Sabado, Pebrero 25, 2012

Paulit-ulit na kamatayan

Paulit-ulit na kamatayan

July 31st, 2010
Sumulyap ito sa kanya bago ito nagbaril sa sarili. Nawala agad ang aparisyon nito ngunit hindi ang dugong nakita niyang pumuslit mula sa ulo nito.
SINO ang mag-aakala na pagbukas ni Leandro sa pinto ng kuwarto ng kanyang ama ay makikita niya ito na nakadiin sa kanang sentido nito ang hawak nitong baril?
Sinakmal siya ng matinding pagkabigla. Ilang mahahalagang segundo ang lumipas na nakamata lang siya sa kanyang ama na nakapikit nang mga sandaling iyon, bumubuka-buka nang marahan ang bibig nito na tila nagsasalita bagaman wala naman siyang naririnig na salitang inuusal nito.
Hanggang sa isang putok ang nagpakislot sa kanya. Sinundan niya ng tingin ang dugong malakas na pumulandit mula sa ulo nito at ang pagbagsak ng katawan nito sa sahig kasama ang silyang kinauupuan nito.

Saka lang siya nakahiyaw. Pero huli na, hindi na maisasalba ang buhay nito.
Ang pagkakaroon ng malubhang sakit ang nag-udyok sa kanyang ama upang kitlin nito ang buhay.
Nagkaroon ito ng sakit sa atay. Ang hindi maawat na pag-inom nito ng alak ang sanhi ng karamdaman nitong iyon.
Ayon sa mga doktor, malubha ang sakit nito pero may pag-asa pa naman daw na gumaling. May pantustos naman ang pamilya nila sa mahabang gamutan. Dangan nga lamang, habang ginagamot ang kanyang ama ay araw-araw itong dumaranas ng walang katulad na kirot.
May paniniwala rin ito na hindi na ito gagaling. Kaya siguro minabuti na lang nitong mamatay.
PANGALAWANG gabi ng burol ng ama ni Leandro nang susian niya ang nakakandadong kuwarto nito dahil may kukunin siya roon. Pagbukas niya ng pinto ay nagitla siya nang may makitang tao sa loob ng kuwarto. Nakaupo ito sa isang silya habang nakaharap sa dingding. Pilit niyang inaaninag ang mukha nito dahil may kadiliman sa loob ng kuwarto nang unti-unti ay sumulyap ito sa kanya. Ito ay walang iba kundi ang kanyang ama! May nakatutok uling baril sa ulo nito. Kasunod niyon ay isang malakas na putok ang kanyang narinig. Ang sumunod na nakita niya ay ang pagtumba nito. Sa muling pagdilat niya ay wala na ang aparisyon nito.
Hindi na siya nagkalakas ng loob na manatili pa sa kuwarto nito. Agad niyang isinara ang pinto at mabilis na lumabas ng bahay. Dahil may sakit sa puso ang kanyang ina, sa mga kapatid na lang niya ikinuwento ang nakita niya.
Hindi iyon ang una at huling pagpapakita sa kanya ng kanyang ama. Dalawang gabi bago ang libing nito ay muli niyang nakita ang tagpong iyon hindi sa loob ng kuwarto nito dahil iniiwasan na muna niyang pumasok sa kuwarto nito kundi sa kalye, sa harap ng puneraryang kinabuburulan nito. Paglabas niya ng punerarya ay nakita niya ang kanyang ama, nakaupo sa silyang nakaposisyon sa gitna ng kalsada, nakatagilid ito sa kanya. Tulad ng naunang aparisyon nito, sumulyap muna ito sa kanya bago ito nagbaril sa sarili.
Ilang gabi pagkaraang mailibing ito ay nagpakita uli ito sa kanya sa kaparehong tagpo. Sa kuwarto naman ng kanyang ina niya nakita ito, nakaupo uli ito sa silya, nakatagilid sa kanya. Taliwas sa aktuwal na nangyari, sumulyap ito sa kanya bago nagbaril. May malungkot na ngiting nakaguhit sa mga labi nito nang sulyapan siya.
Bakit sa kanya lang ito nagpapakita? Bakit paulit-ulit na ipinapakita nito sa kanya ang naging kamatayan nito?
Walang katulad na pagdurusa ang nararamdaman niya tuwing maaalala niya ang malupit na tagpong iyon. Sa paglipas ng mga araw ay nagkahinala siya kung bakit. Sinusumbatan siya ng kanyang ama.
May tsansa sana na naisalba niya ang buhay nito kung naging mabilis lang ang pagkilos niya nang gabing iyon. Pero naging mabagal siya. Ilang sandali pa ang pinalipas niya na nakatulala lang siya sa kanyang ama habang nakaumang dito ang baril nito.
Ikinuwento niya iyon sa kanyang mga kapatid.
“Mali ang iniisip mo na sinusumbatan ka ni Dad sa pagkamatay niya,” wika ng panganay nila. “Walang may kagustuhan ng nangyari kundi siya. Kung mayroon mang dapat na manumbat, tayo yon dahil hindi niya ikinonsidera ang posibleng mararamdaman natin sa mangyayari.”
Sa halip na panunumbat, may mensahe raw na gustong iparating sa kanilang magkakapatid ang paulit-ulit na pagmumulto nito sa kanya, mensaheng nakaligtaan nitong banggitin bago ito nagpakamatay. Kung ano ang mensahe na iyon ay hindi pa nila mahulaan.
Nagsisisi na ba ito dahil sa ginawa nito? Maaari.
Tumanggi sila nang magmungkahi ang isang psychic na i-exorcise ang kuwarto ng kanilang ama. Para matigil na raw ang pagmumulto nito.
“Hindi evil spirit ang dad ko para itaboy naming,” naiinis na sabi ng bunso nila.
Natatakot sila sa patuloy na pagpapakita ng kanyang ama pero iniisip nila na baka may gusto lang itong ipabatid sa kanila.
Hanggang isang gabi ay muli niyang nakita ang paraan ng pagkamatay nito. Nabungaran niya itong nakaupo sa silya pagpasok niya sa kuwarto niya, nakaharap sa dingding. Sumulyap ito sa kanya bago ito nagbaril sa sarili. Nawala agad ang aparisyon nito ngunit hindi ang dugong nakita niyang pumuslit mula sa ulo nito.
Bumagsak sa sahig ang dugo at bumuo ng pangalan bago iyon naglaho sa paningin niya. Ang pangalan na nakasulat ay Alison.
May kilala siyang Alison. Anak sa labas ng kanyang ama. Fifteen years ago, their father had an affair with another woman. May naging bunga ang bawal na relasyong iyon, si Alison. Labing-apat na taong gulang na ito ngayon. Matanda lang dito nang dalawang taon ang bunso nila.
Napatawad na nila ang kanilang ama ngunit ang ina ni Alison ay hindi pa ito napapatawad. Ang akala noon ng ina ni Alison ay binata ang kanilang ama. Nang matuklasan nitong may asawa’t anak ang kanilang ama ay iniwasan na nito ito. Hindi niya nakita si Alison pati na ang ina nito noong panahon na nakaburol ang kanilang ama. Hindi pa rin kinakausap ng ina ni Alison ang kanyang ama pero si Alison, ang alam nila ay pinapayagan ito ng ina nitong makasama ang kanilang ama paminsan-minsan.
Hindi lang isang beses na nakasama ng kanilang pamilya si Alison sa pamamasyal. Nakausap noon ng isa sa mga kapatid niya ang ina ni Alison at nangakong pupunta ito sa burol. Pero hindi ito dumating. Hindi mahirap mahalatang may matinding galit pa rin ito sa kanilang ama.
Patay na ang kanilang ama, kung anuman ang naging kasalanan nito sa ina ni Alison, dapat ay napatawad na nito.
Pero ano ang ibig iparating ng kanilang ama sa kanila? Na nagtatampo ito na hindi sinilip ni Alison ang burol pati na ang libing nito? Na nagtatampo ito dahil hanggang ngayon ay hindi nadadalaw ni Alison ang puntod nito?
Ayaw na sana nilang puntahan pa si Alison dahil nangangamba silang hindi maging maganda ang maging pakikiharap sa kanila ng ina nito kaya lang ay baka raw maging isang malaking pagkakamali kung hindi nila makakausap si Alison dahil baka raw mas malalim kaysa sa iniisip nila ang mensaheng gustong ipahatid sa kanila ng kanilang ama.
Kasama ang dalawang kapatid, pinuntahan niya si Alison ngunit ang ina lang nito ang humarap sa kanila. Ikinuwento niya rito ang mga aparisyon ng kanilang ama sa kanya partikular na ang huli kung saan nabuo mula sa pumatak na dugo ng kanyang ama ang pangalan ni Alison.Bahagyang natigatig ang seryosong reaksiyon ng ina ni Alison.
“W-wala kaming idea, Ma’am, kung ano ang gustong iparating ni Daddy sa mga pagpaparamdam niya sa amin, lalo na sa pagiging involved ni Alison,” wika niya rito. Pinipilit niyang maging magalang ang timbre ng pagsasalita kahit naiilang siya sa tila hindi pagpapakita nito ng reaksiyon sa mga narinig. “Nagpunta kami rito dahil baka si Alison ay may alam. Ang hula kasi namin, baka nagtatampo si Dad dahil hindi nagpunta si Alison… kayo sa burol niya. O baka may naging tampuhan sina Daddy at Alison at gustong maayos iyon ni Daddy ngayong patay na siya.”
Lalo pang tumiim ang emosyong nakabadha sa mukha nito. “Hindi pala nagtapat sa inyo ang ama n’yo,” sabi nito.
“Ano ho ang dapat niyang ipagtapat sa amin?” tanong niya rito.
What she told them shocked them. Dalawang taon na raw ang nakararaan nang molestiyahin ng kanilang ama si Alison. Lasing daw noon ang kanilang ama at gustong makausap ang ina ni Alison pero tumanggi ang huli. Sa halip ay si Alison na lang ang pinaharap at pinasama rito. Habang kasama si Alison, tila bigla raw nilukob ng demonyo ang pag-iisip ng kanilang ama at pinaghahalikan at pinaghahawakan nito ang maseselang bahagi ng katawan ni Alison. Kung wala pang nakapansin sa nangyayari sa mag-ama at sumita sa mga ito na noon ay nasa loob ng sasakyan ng kanilang ama baka raw tuluyang nalapastangan ng kanilang ama ang kapatid nila sa labas.
Alison’s mother swore that the story was true. Agad daw na humingi ng tawad ang kanilang ama kay Alison ngunit hanggang ngayon daw ay hindi pa ito napapatawad ni Alison.
“Marinig lang niya ang boses ni Vincent, nanginginig na siya sa takot at galit,” paglalahad ng ina ni Alison.
Maaari daw na ang naging kasalanan ng kanilang ama kay Alison ang nag-udyok dito upang magpatiwakal. At ang katotohanang hindi pa ito napapatawad ni Alison hanggang ngayon ang patuloy na lumiligalig sa kaluluwa nito.
Disente, may takot sa Diyos at alam nilang mahal ng ama nila si Alison bilang anak nito pero bakit nagawa nito iyon? Udyok ba iyon ng pangungulila nito sa ina ni Alison o udyok iyon ng galit nito sa ina ni Alison? Tinangka bang pasakitan ng kanyang ama ang ina ni Alison sa pamamagitan ni Alison?
Sinikap nilang magkakapatid na humingi ng tawad kay Alison para sa kanilang ama nang mga sumunod na araw ngunit bigo sila. Madalas na iniiwasan na rin silang kausapin nito dahil alam na marahil nitong ang paghingi nila ng kapatawaran para sa kanilang ama ang pakay nila.
Hindi na madalas ngunit patuloy pa rin niyang nakikita ang paulit-ulit na pagpapatiwakal ng kanyang ama. Tuwing mangyayari iyon ay lalong sumisidhi ang pagnanais nilang magkakapatid na makamit na nito ang pagpapatawad ni Alison. Pero hindi sila magsasawang tawagan at puntahan si Alison. Hanggang isang gabi, pumasok siya sa kuwarto ng kanyang ama upang may hanapin doon nang makita niya itong nakaupo sa gilid ng kama nito, may masayang ngiti sa mga labi habang pinagmamasdan ang isang larawan ni Alison at ng ina nito na nakapatong sa silyang kaharap nito.
Unti-unting naglaho ang multo ng kanyang ama habang nakangiting nakasulyap sa kanya.
Napaiyak siya. Nang gabi ring iyon, nakatanggap siya ng text message galing kay Alison na nagsasabing napatawad na nito ang kanilang ama. Ipagdadasal daw nito ang katahimikan ng kaluluwa ng kanilang ama.
Wakas.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento