. Sa isip ni Madel ay naglalaro ang ikinuwento noon ni Conchita.
Siya ba ang susunod na iaalay sa sinasabing panginoon ng mga ito?
Hindi pa sila gaanong nakalalayo mula sa highway nang marinig nila ang alingawngaw ng sirena mula sa mga dumarating na mobile patrol. Agad siyang binitawan ng dalawang lalaki at tumakbo papasok ng gubat.
Suwerteng isang trak na vegetable dealer ang napadaan sa lugar. Nakita ng mga ito ang aksidente. Palibhasa’y tagaroon, humingi agad ng tulong ang mga ito sa pinakamalapit na police station sa pamamagitan ng cellular phone. Agad namang nagresponde ang mga alagad ng batas. Samantala, habang hindi pa dumarating ang mga pulis ay binigyan ng first aid si Ram ng mga lulan ng trak kaya mabilis na naka recover ang binata.
Ipinahalughog agad sa mga pulis ang kalapit na gubat na ani Madel ay pinasok ng mga lalaking nagtangkang tumangay sa kanya. Nang hindi makita ang mga ito ay ipina blotter na lang ni Madel ang nangyari. Nangako naman sa kanya ang hepe ng mga pulis na gagawin ang lahat para mahuli ang masasamang loob.
Hindi na muna tumuloy sa Quezon ang magnobyo. Bumalik agad sila ng Maynila para magamot ang pumutok na ulo ni Ram. Nakahinga nang maluwag ang dalaga nang maging negative ang resulta ng x-ray ng kasintahan.
PLANO nina Ram at Madel na muling pumunta ng Quezon nang mabalitaan nilang patay na si Conchita.
Nanlumo ang dalaga lalo pa at agaran din daw na ipinalibing si Conchita ng ina nito. Pagkatapos daw ng libing ay umalis agad ng bayang iyon ang babae at walang nakapagsabi kung saan ito nagtago.
Dumating din sa kanya ang balitang walang nakitang komunidad sa gubat o maging sa karatig-bundok nito ang mga kapulisang inatasan na hanapin ang mga gustong kumidnap sa kanya.
May palagay siyang may kinalaman si Felipe sa pagkamatay ni Conchita. Pati na sa nangyari sa kanila noon sa highway.
Ngunit wala siyang sapat na ebidensiya para kasuhan ng murder and attempted murder ang buhong na lalaki.
Agad nang kumilos ang dalaga. Ipinasailalaim na niya sa witness protection ang mag-inang Sara at Freda nang matiyak ang seguridad ng mga ito.
Kinondisyon na lamang nang mabuti ni Madel ang isipan ng kaisa-isang hawak na testigong si Sara. Binilinan niya ang batang pag nasa hukuman na, huwag na huwag babaguhin ang mga testimonya kahit anuman ang mangyari.
“Kinausap ko uli ang bata, Frank. Wala pa ring pagbabago sa kanyang deklarasyon. Ibig sabihin, iyon talaga ang aktuwal na nangyari ng gabing kidnapin ang Ate Liza niya,” muling giit ni Madel nang bumalik siya sa klinika ng kaibigang psychotherapist. “Ayon sa pag-aaral mo, ang taong naglalakad ng tulog ay nakadilat nga ang mga mata ngunit hindi nakaunat ang mga kamay na parang zombie!”
” Yeah, you ‘re right, ” ang sagot ni Franklin.
“Iyon ang ginawa ni Felipe! Ibig sabihin, nagkukunwari lang siyang tulog!” obserbasyon ni Madel.
Napailing ang psychotherapist. “Okey… sabihin nating totoo ang sinasabi ni Sara… ngunit paano mo matitiyak na hindi magbabago ang deklarasyon ng bata kung pasa-pasahan na ng tanong ng tusong abogado ni Felipe!”
“Kumbaga sa sugal, wala kang hawak na alas, Madz. Drop this case and marry me. Hindi ko makakaya pag may mangyaring masama sa ‘yo.” Desperado na si Ram.
“Nangako ako kay Aling Freda na bibigyan ng hustisya ang nangyari kay Liza. Pangako rin… magpapaksal tayo pagkatapos ng kasong ito, Ram.” Masuyong hinagkan sa pisngi ng dalaga ang nobyo.
HINDI na naihatid pauwi ng nobyo si Madel dahil hahabol pa raw ito ng meeting sa opisina. Naroon na sa lobby ng kanyang apartment ang dalawang detektib na inuupahang magbabantay sa kanya. Ang dagdag na isa ay siyang naatasang pansamantala niyang driver.
Pagpasok ng kuwarto ng dalaga ay agad niyang nakita ang basag na salamin ng kanyang bintana. Sa sahig ay may isang papel na ibinalot sa isang bato. Binasa niya ang nakasulat na mensahe sa papel na isinulat pa sa dugo:” Back out or you go to hell!”
Nabitawan niya ang papel nang may marinig siyang malakas na kalabugan sa labas ng apartment. Parang may mga kalaban ang tatlo niyang bodyguards.
Muling nabuhay ang samu’t saring takot sa dibdib ni Madel. Baka may pinakawalan na namang tao si Felipe na papatay sa kanya.
Nangangatal ang babang napasiksikna siya sa isang sulok ng silid. Tuluyan na siyang naghisterikal nang lumusot sa basag na salamin ng bintana ang isang kamay at dinakma siya sa buhok. Hinila siya nito pabalik sabay untog ng likod ng ulo niya sa sementadong dingding.
Bago siya nawalan ng malay ay nakita pa niyang naka long sleeve ng puti ang may-ari ng kamay.
Una niyang nasilayan ang mukha ng nobyo nang matauhan siya.
“Tinawagan ako ng isa sa tatlo mong guwardiya. May gusto raw pumasok sa apartment mo… tatlong lalaking nakadamit ng puti. Malalakas daw sila kaya nagawang makatakas. Nabaril daw nila ang isang may hawak sa iyo pero daplis lang kaya nakatakas din,” balita ng binata.
Dinagdagan na lang ng dalaga ang pag-iingat. Maliban sa kulang siya sa ebidensiya ay maimpluwensiya pang tao si Felipe. Mahihirapan lang siyang kasuhan ang lalaking utak ng lahat ng pagtatangka sa kanyang buhay.
NANGYARI ang kinatatakutan ni Madel. Nagtagumpay ang abogado ni Felipe na ma-demoralize si Sara dahil sa matapang at pasigaw na pagtatanong nito. Hindi na makapagsalita pa ng tuwid ang batang humihikbi na sa takot. Pabagu-bago na ang deklarasyon nito.
Nanlumo ang dalaga. Malinaw nang matatalo sila.
“Objection, your honor Nais sawatain ng dalaga ang kalabang abogado.
Ngunit hindi siya pinaunlakan ng hukom.
Ang panlulumo ng dalaga ay nahalinhan ng pagkagimbal nang mula sa main door ng court room ay pumasok ang isang dalagitang maputla, may bahid ng dugo sa gilid ng mga labi nito at may lubid sa leeg!
Si Conchita!
Nakaturo ang isang kamay kay Felipe.
Napatigagal ang lahat nang naroroon. Walang makahuma.
Maging ang dalawang guwardiya sa main door ay napatulala ring pabalik-balik ang tingin sa dalagita at kay Felipe.
“Patay ka na! Ipinapatay na kita!” Dumagundong sa loob ng court room ang sigaw na iyon.
Sigaw na galing sa nanghihilakbot na si Felipe!
DAHIL sa hayagang pag-amin, nakulong si Felipe sa salang pagpatay kay Conchita.. Unsolved pa ang kaso ni Liza. Pero hindi titigil si Madel hangga’t hindi niya naidadagdag sa kaso ng buhong na lalaki ang panibagong kasong murder.
Usap-usapan pa rin ang nangyaring ‘kaguluhan’ sa korte.
Pakana pala ni Ram ang pagsulpot ng dalagita sa gitna ng paglilitis. Sa hangaring matulungan si Madel, nag-imbestiga ang binata tungkol sa buhay ng yumaong si Conchita. Natuklasan niyang may identical twin pala ito at ipinaampon ng ina sa mag-asawang kababayan nito sa Bicol.
Pumunta roon ang binata. Natuklasan din niyang doon nagtago ang totoong ina ng kambal. Nakiusap siya sa mga ito na tumulong sa imbestigasyon at nang matapos na ang kasamaan ni Felipe at nang makaganti rin ang mga ito sa sinapit ni Conchita.
Naniniwala kasi ang binata sa kasabihang “Laging nahuhuli ang isda sa bibig nito. ” Ganoon din ang tao lalo pa kung ito ay guilty. Kailanman, hindi ito patatahimikin ng kanyang kunsensiya!
“Kung sakali ba ay makakasuhan ako sa ginawa kong panggugulo, Madz?” seryosong tanong ng binata. “Paano na pala’ng kasal natin kung sakaling kakasuhan nga ako?”
“Relax, ” nakangiting sagot ng dalaga sabay yakap sa nobyo. “Kung ‘yung ibang tao nga ay handa kong ipaglaban hanggang kamatayan… ikaw pa kaya?” At niyakap niya ang nobyo na ginawa ang lahat para matulungan siya.
Sa pangyayari ay Ialong napatunayan ni Madel ang kasabihan na walang makatatakas sa sariling kunsensiya. Na sa huli, ang kunsensiya ng walang pusong si Felipe ang nagbigay-katarungan sa mga biniktima nito.
Wakas

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento