Huwebes, Pebrero 23, 2012

pueblo

Pueblo

February 10th, 2010
KARANIWAN na sa ating mga kalalakihan ang mabighani sa isang magandang binibini, lalo kung tayo’y nagagawi sa kanayunan kung saan ay mayumi pa ang mga kadalagahan na malayung-malayo sa asal ng mga kababaihang lumaki sa siyudad.
Hindi makakalimutan nitong si Berto ang isang kaganapan sa kanyang buhay na ikinatindig ng lahat ng kanyang mga balahibo sa katawan. Naim-bitahan itong sina Berto kasama ng kanyang mga kamag-aral sa isang piyesta noong magtungo sila sa lalawigan para magbakasyon. Para marating ang lugar na nagdiriwang ng kapistahan ay kinailangan nilang tumawid ng dagat.
Ayaw ihayag nitong si Berto ang eksaktong lugar basta isla umano ito. Naisip ko agad noon na sa Kabisayaan ito nangyari ngunit ng aking pag-aralan, natanto ko na pati sa Luzon o maging sa Mindanao ay may mga islang nahahawig rin sa deskripsyon ni Berto. Nanatili itong palaisipan sa akin hanggang sa ngayon kung saan nga ba nangyari ang kakaibang karanasan na ito ni Berto.

Yung isa sa pinakamaganda sa klase namin ang nag-imbita kaya hindi na ako naka-hindi!” pahayag ni Berto. “Dapat talaga ay siya ang kursunada ko kaya lang ng sabihin niyang may ipapakilala raw siya sa akin na mas maganda ay lalo kaming naengganyong sumama.
Pagdating nila sa lugar na pinagdarausan ng kapistahan ay wala silang napunang kakaiba.
Sa pag-iikot ng magkakaibigan sa bayan ay nakilala ni Berto ang isang babae. Maganda ito at masasabing pasok sa pamantayan ni Berto kung katangian ng pinapangarap na babae ang pag-uusapan. Madali silang nagkapalagayang-loob ng babae at sa loob-loob ni Berto, mukhang iniibig na raw niya ang babae sa sandaling panahon pa lamang ng kanilang pagkakakilala.
Ang kultura sa kanayunan ay iba talaga kung ihahalintulad dito sa lungsod. Sinabi ng babae na dapat daw ay sa bahay nila siya ligawan ni Berto.
“Sige punta ako sa bahay ninyo, saan ka ba nakatira? Baka malayo ‘yan dito sa bayan?” tanong ni Berto sa babae.
“Malapit lang, ipakikilala na rin kita sa mga magulang ko,” ayon sa babae.
“Sa may gulod!? Nagpapatawa ka ba?” tanong ng kaklase ni Berto sa kanya nang tanungin kung saan siya pupunta upang manligaw.
“Naku, bahalaka, hindi kasi karaniwang nagagawi ang mga tao rito doon dahil marami raw nagpapakitang mga kaluluwa.”
“Naku ha, ang tatanda n’yo na naniniwala pa rin kayo diyan. Hindi totoo ‘yun,” pabirong sagot ni Berto. Desidido talaga siyang puntahan ang babae kahit saan pa ito nakatira.
Nang papunta na siya sa lugar na sinabi ng babae ay nagtaka siya kung bakit ayaw dumiretso ng tricycle sa lugar na sinabi niya at sa halip ay ibinaba na lamang siya sa bukana.
“Hanggang dito nalang Boss, hindi na kami tumutuloy papasok diyan, lakarin n’yo na lang!”
“Bakit? Magbabayad naman ako ha!!” sagot ni Berto. Pagbaba niya ng sasakyan ay sabay paharurot ng driver sa kanyang tricycle at naiwan itong si Berto sa dulo ng isang mahabang daan papasok sa isang subdivision na takang-taka sa inasal ng driver.
“Nasan na kaya ang bahay?” Tanong ni Berto sa kanyang sarili habang naglalakad at minamasdan ang kapaligiran na sa pakiwari ba niya ay tila napunta siya sa panahon ng Kastila.
Napansin niyang ang mga kabahayan ay pawang nakapinid ang mga pintuan at bintana at ang ibang bukas na mga bintana ay wala namang mga nakadungaw na tao.
Sa hindi kalayuan ay napansin na niya ang babaeng talagang sadya niya na kumakaway sa kanya. Nabuhayan siya ng loob dahil hindi naman pala siya naligaw at madali naman palang matunton ang bahay nito.
Kaagad siyang pinapasok sa bahay at sa loob ay parang sadyang naghihintay na roon ang mga magulang at kapatid ng babae.
Nagsalo sila sa pananghalian at nagkaroon ng pagkakataong makapagkuwentuhan patungkol sa maraming bagay ngunit kapag naitutuon sa kapaligiran ang kuwento ay tila iniiba ng ama ng babae ang paksa ng usapan.
Masyado siyang nalibang at hapon na nang maisipan niyang magpaalam upang bumalik sa bayan.
Hindi niya inakala na wala pala talagang nakakarating na tricycle sa lugar na iyon.
Nilakad ni Berto ang napakahabang daan patungong bayan at nang makarating na siya sa hangganan ay malalim na ang gabi. Hindi na niya matandaan ang bahay ng kaklase niya kaya nagtanong na lamang siya sa himpilan ng pulisya.
“Saan ho ba rito ang bahay ng mga Salcedo? Kaklase ho ako ng anak nila. May pinuntahan lang ako at hindi ko na matandaan ang pabalik sa bahay nila.”
“Diyan lang iyon sa ikalawang kanto sa gawing kanan. Bakit? Hindi ka taga- rito ano? Dapat hindi ka naglalakad-lakad ng walang kasamang taga-rito kasi marami ritong mga delingkwenteng lugar,” wika ng pulis.
Hindi na nagtanong si Berto patungkol sa tinutukoy ng pulis ngunit naging malalim na palaisipan sa kanya ang mga sinabi nito.
“Buti nakabalik kapa? Alam mo bang halos hindi pinupuntahan ng tao ‘yung pinuntahan mong lugar dahil maraming kaluluwang ligaw doon?” sabi ng kanyang kamag-aral na mukhang alalang-alala sa kanya.
“Naku kayo talagang mga taga-probinsya, masyadong mapagpaniwala sa kung anu-anong bagay. Kung gusto mo, pumunta uli tayo doon at baka nga pagpunta natin doon ay sagutin na ako nung chicks nanililigawan ko.”
Kinagat ng kaklase ang hamon ni Berto. Pinuntahan nila ang tricycle driver na naghatid kay Berto sa may gulod at isinama ito kasama ng iba pa nilang kaklase. Ang tatay ng kaklase niya ang nagmaneho ng kotseng sinakyan nila papunta sa lugar na pinuntahan kahapon ni Berto.
“Boss dito na tayo,” sigaw ng tricycle driver.
“Hindi pa! Malayo pa ito sa subdivision napinaghatiran mo sa akin kahapon. Hindi mo ba natatandaan?” tila naiinis na sabi ni Berto sa tricycle driver.
“Dito na nga ‘yun Sir. Kaya nga ayaw ko nang tumuloy kahapon dahil tingnan n’yo, putol ang tulay at bangin na ‘yan! Hindi n’yo ba nakikita ‘yan?”
Tumindig ang balahibo ni Berto sa takot. Ngayon lang niya napagmasdan na ang dulo ng tulay pala ay isang pueblo na dating karugtong ng baryo. Napahiwalay ito sa baryo nang biglang lumindol ng malakas at kinain ng lupa ang nasabing lugar.
Ayon sa kaklase ni Berto, may isinama rin sila dati na isang kaibigan na may kapareho ring kuwento patungkol sa isang babaeng taga-roon na nakursunadahan nito at niligawan. Ngunit hindi kagaya ni Berto, hindi na nito nalaman ang katotohanan tungkol sa mga kuwento ng kababalaghan sa pueblo.
Muli kasing nagbalik sa pueblo ang lalaki sa kabila ng babala ng mga tao sa pag-asang muli nitong makikita ang babaeng napupusuan. Hindi nito alam na ang babalikan pala niya ay ang kanyang kamatayan. Nakatakda pala siyang kunin ng ligaw na kaluluwang kanyang niligawan. Laking pasalamat ni Berto at walang nangyaring masama sa kanya.
Sa ngayon, kapag may nag-aanyaya kay Berto sa mga kapistahan lalo na sa malalayong lugar, nagdadalawang isip na siya dahil baka hindi na niya kayanin kung makaka-engkuwentro pa siya ng kakaibang karanasan.
Ang Wakas…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento