Biyernes, Pebrero 3, 2012

new

Bulaklak ng halimaw

November 12th, 2011
Tama ang sinabi ng tiyahin kay Milagros. Sinuman ang maging karibal ng halimaw sa kanya ay kakainin ng laho. Mawawala na parang bula. At heto, kada sipa niya sa pumpon ng bulaklak na bigay ng halimaw ay nakikita niya ang nagtatalsikang putul-putol na bahagi ng katawan ng mga lalaking sumasamba sa kanya…
NAPAKAGANDA ni Milagros. Dalaga na siya. Para siyang bulaklak na habang naglalakad ay nagsasabog ng napakabangong halimuyak. Ultimong puno ng kawayan ay gustong yumukod sa bawat matapakan ng dalaga.
Si Milagros ay tila isang Diyosa sa lahat ng mga lalaking gustong sumamba.
May isang nilalang sa loob ng kakahuyan ang laging nakamasid sa bawat kilos ng dalaga. Naaaliw ito tuwing makikitang namimitas siya ng mga ligaw na bulaklak.

“Akin ka, Milagros… magiging akin ka…!” ang bulong ng ayaw magpakitang nilalang.
Ang bulong ay tinangay ng hangin. Napalinga si Milagros nang maramdaman na parang may nagmamasid sa kanya. Daii-dali niyang binitbit ang basket ng bulaklak sa pangamba na may panganib na nakaamba sa kanya.
Marami ang nagkakainteres sa kanya kaya maingat ang dalaga na mapangalagaan ang dangal.
Karamihan sa kalalakihan sa baryo nila ay nangangarap mapaibig si Milagros. Mabait naman ang dalaga pero marami rin ang naiilang na lumapit sa kanya.
Madalas, kapag nagkakatipon ang mga kalalakihan ay ang magandang dalaga ang paksa.
“Maging akin lang si Milagros, puwede na akong magpakain sa buwaya,” bulalas ni Vino nanasa kumikinang na mga mata ang malabis na pag-ibig sa dalaga.
Isang matanda ang nagpakita ng gintong singsing na may malaking brilyanteng nakatanim. “Sa laki ng bato ng singsing ko, ewan lang kung hindi masilaw ang babaing gugustuhin ko. Mismo.”
May lihim na pagtingin din pala ang matandang si Julian sa musa ng baryo. “Sagutin lang ako ni Milagros, bukas nabukas din puwede na akong ilibing nang buhay.”
Si Enteng na natatawa lang sa usapan ay nagawa ring magparinig. “Sige, pag nabiyuda na lang si Milagros, saka na ako didiskarte sa kanya.”
Malakas na kinutusan ni Vino si Enteng. “Kahit ikaw pa ang kahuli-hulihang lalaki, hindi kapapasa kay Milagros. Ambaho ng hitsura mo!” Saka ito tumawa nang ubod lakas at muntik pang tumalsik ang pustiso sa tawa.
Lalong umugong ang tawanan.
Ang malakas at masayang tawanan ay hindi nagustuhan ng selosong nilalang sa kakahuyan. Kailanman ay hindi ito papayag na may maging karibal sa pag-ibig ni Milagros.
NABULABOG ang katahimikan ng gabi sa isang malakas na panaghoy. Nakakakilabot na panaghoy.
Ginising noon si Milagros at ang tiyahin.
“Diyos ko! Nagising na yata ang halimaw sa kakahuyan!” sambit ng tiyahin.
Gulat na napatingin ang dalaga sa matanda.
Ang tiyahin ni Milagros ay nabalot ng pangamba. “Milagros, niligawan ka ba ng halimaw?” tanong sa pamangkin.
Napaigtad sa pagkakahiga ang dalaga. “Tiya, sino bang halimaw? Wala akong manliligaw na halimaw.” Bigla tuloy natakot ang dalaga sanarinig.
“Basta, huwag ka munang pupunta sa kakahuyan. Delikado. Iba na ang nag-iingat. Basta,” takot ang anyo ng matanda.
Matagal ding hindi lumabas ng bahay si Milagros. Pinagbawalan siya ng tiyahin. “Huwag kang pupunta sa kakahuyan, hindi mo ba alam na may namamahay doong halimaw.”
Akala nga ni Milagros isa lang kuwentong bayan ang tungkol sa halimaw. Napalingon siya sa tiyahin. “Totoo ho ba iyon? Totoo ang halimaw?”
“Naka!” piyok ng matanda. “Kapag nakursunadahan ka ng halimaw na iyon, lahat ng lalaking magkakagusto sa iyo, kakainin ng laho.”
Kinilabutan si Milagros. Hindi na niya sinabi sa tiyahin na sa tuwing nasa kakahuyan ay tila may aninong nagmamatyag sa kanya. “Nakakatakot pala.”
Mula noon, hindi na nga tinangka pa ni Milagros na magpunta sa masukal na lugar.
NAGING malungkot ang lugar ng kakahuyan. Naging parang sementeryo.
Isang gabing mailap ang buwan ay tinangka ng halimaw na puntahan ang lugar ni Milagros. Mula sa di kalayuan ay napaungol ito nang makita sa bukas na bintana ang nag-uusap sina Milagros at Vino, na noon ay umakyat ng ligaw sa dalaga.
“Ano iyon?” Kinabahan si Milagros nang marinig ang ungol.
“Gusto mo, tingnan ko,” lakas-loob na sabi ng lalaki.
Inawat ng dalaga ang manliligaw. “Huwag na. Baka may naligaw lang na hayop.”
Nakatiim-bagang ang halimaw. Nalamukos nito ang hawak na bulaklak. Nag-iba ang kulay ng pulang bulakak nang malaglag ang talulot sa lupa, naging kulay itim, kulay dilim.
Dumagundong ang lupa nang mabilis na tumakbo ang halimaw palayo sa lugar na iyon.
Yumanig sa kubo nina Milagros. “Lumilindol!”
At kasunod niyon ay nadinig na naman nila ang tila tumatangis na ungol. Isang ungol na papalayo.
Napakrus ang tiyahin ni Milagros. “Diyos ko. Nagseselos ang halimaw!” anas nito.
Wala na si Vino nang magbigay-babala ang tiyahin ni Milagros. . “May lihim na pag-ibig sa iyo ang halimaw. At hindi siya papayag na magkaroon ng karibal sa puso mo, Milagros.”
Tinawanan lang iyon ng dalaga. “Tiya, ang kuwento ng halimaw ay kathang-isip lang. Kuwentong panakot lang sa mga bata. Hindi iyon totoo. Walang halimaw sa kakahuyan. Wala!” Pinalalakas ni Milagros ang loob na naaapektuhan ng kuwento ng ale.
Natahimik na lang ang tiyahin. Sana nga wala, wala.
UMAGA, nagwawalis sa bakuran si Milagros nang mapuna niya ang halaman na tumubo sa gilid ng puno. Hindi niya binunot lalo pa’t nakikita niya na nagsisimula na itong mamulakak.
Hapon, pagsulyap ni Milagros sa bintana ay nakita niya mula rito ang misteryosong halaman. Ang bilis lumaki ng bulaklak. Halos kasinlaki agad ng plato.
Dahil sa pagkahilig sa bulaklak ay nilapitan niya ito. Tumiklop ang bulaklak na para bang nahihiya. O may gustong itago sa kanya.
“Ang ganda namang bulaklak nito. Kaya lang, parang lumuluha.” Nakita niya kasi na mamasa-masa ito. Parang isang mangingibig na nagtampo at itinatago ang luha.
GABI. May bagong manliligaw si Milagros. Ang kintab ng suot. Pati buhok, hanep sa kintab, unat na unat. Si Mang Julian iyon na may dala pang sitsarong bulaklak at chicken barbecue para sa tiyahin ni Milagros. “Sino ba ang liligawan mo, ako o ang pamangkin ko? “tanong ng matandang babae na nagtataka.
Bumuwelo pa ang katawan ni Mang Julian. “Siyempre, ang magandang dilag,” aniyon sabay kindat kay Milagros.
Napatungo ang dalaga. Muntik pa siyang masilaw sa nangingislap na bato sa singsing ng lalaki.
“Sus! May lagay pa. O siya, nasa pamangkin ko na ang pasya kung malabo na ang kanyang mata,” sabay patutsada ng tiyahin.
Sinuklay lang ng matanda ang kilay. “Milagros, sagutin mo lang ako, kahit hininga ko ibibigay ko sa iyo.”
Muli ay sinuklay nito ang buhok. Sadyang gusto lang ipakita kay Milagros kung gaano kalaki ang bato sa singsing na suot.
Lihim na natatawa lang ang dalaga. Medyo naaasiwa rin siya sa nagmumurang kamyas na matanda.
Matabil si Mang Julian. Lahat na yata ng sarap sa buhay ay gustong ipangako sa dalaga
Tatangu-tango lang si Milagros.
Naaawa rin naman siya sa matanda. Hindi niya ito prinangka. Hindi rin naman inalisan ng pag-asa. Pipitu-pito pa ang matanda habang pumapanaog ng bahay. Iyon ang huling kita niya doon.
NAGSISIGA sa bakuran ang tiyahin kinabukasan nang tila mabulabog ang kumpul-kumpol na langaw. Nagliparan ito habang wasiwas ng matanda ang hawak na walis tingting.
“Bakit ba ang daming langaw dito. Saan ba nanggagaling ang mga pesteng ito,” takang umikot ang mga mata ng matanda.
Nagdilim nga naman ang paligid sa dami ng langaw na para bang may pinagpipistahan.
Dalawang araw pa ang binilang ay may nagtatanong na kay Mang Julian. Nawawala raw ang matanda. Huli raw namataan ang matanda sa bakuran nila nang umakyat ng ligaw kay Milagros.
Siyempre, hindi nila alam kung nasaan.
“Hindi kaya kinuha na ng halimaw si Tandang Julian?” muli ay naroon ang pangamba sa mata ng tiyahin ni Milagros nang kausapin ang pamangkin.
Wala namang imik ang dalaga. Totoo na yata ang kuwento tungkol sa halimaw.
Nang gabing iyon ay halos ipagtabuyan niya si Vino. “Huwag ka nang pupunta dito, Vino!” aniya. “Hangga’t maaari huwag ka nang pupunta dito sa amin.”
Hindi inakala ni Milagros na daramdamin ng binata ang kanyang pagtataboy. Hindi kasi niya alam kung paano sasabihin dito ang pag-aalala. Nahihiya rin kasi siyang pagtawanan nito kung sasabihin niyang ang dahilan niya ng pagpigil dito ay ang hindi nakikitang halimaw.
“Ang sakit mo namang magsalita. Bakit, Milagros… hindi mo ba ako gusto?” puno ng hinanakit si Vino.
Nagdahilan ang dalaga. “Hindi naman sa ganoon. Kaya lang… kaya lang ay ayokong malagay sa peligro ang buhay mo. Hindi ako ang tamang babae para sa iyo.”
Masama ang loob na nanaog ng bahay ang binata.
Iyon na ang una’t huling kita ni Milagros kay Vino. Ang sabi-sabi, baka raw nagpakain na sa buwaya dahil nabigo sa pag-ibig ng dalaga.
SAMANTALA, lalong tumindi ang mabahong amoy sa hardin nina Milagros. Amoy na umabot na sa kabilang ibayo. Ang gusgusing si Enteng tuloy ang napagdiskitahan ng mga istambay.
“Maligo ka nga, Enteng… nangangamoy ka!” pang-aasar nila sa lalaking bihira kung maligo.
Inamoy ni Enteng ang loob ng damit. “Hoy, baka mga sarili nyo ang naaamoy n’yo…” anito, nakangisi. Pero ang lalaki man ay nagtataka “Saan nga ba nangggaling ang hindi kanais-nais na amoy?”
Isa ang sumagot. “Sa bakuran daw nila Milagros!”
May bulung-bulungan nga na baka kaya nawawala sila Tandang Julian at Vino ay baka doon ibinaon nang buhay.
Nagsenyas ng lagot si Enteng. “Hoy, huwag kayong ganyan! Masama ang mambintang!”
May nambuyo kay Enteng. “Pagkakataon mo na, Enteng! Ikaw naman ang dumiskarte kay Milagros, wala na ang dalawang asungot na karibal mo.”
Nilawayan ni Enteng ang kilay. Ngumisi. “Wala na nga akong karibal.”
Ginawang katatawanan si Enteng ng mga tagaroon. Para kasing kulang-kulang. Parang may sira sa ulo. Kahit ano ang ipagawa ay sinusunod. Walang sariling desisyon. Sugod nang sugod.
Naligo si Enteng nang gabing iyon. Nanghiram pa ito ng barong, akala mo ay damit na pamburol. Sinepilyo niya pati kuko para maging kaayaaya sa pag-akyat ng ligaw sa dalaga.
Minamasahe pa siya ng isang alaskador. “Pagbutihin mo, bata! Hataw!”
Lumakad mag-isa si Enteng, dala ang lumang gitara.
Puno ng kumpiyansa, tinapatan pa ni Enteng ang bintana ng dalaga. Dala ang gitara, kahit wala sa tono ay bumanat ito ng isang harana.
Nadinig ni Milagros ang harana ni Enteng. Tinitipa ang gitara Hindi pa man lumalabas ang boses ay para na itong nabibilaukan, parang sinasakal.
Abut-abot ang kaba ng dalaga, na para bang may mangyayaring hindi maganda.
Nahinto ang harana. Wala na ang kumakanta.
Pagbukas ni Milagros sa bintana ay wala siyang nakita.
Wala na si Enteng sa kinatatayuan kanina sa labas.
Kasunod niyon ay nadinig ni Milagros ang dagundong ng mga mabibigat na hakbang. Bahagya siyang nagkubli sa bintana dahil nauunahan na siya ng takot, at hindi niya gusto na makita ang takot na iyon. Nakita niya sa tama ng liwanag ng buwan ang napakalaking anino, mabalahibo, matatalim ang pangil, matatalas ang kuko.
Palinga-linga pa ito at hinugot ang pumpon ng bulaklak sa hardin. Kita niya ang pagluhod ng anino at pag-aalay ng bulaklak sa paanan ng hagdan.
Iyon lang at tumayo ang nilalang na iyon at nagtatakbo palayo. Nakaramdam ng tagumpay ang selosong halimaw.
Agad hinila ni Milagros ang tukod ng bintana para sumara iyon. Nanginginig ang katawan na tumabi siya sa higaan ng tiyahin.
Hindi siya pinatulog nang isipin na halimaw ang numero unong karibal ng kanyang mga manliligaw.
Kinabukasan ay inaapoy ng lagnat ang dalaga. Tinawag niya ang tiyahin. “Tiya… nasaan ka?”
Walang sagot.
Kahit namimigat ang pakiramdam ay pilit igapang ni Milagros ang katawan. Binuksan niya ang pinto, at nakita niya nandoon pa ang mga pumpon ng bulaklak. Ang bulaklak na alay ng halimaw sa kanya. Ang nakita niya sa hagdan ay mga bulaklak na kulay dilim.
Dinampot ni Milagros, naduwal din siya sa amoy.
“Ambaho! Nakakasuka ang baho!”nagdilim ang kanyang mukha. Ito ang amoy na hindi niya kayang sikmurain. Sino ba namang babae ang matutuwa kapag niregaluhan ka ng lalaki ng bulaklak na amoy patayna daga?
Ang bulaklak ay talaga namang nagtataglay nang hindi kanais-nais na amoy. Para pa ngang kaamoy ng masamang hangin na galing sa bituka ng tao. Maging bubuyog at paruparo ay masusukang lumapit dito.
Sapo ang tiyan, dumuwal nang dumuwal si Milagros. Halos bumaligtad ang sikmura niya sabaho ng amoy. Kandaluwa na siya sa baho ng amoy.
Ubod nang lakas na sinipa niya palayo ang bulaklak at isang daliri ang nakita niyang tumalsik mula roon. May nakasuot pang singsing sa daliring iyon. Kay Tandang Julian niya huling nakita ang singsing na iyon. Isa pang bulaklak ang tinadyakan niya. May tumilapon. Ang tumilapon na pustiso ay malamang na kay Vino. Tadyak dito, tadyak doon. Nakalas ang tali ng pumpon ng bulaklak. Ang nakalas na tali ng bulaklak ay tila galing sa kuwerdas ng gitara ni Enteng.
Kinilabutan si Milagros.
Kung gayon, tama ang sinabi ng tiyahin sa kanya. Sinuman ang maging karibal ng halimaw sa kanya ay kakainin ng laho. Mawawala na parang bula. Pero ano ito, bakit kada sipa niya sa bulaklak ay nakikita niya ang nagtatalsikang putul-putol na bahagi ng katawan.
Ang bulaklak ng halimaw, ang pinaggagalingan ng amoy ng mga nabubulok na laman ay siya palang naging libingan ng mga karibal ng seloso at malupit na halimaw.
Napaiyak si Milagros. Iyak-tawa, tawa-iyak ang ginawa niya. Mababaliw yata siya sa lahat nang nasaksihan.
Nakakabaliw ang sobrang takot.
Wakas

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento