Huwebes, Pebrero 23, 2012

si zobel

Si Sobel

February 5th, 2010
“Matagal nang patay ang nakita mo, pare… Magdadalawang-taon nang patay si Sobel”
MADALING-ARAW nang dumating si Joel sa bahay ng best friend niyang si Ronald sa probinsiya. Matagal na silang hindi nagkikita nito Simula nang mag-resign ito sa trabaho sa pabrikang pinapasukan nila. Nami-miss na niya ito at nasasabik na siyang makipag-kuwentuhan dito.
Hawak ang may-katamtamang laki ng bag ay nilakad niya ang halos tatlumpung metrong distansiya mula sa kalsada hanggang sa bahay nina Ronald. Malayo pa lang siya ay nakita na niya ang isang babaeng nakaupo sa hagdan ng bahay. Mahaba ang buhok nito at nakapantalong itim at blouse na puti. May bag sa kandungan nito.
Sino kaya ito? Kapatid kaya ito ni Ronald? Ano’ng ginagawa nito sa hagdan? Noong unang punta niya roon ay hindi niya nakita at nakilala ang kaisa-isang kapatid ni Ronald na babae dahil nagkataong nagbakasyon ito sa lola ng mga ito sa malayong lugar.

“Good morning, Miss!” bati niya sa babae. Nakatapat dito ang liwanag na nagmumula sa bandang ulunan nito mismo.
Hindi ito tumingin sa kanya ngunit sumagot naman. “Good morning,” wika nito sa napakahinang tinig na para bang naubos ang lahat ng enerhiya nito sa pagsasalita.
“Kapatid mo si Ronald?” aniyang ang tinutukoy ay ang kanyang matalik na kaibigan.
Umiling ang babae.
Napatingin siya sa ulo ng babae. Noon lang niya napansin na may sugat iyon. Mayamaya ay biglang sumirit ang dugo mula roon. At kasabay niyon ay nag-angat ito ng tingin sa kanya. Parang tumalon ang puso niya sa takot. Paano ay naliligo na sa dugo ang buong mukha nito!
“Sino ‘yan?” Narinig niya ang pamilyar na tinig na iyon nang magpakawala siya ng nagugulat na tinig.
“A-ako, Ronald, si J-Joel,” kandautal na sagot niya. Hindi siya matatakutin. Ngunit nang mga sandaling iyon ay nakadama siya ng paninindig ng mga balahibo. At nadagdagan pa iyon nang sa muling pagtingin niya sa kinauupuan ng babae ay wala na ito. Nag-antanda siya. Pakiramdam niya ay nawalan ng kulay ang mukha niya nang pagbuksan siya ng pinto ng kanyang kaibigan.
“Joel, pare, napakaaga mo,” nasorpresang wika ni Ronald. Kinamayan siya nito. “Welcome, pare!” nagagalak na wika nito, pagkatapos ay natigilan. “Napaano ka, pare? Bakit ang lamig ng kamay mo?”
Parang natatakot pa siyang tumapak sa baitang na kinauupuan ng babae kanina nang pumanhik siya sa hagdan. “K-kanina, may babae rito… inabutan ko,” nagkakandautal na sabi niya. Hindi pa rin nawala ang takot na idinulot sa kanya ng babaeng iyon. “May sugat sa ulo… duguan ang mukha.”
Nakita niyang namutla si Ronald. Hinila siya nito papasok sa sala.
“Sino iyon, pare? Bakit biglang nawala? May aswang ba rito sa inyo?”
“Paki-describe mo ang hitsura,” wika nito sa halip na sagutin ang tanong niya.
Inilarawan naman niya ang hitsura ng babaeng nakita niya.
Napaantanda si Ronald.
“Bakit, pare? Sino ba iyon?”
“Girlfriend ko. P-patay na siya, pare.”
Nayakap niya ang sarili. Para kasing biglang lumamig ang paligid. Sumigid iyon sa kalamnan niya.
“Kaya ako nag-resign noon ay para sana magpakasal na kami. Pero hindi iyon sinang-ayunan ng mga magulang niya na may napipisil na iba para sa kanya. Isang mayamang biyudo. Kaya nagkasundo kami na magtanan….” pumiyok pa ang tinig na sabi nito.
“Ano’ng nangyari?” pigil ang hiningang tanong niya.
“Hindi siya dumating sa tagpuan namin. Buong gabi akong naghintay. Umuwi na lang ako. Inisip ko na baka nagbago ang isip niya. Pero pagdating ko rito sa bahay…” Ikinuyom nito ang mga kamay. “Nandiyan siya sa hagdanan, nakaupo kandong ang bag niya… Pero katulad no’ng nakita mo ang nakita ko sa kanya. Bigla siyang nawala… at pagkatapos niyon ay nabalitaan ko na patay na pala siya. Tumalon siya sa bintana ng bahay nila para tumakas at pumunta sa tagpuan namin. Tumama ang ulo niya sa isang bato.” Humagulhol na ito ng iyak. “Matagal nang patay ang nakita mo, pare… Magdadalawang taon nang patay si Sobel.”
Paulit-ulit na napaantanda siya. “K-kaya hindi ka na bumalik sa trabaho ay dahil sa nangyari, pare? H-hindi ka pa nakaka-recover?”
Nang biglang bumukas ang pinto ay sabay silang napatingin doon. Nakita nila ang katawan ni Sobel. Pati na ang pagnguyngoy nito ay naririnig nila. Napatalon at napayakap siya kay Ronald. Alam niyang maging ito ay na takot din.
Isinara ni Ronald ang pinto at ini-lock. Pagkatapos ay nagkatinginan silang magkaibigan. Walang isa man sa kanila ang gustong magsalita dahil pareho silang nanginginig sa takot…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento